MAHAL NA BIRHEN NG PAPAYA: HIDDEN TREASURE OF PARAÑAQUE
KILALANIN ANG MAHAL NA BIRHEN NG KAPAYAPAAN
LERON, LERON SINTA BUTO NG PAPAYA
Nagsimula ang lahat noong bago
mag-giyerang pandaigdig bandang 1937. Noong panahong iyon nakikinita na ng mga
Amerikano sa Pilipinas na may napipintong digmaang magaganap at nagsimula na
silang maghanda. Inaanyayahan ang mga kalalakihan sa Kamaynilaan na dumalo sa
mga pagsasanay military sa Crame at sa Fort Bonifacio. Isa sa mga natawagan ay
isang ama ng tahanan na si Antonio de Leon, mula sa isa sa mga taal na
pamilyang taga-baryo Don Galo sa bayan ng Parañaque, Rizal.
Ala-ala pa ng mga matatanda noon
na ang lugar na tinagurian ngayong “Coastal” ay tadtad ng mga malalaking bahay
ng mga Amerikano na nais tumira malapit sa simoy ng hanging-dagat at sa tunog
ng mga alon sa dalampasigan.
Minsan nang umuwi si Antonio mula
sa mahabang pagsasanay, naghanda ng piging ang kanyang inang si Aling Poten. Tinawag
ang mga kapamilya at mga kaibigan na dumalo sa pagsalubong sa anak na si
Antonio. At para sa mga Tagalog noong panahong iyon, hindi tunay ang handaan
kung walang natatanging putahe na tinolang manok na isang tanyag na pagkain.
Ang tinola ng mga Tagalog ay
manok na nilahukan ng iba’t-ibang rekado subalit higit sa lahat, ng papayang
hilaw at dahon ng sili. Bukod sa masarap at malambot ang manok nito, tunay na
napakasarap ng sabaw nito. Iba ito sa tinola sa Kabisayaan na siyang tawag sa
anumang ulam na may sabaw (baboy, baka, manok at isda).
May kapatid si Antonio na ang pangalan
ay Alberto. Si Alberto ay nagtatrabaho noon bilang tagapag-alaga ng kabayo sa
tahanan ng isang mayamang Amerikano. Nang matapos kumain, si Alberto ay naghanap
ng pamutat (panghimagas o dessert ngayon). Ang sagot ng ina nilang si Aling
Poten ay may handang hinog na papaya. Kaya’t dali-daling hinanap ito ni Alberto
at sinimulang kainin.
Noong panahong iyon at maging sa
ilang lugar pa rin sa Katagalugan ngayon, kapag inihain ang papayang hinog,
hindi ito nililinisan ng buto. Basta na lang ito bibiyakin at bahala na ang kakain
upang tanggalin ang mga buto habang kinakain ito. Taliwas sa gawi ngayon na
malinis na malinis ang papaya kung ilagay sa lamesa.
Tuwang-tuwa si Alberto sa pagkain
ng papayang hinog hanggang nagulat siya dahil may isang matigas na bagay siyang
nakagat. Akala niya ay buto ng papaya dahil halos kasing laki ito ng isang
butil ng buto ng papaya. Sa halip na itapon agad, tinitigan niya at sinuri kung
bakit matigas ang inaakalang buto.
Laking gulat niya nang mamasdang
tila hugis maliit na poon o imahen ng Mahal na Birhen ang naturang bagay. Bumaba
mula sa itaas ng pawid na bahay ang nanay Poten niya at tiniyak na isa ngang
maliit na poon ng Birhen ang nasa kamay ng anak na si Alberto.
Puspos ng pagkamangha, pagkatuwa
at pagmamahal itinago ng nanay ang imahen sa loob ng kanyang bahay.
