DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI
KUNG SI HESUS NAMAN ANG HUHUSGA KAY PILATO
JN 18: 3b-37
Nang mamatay si Pilato, napunta ang kaluluwa niya sa harap ng trono ng Diyos. Laking gulat niyang makita si Hesus na nakaupo doon. Dati, siya ang nakaupo sa trono habang si Hesus ay bilanggo. Nilitis niya at pinatawan ng kamatayan sa krus noon ang Panginoon.
Tumayo si Hesus at nagsalita: “Ginoong Pilato, nagkita ulit tayo. Pangalawang pagtatagpo pa lang natin pero alam mo bang mula sa tiyan ng iyong ina, kilala na kita? Alam ko ang lakas mo at talino, ang galing mo at talento kung kaya ka napadpad sa aming lupain bilang gobernador ng Judea sa utos ng emperador Tiberio.”
“Di ba gusto mong malaman kung hari ako? Ngayon, nakikita mo ang kaluwalhatian ko. Nakikita mo ang hindi mo nasaksihan sa lupa – hindi lamang ako ‘Hari ng mga Hudyo,’ kundi ‘Hari ng buong Sangnilikha’ dahil ako ang sumakop sa kasalanan at kamatayan!”
Tinanong mo ako noon kung ano ang nagawa ko at binihag ako ng aking mga kaaway. Maaaring narinig mo din ang mga ito. Nangaral ako ng kabutihan, nagpagaling ng maysakit, bumuhay sa mga patay, dumamay sa nagdurusa, nagturo ng pagmamahal at kapatawaran, at umakay sa mga tao tungo sa aking Ama at sa kanyang Kaharian.”
“Oo nga pala, nabanggit ko sa iyo ang Kahariang ito. Di ba’t sabi ko hindi ito sa mundo? Dahil ang aking kaharian ay tungkol sa kabanalan, kapayapaan at kagalakang dulot ng Espiritu Santo. Habang ang gusto ng mga tao ay kumain at uminom, magpakasasa sa kasakiman at kayabangan, nangaral ako ng buhay na walang hanggan at kung paano tahakin ito sa makipot na daan ng kaligtasan. Ang pipili nito ay makakapiling ko kaylanman. Bukas ang daan, subalit ang konti – higit sa lahat ang mga simple at mga dukha – ang nakasusumpong nito.”
“Hari nga ba ako, Pilato? Ako ang Hari ng katotohanang dala ko mula sa Ama. Ako ang Hari ng pag-ibig na ipinakita at ipinadama ko sa inyo. Ako ang Hari nakabayubay sa Krus kung saan ang aking dugo ang naging pang-hugas sa inyong mga kasalanan at sa kasalanan ng mundo.”
“Walang duda, ako nga ang Hari!... Huwag nang magtanong pa… Maniniwala ka din ba sa akin? Ikaw ang dating nanghusga sa akin. Ako naman ang ngayong huhusga sa iyo. Subalit huwag kang matakot; mapagmahal at maawaing hukom at Panginoon ang kaharap mo.”
Nakatayo lamang si Pilato at tahimik na napaiyak. Kung nalaman lamang niya ang mga ito dati. Kung nagsikap lamang siyang kilalanin ang katotohanan tungkol kay Hesus at tinanggap ito.
Comments