IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
TINAPAY MULA SA LUHA
AT TAKOT
Magsisimula si Fr. Richmond ng
Misa nang pumailanglang ang tunog ng mga bala. Nagulat ang mga parishioners sa
paring nakahandusay sa sahig, walang buhay sa lugar kung saan linggo-linggo
handog niya ang Salita ng Buhay at Tinapay ng Buhay. Habang tumakas ang mga
salarin, nakaranas ng ibang Misa ang mga tao. Ang tinapay ay tunay na katawang
nagkalamug-lamog, at ang alak ay ang tunay na dugong dumanak para sa kanila.
Alam ni Hesus na maraming susunod
sa kanya sa maling dahilan. Gusto lang makakita ng himala. Gusto lang makakain
ng tinapay niyang bigay upang hindi na magutom at masaktan pa. Akala ng mga
tao, nagbalik ang manna mula sa langit ni Moises.
Binago ng Panginoon ang pang-unawa
ng mga tao. Ang Tunay na Tinapay mula sa langit ay hindi masarap na putahe na
panandalian at hindi nagtatagal. Ang Tunay na Tinapay ay nagbibigay buhay –
masagana at nagtatagal. Ito ay ang katauhan, ang kabuuan ni Hesus mismo – ang kanyang
presensya, mensahe, kamatayan at pagkabuhay.
Tuwing maririnig natin “Ako ang Tinapay
na nagbibigay buhay” iniisip agad natin ay Komunyon. Doon tinatanggap natin ang
isang tinapay – sariwa, puti, malutong, malinis na bilog na tinapay. Totoong sa
panlabas ito ang tinatanggap, pero sa panloob ang tunay na Tinapay mula sa
langit ay si Hesus mismo. Nagbibigay buhay sa pamamagitan ng pagkawala ng sariling
buhay. Nagbibigay galak sa pamamagitan ng pagdurusa niya sa krus.
Maraming beses humahawak tayo sa
isang pananampalataya kay Hesus na puno lamang ng saya, tagumpay, yaman,
kaligtasan, at kapanatagan. At ito nga ang nais ng Diyos sa atin bilang kaloob
at gantimpala. Subalit inaakay tayo ni Hesus sa pagpapala sa tulong ng mapait
na karanasan ng pagkawala. Dinadala niya tayo sa kagalakan sa pamamagitan ng
pagbaha ng mga luha. Paano pa nga ba ipapaliwanag ang palaisipan ng buhay
Kristiyano – mga tukso, dusa, pagkatalo, pagkawala, pagkabagabag, karamdaman at
kamatayan.
Sa susunod na pumila tayo para sa
Komunyon, alalahanin natin ang pawis, luha at dugo ni Hesus. At iugnay natin sa
kanya ang masalimuot nating buhay, ang wasak nating mga pangarap, at ang mga
sugat ng ating pakikibaka. Natututunan nating muli ang kahulugan ng Eukaristiya
kapag naramdaman natin ang bali-baling katawan at tumatagas na dugo – ni Hesus
at ng ating sarili.
-->