SAINTS OF DECEMBER: MARIA, IMMACULADA CONCEPCION
DISYEMBRE 8
DAKILANG KAPISTAHAN
NG
KALINIS-LINISANG
PAGLILIHI SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
A. KUWENTO NG BUHAY
Pamilyar na tayo sa buhay ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina
ng ating Panginoong Hesus at Ina natin sa pananampalataya. Ayon sa Bibliya,
mula sa puso ng Diyos ay hinirang niya si Maria, isang birhen, isang dalaga,
isang simpleng babae upang maging ina ng kanyang Anak na
magkakatawang-tao. Ang paglilihi
ni Maria kay Hesus ay hindi gawa ng tao sapagkat wala pang asawa noon si Maria.
May nobyo siya, si San Jose, subalit hindi pa sila kasal at hindi nagsasama.
Ang Espiritu Santo ang kikilos upang maganap ang himala ng pagdadalang-tao ng
Mahal na Birhen sa kanyang sanggol na si Hesus.
Subalit ang kapistahang ito ay hindi tungkol sa paglilihi ni
Maria sa kanyang Banal na Anak.
Ito ay tungkol sa ina ni Maria (si Sta. Ana, ang pangalan ayon sa
tradisyon), na naglihi sa sanggol na si Maria sa kanyang sinapupunan. Ang himala ng Diyos ay kumilos sa pangyayaring
ito, dahil sa tiyan pa lamang ni Sta. Ana, ang sanggol na si Maria, ay hindi
pinabayaan ng Diyos na magkaroon ng anumang bahid ng kasalanan.
Bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang turo tungkol sa original sin o kasalanang mana mula kay Adan at Eba. Ibig sabihin, lahat ng
isinisilang sa mundong ito ay nababahiran ng kasalanan ng unang mga magulang
natin, kaya lahat ay isinisilang na may kulang, o may pagkakalayo sa Diyos at
sa buhay-kabanalan, dahil nga sa pagsuway ni Adan at Eba.
Sa aral ng ating simbahan, ang Mahal na Birhen ay ipinaglihi
ng kanyang ina na walang bahid-dungis ng kasalanan. Bakit tila special
treatment ang ginawa ng Diyos? Dapat
natin maunawaan na naganap ito hindi dahil kay Maria. Ito ay naganap
alang-alang sa Panginoong Hesukristo, bilang paghahanda ng Diyos sa pagsilang
ng kanyang Anak. Ang magdadala o
sisidlan ng Anak ng Diyos ay dapat maging malinis at karapat-dapat na nilalang.
Dahil si Maria ay nasa plano na ng Diyos noon pa man, kaya nga sa simula pa ng
kanyang buhay, siya ay iniligtas na at ipinag-adya sa original sin.
Maringal na ipinahayag na ating simbahan ang katuruang ito
(o dogma) noong December 8, 1854 sa
pamamagitan ni Papa Pio IX. Ang
kapistahan ngayon ay “holy day of
obligation” sa Pilipinas kaya dapat tayong
magsimba sa araw na ito.
Ang kapistahang ito ay Marian
– dahil tungkol kay Maria. Pero hindi si Maria ang sentro ng turo at
pagdiriwang na ito. Sa halip, ito ay Christocentric
– ang sentro ay si Hesus, ang anak ng Diyos na ang naging Ina ay si Maria. Si
Maria ay isang mahalagang kasangkapan, isang natatangi at kakaibang instrumento
ng Diyos para sa pagdating ng kanyang Anak.
B. HAMON SA BUHAY
Habang papalapit ang Pasko ay mapapansin nating palagi
nating maririnig o kasama sa pagdiriwang ang Mahal na Birheng Maria. Mayroon ka bang debosyon sa kanya? Nagdarasal ka pa ba ng Rosaryo na isang
panalanging Marian at lalo na, Christocentric? Hililingin nating mapalapit tayo
kay Hesus sa tulong ng kanyang Inang si Maria. Huwag kalimutang magsimba sa
araw na ito.
Ngayong Adbiyento, maging modelo nawa natin si Maria sa
pagtugon sa tawag sa atin ng Panginoon.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 1;31-32
At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na
pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng
Kataas-taasang, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang
ninunong si David.
(from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos)