KAPISTAHAN NG PAGKAHIMLAY NG MAHAL NA BIRHENG MARIA (Bersyon ng Orthodox Church)
KATUMBAS NG KATOLIKONG KAPISTAHAN
NG PAG-AAKYAT SA LANGIT
SA MAHAL NA BIRHENG
MARIA (ASSUMPTION)
Ang mga pinakunang kasulatan na
nagsasaad ng detalye ng pagkamatay ni Maria ay sinasabing mula kay Apostol San
Juan at kay Jose ng Arimatea. Subalit ang mga dokumentong ito ay hindi kapantay
ng pangangalagang naibigay sa mga aprubadong aklat ng Bagong Tipan. Kung ang pinakamaagang
aklat ng Bagong Tipan ay mula sa ika-4 na siglo, ang pinakamaagang salaysay
ukol sa kamatayan ni Maria ay mula naman sa ika-11 siglo. Maraming bersyon at
dokumento ukol dito, ang isa ay Griyego, dalawa ay Latin at ang kanilang
nilalaman ay malaki ang pagkakaiba. Dahil kapwa binanggit ni Epifanio (ika-4 na
siglo) ang bersyong Griyego at Latin, alam nating pareho itong maaga at
kumakatawan sa salaysay na namayani sa panahong iyon. Hindi ito maaaring
ituring na bahagi Banal na Kasulatan. Itinuturing itong mga dokumentong historical
at ang kanilang pagkakahawig lamang ang babanggitin ngayon. Ang mga detalye ay
dadagdagan ng mga pagbasa mula sa Banal na Kasulatan na kaugnay sa pagdiriwang
ng mga Orthodox ng kapistahan ng Paghimlay ni Maria. Maraming mga nagsulat
matapos ang ika-4 na siglo na nagbigay ng higit pang mga detalye ukol sa
pangyayari ng Pagkahimlay ni Maria, bilang pagpapayabong sa mga naunang
dokumento. Hindi na ito tatalakayin upang manatiling simple.
Nang marating ni Maria ang ika-70
taon ng buhay, naramdaman na niya ang bigat ng katandaan. Nangulila siya para
sa kanyang Anak at naramdaman niyang ang kaluluwa niya ay tila nakulong na
parang bilanggo sa kanyang tumatandang katawan. May pagkakataong tumutungo siya
sa Halaman ng Getsemane kung saan may maliit na lupain ang pamilyang Zebedeo. Doon
siya nagdarasal, kasama ang tatlong iba pang mga babae, sa isang lugar na
malapit sa kung saan nagdasal ang Panginoon noong gabi bago ang kanyang
pagkapako at kamatayan sa krus (Lk 22: 39-44, Mk 14:32, Jn 18:1). At doon
nagpakita ang Arkanghel Gabriel sa kanya upang sabihing malapit na ang kanyang
pagyao, at magaganap ito sa loob ng tatlong araw.
Hindi nagtagal pagkaalis ni Gabriel,
si San Juan Apostol ay dinala mula sa Efeso, tulad ng kung paano ang diyakonong
si Felipe ay dinala mula sa disyerto sa daang pagitan ng Jerusalem at Gaza
patungong Azotus (Gawa 8:26, 39-40). May di pagkakaunawaan ang mga Ama ng
Simbahan kung si Juan ba ay nasa Efeso noon o sa ibang rehiyon ng Judea. Ipinaglaban
nilang hindi iniwan ni Juan ang Mahal na Birhen na nag-iisa habang ito’y
nabubuhay, maliban sa sandaling panahon sa pangangalaga ng anak-anakan nitong
si Santiago, ang kapatid ng Panginoon.
Matapos dumating si Juan, ang nalalabi
sa Labindalawang Apostol ay nagsidating din mula sa kung saan bahagi ng daigdig
sila noon nagpapahayag ng Ebanghelyo. Sa bersyong Griyego, isinama ang isa o
dalawa sa Labindalawa na namatay na bilang martir; sa isang bersyong Latin
tinanggal si Tomas dahil nahuli daw itong dumating matapos ang kamatayan ni
Maria. Lahat ng bersyon ay nagbanggit na ilan sa Pitumpu (Lk 10:1-20) ay naroon
din.
Sa loob ng halos tatlong araw, ang
mga Apostol ay nagbantay at nagdasal kasama ang Birheng Maria na mistulang
nakaratay ayon sa paglalarawan sa kanilang mga panalangin. May pagkakataong
tumatayo siya, subalit mas madalas siyang nanatiling nakahimlay sa kanyang
higaan.
Nang ikatlong araw, Linggo,
dumating ang Panginoon mismo kapiling ang napakaraming mga anghel. Sa pagtanggap
Niya sa kaluluwa ni Maria, napuno ang silid ng mahalimuyak na pabango at narinig
ng mga Apostol na nagsiawit ang mga anghel. Ang bersyong Griyego at isa sa
bersyong Latin ang nagsabing may mga kahanga-hangang pangitaing naganap kaya’t
nabatid ng lahat sa Jerusalem ang pangyayari.
Binuhat ng Labindalawang
Apostol ang katawan ni Maria sa isang prusisyon mula Jerusalem hanggang sa
libingang pampamilya ni Maria malapit sa Getsemane. Ayon sa Tradisyon, nasa
Bundok Sion ang bahay ni Juan, na nasa hilagang bahagi ng lungsod o sa mababang
lungsod. Upang makarating sa Halamanan ng Getsemane, kailangang dumaan ang prusisyon
sa puso ng Jerusalem at sa harap ng Templo, dahil ang Halamanan ay nasa
Silangan ng Templo sa labas ng bakuran ng lungsod.
