KASALANAN AT MGA KAHINAAN: ANO ANG ATING TAMANG KILOS AT PANANAW?

 




 

Kung mangyari man na nakagawa ka ng pagkakamali sa salita o gawa, nagalit, nawala ang atensyon sa panalangin dahil sa pag-usisa sa ibang bagay, naghanap ng hindi tamang saya o paglilibang, naghinala sa kapwa, o nahulog sa anumang pagkakamali, huwag maligalig.

 

Kahit maraming beses kang bumagsak, mahulog sa pagkakamaling pinaka-iiwasan mo pa naman, huwag hayaan ang pagbagsak na ito ay magdulot sa iyo ng panlulumo o pahirap, at huwag isiping hindi ka na maaaring magbago  pa o na magiging pabaya ka na sa pamimintuho sa Diyos. Ang mga ganitong isipin ay pasakit sa kaluluwa at pagsasayang ng mahalagang oras.

 

At huwag din namang sobrang tagal na balik-balikan ang mga pangyayaring bumabalot sa iyong pagkakamali, tulad ng kung nasuri mo bang mabuti o kung gaano ang pagsang-ayon mo; ang mga ganitong pag-iisip ay gumugulo lang sa utak, maging bago o matapos ang Kumpisal, at pumupuno sa iyo ng pagkaligalig.

 

Hindi ka magagambala ng ganitong mga alalahanin kung tunay mong kilala ang iyong kahinaan, at ang kilos na dapat mong gawin sa harap ng Makapangyarihang Diyos matapos kang magkamali o magkasala. Ang ligalig at pagkalugmok ay hindi mabuti, kundi istorbo at katamlayan ng espiritu and dulot.

 

Sa pamamagitan ng paglapit sa Panginoong Diyos, na may kababaang-loob at pagmamahal, ipinapakita mo ang tamang kilos na dapat gawin. At ito ang dapat tuparin maging malaki man ang iyong pagkakamali o mumunti, hindi lang sa pagkakamaling dulot ng katamaran at pagwawalang-bahala, kundi maging doon sa mga dulot ng malisya o masamang intensyon.

 

Ang puntong ito ay hindi gaanong nauunawaan ng marami; dahil sa halip na isabuhay ang pagtitiwala sa kabutihan at awa ng Diyos tulad ng isang anak, ang kaluluwa nila ay nanlulupaypay at hindi sila nagiging epektibo sa pagsisimula o pagpapatuloy ng isang mabuting gawain. Miserable at mahina ang kanilang buhay, dahil mas pinahalagahan ang maling pag-iisip kaysa ang tamang doktrina na tumutukoy sa ating kapakanang espirituwal.

 

DAPAT AYUSIN NG KALULUWA ANG KANYANG SARILI AT HUWAG MAGSAYANG PA NG ORAS

 

Gaano ka man makagawa ng pagkakamali, malaki man o maliit, madalas o bihira, dapat mong sundin ang ganitong hakbang sa oras na mapagtanto mo ang iyong ginawa.

 

Isipin ang iyong kahinaan, at buong kababaang-loob na lumapit sa Diyos, at sabihin nang banayad at payapang nagtitiwala:

 

“Napagmasdan po ninyo, Panginoon, na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya; nakita po ninyo ang aking kawalan ng lakas; at yayamang binigyan po ninyo ako ng biyayang magsisi, hiling ko din pong idagdag ninyo dito ang biyayang huwag nang makasakit sa inyong damdamin. Amen.”

 

Matapos ang panalanging ito, huwag nang pahirapan ang sarili sa mga kaisipang nakagugulo sa kapatawarang hiningi mo at ipinagkaloob din naman ng Diyos; kundi habang tumatayo sa iyong pagkadapa, magpatuloy sa mga gawang kabanalan na may kababaang-loob at kapayapaan, at hanaping maibalik ang dating kapayapaan ng puso at isip tulad nang dati.

 

Ang hakbang na ito ay dapat gampanan kahit isang libong beses pang magkasala, na may katapatan at alab sa huling pagkakamali tulad ng sa unang pagkabagsak. Ito kasi ang paraan para makabalik tayo agad sa Diyos, na bilang mabuting Ama, ay laging handang tumanggap sa atin tuwing lalapit tayo sa kanya. Napipigilan din nito ang pagsasayang ng oras sa maligalig na pag-iisip na sumisira lamang ng kapayapaan ng isip, at humahadlang sa pagbabalik ng dating kapanatagan at katapatan.

 

Hiling kong lubos na ang mga nababagabag sa kasalanang nagawa nila ay pag-aralang mabuti ang lihim espirituwal na ito. Makikita nilang kakaiba ang isang isip na mababang-loob at magiliw dahil ito ay puno ng kapayapaan. Mauunawaan nila na walang bunga at sayang lang ang oras kung mag-aalala ka at magpapakabagabag.

 

 

Salin at halaw mula:

Lorenzo Scupoli, The Spiritual Combat

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS