IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MANANATILI ANG AKING MGA SALITA
MK 143: 24-32
Ngayong taong ito, apat na malapit sa akin ang nalagas sa buhay ko; dalawang ka-pamilya at dalawang close friends naman. Dagdag ito sa listahan ng mga nauna nang sumuko sa daluyong ng pandemya noong isang taon. Taon ng pagkawala… taon ng mga luha…
Ang nagaganap sa paligid natin ay isang malawakang paalala na ang mundo ay may hangganan. Kahit ang kaalaman ng mga matatalino ay may limitasyon. Ang lakas ng tao ay nagugupo din. Ang mga likas-yaman sa paligid ay nauubos. Lahat ay darating sa wakas. Ang kamatayan ay tiyak na!
Sa simula ng pandemya nasabi na bahagi daw ito ng cycle na nangyayari tuwing isang daang taon. At paano nga ba nakalampas ang mga tao noon? Napilitan silang lumuhod. Naging mas bukas sa mensahe ng Mabuting Balita. Nakinig at nanalig nang matatag sa mga salitang: “Ang langit at lupa ay lilipas, subalit ang aking mga salita ay hindi lilipas…” Tama, kumapit ang mga tao noon sa pananampalataya, nagbago ng buhay, inayos ang lipunan, pinagsama ang natural at espirituwal na yaman upang labanan ang pagkalugmok sa kanilang kapaligiran.
Sa panahon natin, tila hindi masyadong pinansin ng lipunan ang espirituwal. May mga ibang paga-adjust na ginawa tayo. Inilipat ang edukasyon sa online; nagsamantala ang mga pulitiko; nagbanat ng buto ang mga siyentipiko, at ang mga karaniwang tao naman ay naglibang sa internet para huwag mainip sa lockdown.
Subalit may iba din na naghanap ng solusyon sa Panginoon. Nang lumala ang pandemya, tumaas din daw ang interes sa pananampalataya lalo na sa social media. Nandyan sa internet ang Misa, worship, Bible study, prayer service at iba pa. Nanangan ang mga tao sa pangako ni Hesus na kahit mabuwag ang lahat, makakaasa pa rin sa mga salita ng Panginoon.
Sa ibang lugar naman, kung kailan humirap ang situwasyon, lalong naging mapagbigay ang mga tao. Tumugon ang mga Kristiyano sa pagbubukas-palad. Maraming nakapagnilay na totoo nga, hindi mo madadala sa hukay ang iyong yaman. Lilipas ang langit at lupa, subalit tanging ang mga salita ng Panginoon ang mananatili.
Sa linggong ito, magdasal tayo at magnilay kung paano ang pagkawala ng mga mahal sa buhay, ang hangganan ng istruktura ng lipunan at maging ng lakas at talino ng tao ay nagtulak sa atin na lalong kumapit sa pananampalataya, magpalalim ng ugnayan sa Diyos, at magpabago ng ugnayan natin sa kapwa tao.
Comments