SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN APOSTOL
DISYEMBRE 27
SAN JUAN,
APOSTOL AT MANUNULAT
NG MABUTING BALITA (EVANGELIST)
A. KUWENTO NG BUHAY
Ang kasunod na ginugunita sa pangalawang araw na ito matapos
ang Pasko ay isang taong tunay na malapit sa puso ni Hesus. Si San Juan Apostol ay matutunghayan sa
mga salaysay sa lahat ng apat na Ebanghelyo. Sa katunayan, siya ang isa sa apat
na sumulat ng Mabuting Balita (kaya tinatawag siyang evangelista o manunulat ng
Mabuting Balita), kasama nina San Mateo, San Marcos, at San Lucas.
Ayon sa Bibliya, siya ay anak ni Zebedeo at ni Salome. Tulad ng kanyang ama, siya ay isang
mangingisda, bago niya tinahak ang landas ng pagsunod kay Hesus. Nauna siyang
naging taga-sunod ni San Juan Bautista subalit naakit siya kay Hesus. Nang
maging tagasunod siya ni Hesus, nakilala siya bilang ang “pinakamamahal na
alagad” (beloved disciple).
Sa mahahalagang tagpo ng buhay ng Panginoon, si San Juan ay
kasa-kasama nina San Pedro at Santiago Apostol, na kapatid niya, upang maging
saksi sa mga himala na ginawa ng Panginoon. Sa tuwing iguguhit ang larawan ng mga apostol, laging
ipinapakita na si San Juan ang pinakabata sa lahat ng mga apostol, walang balbas
at sinasabing siya ang kaisa-isang binata sa grupong ito.
Pagkatapos ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, si San Juan ang
nagdala ng Mabuting Balita sa Samaria, kasama ni San Pedro. Pagkatapos nito ay
ipinapalagay na nakarating siya sa Antioquia at sa Efeso upang mangaral sa mga
lungsod na iyon. Dinalaw din ni San Juan ang Roma at siya ay ipinatapon sa isla
ng Patmos, ang lugar kung saan
pinaniniwalaang isinulat niya ang Mabuting Balita (o Ebanghelyo) ayon kay San
Juan at pati ang tatlong Sulat ayon kay San Juan sa Bagong Tipan (Letters/ Epistles of John).
Namatay siya sa isla ng Patmos
noong dulong bahagi ng 1st
century, bilang kahuli-hulihan sa 12
apostol na namatay at hindi rin siya naging martir tulad ng iba, kundi inabot
niya ang kanyang katandaan.
Si San Juan ang tinutukoy na apostol na nakahilig o
nakasandal sa puso ng Panginoon noong Huling Hapunan. Dito makikita kung gaano
nga siya kalapit sa puso ng Panginoon. Maaari din na dahil sa kanyang pagiging
malapit kay Hesus, kaya talagang malalim ang katotohanang isinulat niya sa mga
aklat ng Bagong Tipan. Siya ang teologo (theologian)
sa mga apostol dahil sa lalim ng kanyang mga pagninilay sa buhay at aral ng
Panginoong Hesus at sa taas ng kanyang paliwanag sa mga misteryo ng Diyos.
Kabilang si San Juan sa kaunting mga tagasunod ni Hesus na
naging saksi sa kanyang paghihirap at kamatayan sa Kalbaryo. Matatandaan na
nagtakbuhan at natakot ang ibang mga alagad subalit si San Juan ay naroon
hanggang kamatayan ng Panginoon sa krus.
May natatangi siyang personal na misyon sa ilalim ng krus.
Bago mamatay ang Panginoong Hesus, sa kanya ipinagkatiwala ang pag-aaruga sa
kanyang inang si Maria. Itinuring ni San Juan na sariling ina ang Mahal na
Birhen at kasama niya ito sa kanyang bahay sa Efeso. Ang puntod ni San Juan at ang tahanan ng Mahal na Birhen sa
kanyang pagtanda, ay dinadayo ng mga tao sa Efeso, na ngayon ay bahagi ng
bansang Turkey.
B. HAMON SA BUHAY
Unti-unti mong basahin at pansinin ang kakaibang istilo ng
pagsusulat ni San Juan ng mga aklat sa Bagong Tipan ng Bibliya. Basahin ang
Ebanghelyo niya at ang tatlong Sulat.
Magdasal tayo na tayo rin ay maging lubhang malapit sa puso ng ating
Panginoong Hesus.
Ngayong Pasko, tularan natin si San Juan at isulat nating
ang ebanghelyo ayon sa ating sariling buhay at pananampalataya.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 21: 24-25
Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay
na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam natin na totoo ang kanyang patunay.
Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon,
sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)