Bagamat wala pang makabagong
paraan ng komunikasyon noon, mabilis na kumalat ang magandang balita sa buong
nayon ng Don Galo kung saan ang mga tao ay tunay na mabubuti, simple at
maka-Diyos na mga Katoliko sa lilim ng Bisita ni Santa Monica na siyang mahal
na Patrona nila. Salamat sa mga likas na kadaldalan ng mga tao noon, nakilala
sa baryo ang mapaghimalang pagkakatagpo sa Mahal na Birhen na tinawag agad at
napamahal sa mga tao bilang “Mahal ng Birhen ng Papaya” dahil nga nanggaling
ito sa papayang pamutat sa handaan.
PAMIMINTUHO NG MADLA
Humangos ang mga tao sa tahanan
ng mga de Leon at doon sa harap ng Birhen ipinagdasal ang mga takot at
agam-agam nila tungkol sa giyera. Gayundin, dinala nila ang kanilang panalangin
para sa iba’t-ibang pansariling kahilingan sa Birhen.
Naroon din ang mga taong
nag-usisa ng mga buto ng papaya, ng balat nito at iba pang bahagi. Kinain,
ipinahid, iniuwi ang kaya nilang dalhin mula sa tira ng papaya. Dahil hindi pa
uso noon ang masusing pagsasaliksik at pagtatala ng mga pangyayari, hindi
naitago ang mga kuwento ng mga taong nakasaksi. Subalit marami daw ang gumaling
o gumanda ang pakiramdam matapos gamitin ang anumang natira sa papayang
pinagmulan ng Birhen.
Hulyo 25 nang makita ang Birhen
at nangako ang pamilya ni Aling Poten na taun-taon ay ipagdaraos ang nobena at
kapistahan ng naturang himala sa pamilya. Nagdesisyon din sila na hindi iaalis
sa bahay kung saan ito natagpuan ang imahen. Kaya’t ang sinumang makapagmamana
ng tahanan ang dapat na magpatuloy at magpanatili ng debosyon ng pamilya at mga
kababaryo at kaibigan.
Ang Hulyo 25 ngayon ay Kapistahan
ni Santiago Apostol. Bagamat ang pista ng Birhen ng mga de Leon ay sa ganitong
petsa din, hindi naman taliwas ang dalawang pagdiriwang. Si Maria ang Reyna ng
mga Apostoles. Si Santiago Apostol na siyang nagdala ng Ebanghelyo sa Espanya
ay sinasabing nakita ang Mahal na Birhen sa Zaragosa na ngayon ay lugar ng
Basilica ng Nuestra Señora del Pilar.
PAGLINGAP NG MAHAL NA BIRHEN SA
PAMILYA AT MGA TAO
Noong panahon ng mga Hapon, sinunog
ng mga ito ang lahat ng bahay sa gilid ng dagat o Manila Bay sa akalang dito dadaong
ang mga Amerikano at madali nilang makikita ang pagdating ng mga ito kung
malinis ang buong paligid.
Sa kasagsagan naman ng giyera tumakbo
sa bukid ang pamilyang de Leon upang magkubli, dala ang Birhen ng Papaya. Kahit
umuulan ng mga bala, ligtas ang buong pamilya.
Sinasabing kapag naga-almirol si
Aling Poten at hindi siya tiyak kung uulan ba o aaraw, sinusulyapan niya ng
Birhen upang makahango ng hudyat. Kapag nagkulay ginto ang munting imahen,
tiyak na maaraw kaya itutuloy niya ang balak na paglalaba at pagaalmirol.
Sa loob ng 81 taon na ngayon,
taun-taong ipinagpapamisa at ipinu-prusisyon ng pamilya at mga kababaryo ang munting
imahen. Hindi inaabot ng ulan ang prusisyon nito kahit pa sinasabing may
nagbabadyang masamang panahon.
