BAGONG TAON: SI MARIANG INA NG DIYOS, K
PAGKAKAISA NG PANAHON
LK 2: 16-21
Dalawa ang paraan ng pagtantiya ng panahon. Una, ang physical time. Sabi ni Aristotle, ang panahon ay ang pagsukat ng “bago” at “pagkatapos” ng isang kilos o pagbabago, ang daloy ng mga sandali. At dito, ang kasalukuyan lang ang meron tayo; ang nakaraan ay naglaho na; ang kinabukasan ay wala pa. Ang tawag ng mga Grieyego dito ay chronos, panahon na sinusukat ng orasan at ng kalendaryo.
Ang ikalawa ay ang personal o interior time. Dito naman ang nakaraan ay hindi ganap na naglaho kundi taglay natin sa ala-ala. Ang kinabukasan naman ay hindi bula lamang kundi isang paanyaya sa tulong ng imahinasyon. Hindi lahat ng sandali ay pantay dahil mas mahalaga at makabuluhan ang ilang sandali ng buhay. Sabi ni San Agustin, kaya ng kaluluwa na yakapin ang nakaraan at abutin ang hinaharap. Kaya kaya nating pag-ugnayin ang kasalukuyan, nakaraan at kinabukasan.
Nagtataka tayo kung bakit pista ni Mama Mary ang New Year. Sa Mabuting Balita nandoon ang sagot. Sa pakikinig sa pahayag ng mga anghel at mga pastol tungkol sa Sanggol na si Hesus, itinago at pinagnilayan ni Maria sa puso ang lahat ng bagay. Binalikan niya ang ala-ala ng mga pangako ng Diyos sa Israel noong una pa. Inisip din niya kung paano ang Sanggol ay magiging katuparan ng mga pangakong ito sa darating na mga panahon. At tumugon siya sa hamon ng kasalukuyan upang makiisa sa paglago ng plano ng Diyos para sa kaligtasan ng daigdig.
Kung pisikal lang ang tingin natin sa panahon, ang nakalipas ay puno ng hinayang, hinagpis at kawalang halaga. At ang kinabukasan ay haharapin namang may takot, pagkalito at pangamba. Subalit kung ang tingin natin sa panahon ay personal, sa puso natin kaya nating pag-ugnayin ang lahat. Ang nakaraan ay bukal ng mga aral sa buhay; ang kinabukasan ay bukal ng pag-asa; at ang kasalukuyan ay ang pinakamagandang handog natin sa Panginoon at sa kapwa tao.
Itong 2022, ikalawang taon ng pandemya ay hindi maaalala bilang kasaysayan ng lockdown, kamatayan, at kapalpakan ng gobyerno at ng situwasyong kalusugan sa bansa. Para sa mga Kristiyano, ang hamon na ito ay matatandaan bilang patotoo sa pag-ibig ng Diyos sa mga nagdusa, bilang pagliligtas sa kanyang matapat na bayan, at bilang patunay ng pagpapala niya sa pamamagitan ng kabutihan, bukas-palad at malasakit ng mga anak niya para sa isa’t-isa lalo na sa mga dukha.
Hilingin natin sa Bagong Taon na gawin tayo ng Mahal na Birhen na malapit kay Hesus. Tulungan nawa niya tayong maalala ang kabutihan ng Diyos sa nakaraang taon at abangan ang kanyang mga biyaya sa darating na mga araw. Buksan nawa niya ang mga mata natin upang laging makita ang Panginoong Hesus sa lahat ng sandali na tayo ay nabubuhay, gumagawa, naglalaro, at nagdarasal sama-sama para sa isang bagong at mas mainam na daigdig.
MANIGONG BAGONG TAON PO SA INYONG LAHAT!
Comments