May isang babaeng nawala ang anak
at kumatok sa tahanan ng mga de Leon. Nagdasal siyang taimtim sa Birhen. Bumalik
siya nang natagpuang ligtas ang anak upang magpasalamat. May ibang bigla na
lamang dumadalaw upang magpasalamat dahil pinalad daw na nagkapera dahil sa
panalangin sa Birhen. Mayroong nagsasabing gumaling sila sa karamdaman ng
katawan. At may isang babae mula sa Canada na dumanas ng mapapait na trahedya
sa pamilya at kalusugan na nang makaharap ng Birhen ay umagos ang mga luha. Pagkatapos
ay sinabi niyang natagpuan niya ang paghilom ng kanyang kaluluwa at nagkaroon
ng kapayapaan.
PAYAK NA PANANAMPALATAYA, MATATAG
NA PAMILYA
Mula sa ga-butil ng buto papaya,
napansing unti-unting lumalaki ang poon sa pagdaan ng panahon. Ngayon ito ay
halos 1 ½ inches na. At tumigil na ito sa paglaki. Subalit may napansing
kahanga-hanga. Noong higit pa itong mas maliit, halos wala ditong mababakas na
anyo maliban sa ito ay hugis ng Mahal na Birhen. Ngayong lumaki na ito ng
kaunti pa at kahit na tumigil na ang paglaki nito, siya namang nakikitang
nagiging malinaw ang mga detalye nito. Ang korona ng Birhen, ang mukha nito,
mga kamay, damit at pati ang baston na nasa mga braso nito.
Kailanman hindi inilathala ng
pamilya de Leon ang natatanging kuwento ng kanilang kaugnayan sa Mahal na
Birhen ng Papaya. Tahimik nilang isinabuhay ang pagmamahal nila sa Birhen. Sa simula
pa ang ginamit na nobena taun-taon ay ang nobena ng Birhen ng Antipolo na noon
ay ang siyang higit na tanyag na nobena sa Katagalugan. Kaya nga upang mas
mapalalim ang debosyon, pinalitan ng pamilyang de Leon ang opisyal na tawag sa
kanilang poon na ngayon ay kinikilala na bilang Ang Mahal na Birhen ng
Kapayapaan.
Nakahahanga na kailanman ay hindi
ginamit ito ng pamilya upang lumikom o humingi ng donasyon o tulong. Hindi rin
sila nakaisip na gamitin ito sa panggagamot o panghuhula ng kinabukasan. Hindi rin
nila nais na ma-exploit ang kuwento ng Birhen na pinahahalagahan ng pamilya.
Ang mga deboto mula sa mga
kamag-anak, kapitbahay, at ilang nakakaalam ay pinanatiling simple, tahimik at
personal at tapat sa paggabay ng pananampalatayang Katoliko. Kung baga, walang
nagaganap na commercial value na kaakibat ng debosyon.
Sa mga apo ng matandang Poten, isa
sa mga anak ni Antonio, ang siyang nakatira sa orihinal na lugar kung saan
natagpuan ang Birhen, sa puno ng tulay ng Don Galo, patungong Santo Ñino at
ilang dipa lamang ang layo sa bisita o kapilya ni Santa Monica ng Don Galo.
Maaaring ipagtanong sa tindahang
7-11 sa tapat ng kapilya kung saan ang bahay ni Ginoo at Ginang Monching
at Dessa de Leon. Matimyas na pagtanggap
at pagpapaunlak ang ginagawa ng mag-asawa sa nais dumalaw at magdasal sa
Birhen. Sa lilim ng kanilang debosyon sa Panginoong Hesus, sa Mahal na Birhen
at kay Santa Monica ay pinalaki nila at inaruga ang kanilang mga anak na sina
Martin de Leon, JR de Leon, Pepe (Jose Antonio) de Leon, Paulo de Leon at Mary
Grace de Leon.
HALINA’T
KILALANIN AT PARANGALAN ANG PANGINOONG HESUS AT MAHAL NA BIRHEN SA TAGURING “BIRHEN
NG KAPAYAPAAN” (BIRHEN NA GALING SA PAPAYA).
-->