Ang mga pinunong Hudyo, na
nagtangkang pumatay kay Maria, ay nanumpang susunugin at sisirain ang katawan
nito. Isa sa kanila, si Jefonias, o Reuben o Atonio sa ibang bersyon, ang sinuong
ang makapal na tao upang sikaping ibaligtad ang kabaong na bitbit ng
Labindalawa. Subalit nang mahawakan niya ang ataul, may naganap sa kaniyang mga
braso. Ang bersyong Griyego ang nagsaad na naputol ang mga braso mula sa siko;
sa Latin naman, na natuyot ang mga braso mula sa siko. Nanatiling nakakapit sa
kabaong ang mga kamay at siya ay puno ng matinding pananakit. Nagmakaawa ang lalaki
sa mga Apostol at kay Maria na kahabagan siya. Nang ipinahayag niya ang pananampalataya
na si Hesus ang Kristo, pinagaling siya ni Pedro. Nagsimulang luwalhatiin ng
lalaki ang Diyos kasama ng lahat sa prusisyon.
Nang makarating sa Getsemane, ang
Labindalawa ang naglibing sa katawan ni Maria sa bagong hukay na sinaraduhan ng
malaking bato tulad ng nagpinid sa libingan ng Panginoon (Mt 27:60; Mk 15: 46).
Pagkatapos nagbantay ang Labindalawa sa puntod dahil sa mga banta ng mga
pinunong Hudyo. Ayon sa bersyong Griyego, tatlong araw ito naganap; sa dalawang
bersyong Latin wala namang binanggit ukol sa haba ng panahon. Sa bersyong
Griyego narinig nang tatlong araw ang pag-awit ng mga anghel; sa isang bersyong
Latin ang binanggit lamang ay ang awit at pag-iyak ng mga taong natitipon.
Pagkatapos ng tatlong araw, ayon
sa tatlong bersyon, ang katawan ni Maria ay iniakyat sa langit, bagamat iba’t-iba
ang salaysay kung paano ito naganap. Sa Griyego, natapos ang awitan ng mga
anghel matapos ang tatlong araw at ang katawan ay naglaho. Sa Latin nahuli
naman sa pagdating si Tomas Apostol mula sa India at hiniling na makita ang katawan
– subalit wala na ito. Ang isa pang bersyong Latin ang nagsaad na dumating mismo
ang Panginoon kasama ang mga anghel, binuhay si Maria, at iniakyat sa langit. Kaya,
masasabing iniakyat sa langit ang katawan ni Maria, subalit ang mga detalye ay
hindi malinaw.
Katulad ito ng naganap sa katawan
ni Moises pagkamatay nito. Ipinakita kay Moises ang Lupang Pangako mula sa
Bundok Nebo katapat ng Jericho. Pagkatapos, doon sa lupain ng Moab, namatay si
Moises at inilibing siya ng Panginoon sa kapatagan sa lupain ng Moab katapat ng
Bet-peor (sa ibayo ng Jordan mula Jericho); subalit walang taong nakakaalam ng
libingan niya hanggang ngayon. Bagamat namatay si Moises nang 120 taong gulang,
hindi lumabo ang kanyang mata, at hindi nabawasan ang kanyang lakas (Deut 34:
5-7).
Nabalot ng alingasngas ang kamatayan
ni Moises. Tinuran ito ni Apostol Judas nang sabihin niya: “Kahit si Miguel na pinuno ng mga
anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi
nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay “Parusahan ka
nawa ng Panginoon!” (Jud 1:9) Mistulang tinutukoy ni Judas ang hindi kanonikal
na aklat na “Ang Pag-aakyat kay Moises.” Sa Pagbabagong-anyo ng Panginoong
Hesus, mababatid ang bunga ng pag-aakyat kay Moises: kasama siyang
nagbagong-anyo ni Elias at ng Panginoong Hesus; kapwa silang nabalot ng
luwalhati ni Hesus at nakipagtalakayan ukol sa paglisan ni Hesus na magaganap
sa Jerusalem (Lk 9: 30-31).
Sa Pag-aakyat sa langit kay
Maria, isang patunay ay ang kawalan ng anumang labi o relic niya mula pa noong
una. Ang mga labi o relic ng mga banal ay malaking bagay para sa mga Simbahan
sa Silangan kaysa sa Kanluran. Ang mga labi (halimbawa, buto) ng Labindalawa,
ng Pitumpu, at ng mga iba pang santo ay pinahahalagahan sa mga simbahang Orthodox
sa buong mundo. Malaking karangalan para sa isang simbahang nakapangalan kay
San Pedro ang magtaglay ng piraso ng relic o buto ni Pedro. Dahil walang
simbahang nag-aangkin na mayroon silang bahagi ng relic o buto ng Mahal na
Birhen ay isang piping saksi sa 2,000 taon ng kasaysayang Kristiyano na
nagsasaad na wala ang kanyang labi o relics sa mundong ito.
Maraming Kristiyano sa Kanluran ang
humahanga sa paggamit ng mga “banal na relic” o mga buto ng taong banal sa
Silangan. Mula pa ito noong siglo 800 BC. Nang mamatay si Propeta Eliseo
inilibing siya sa isang puntod. May isa pang patay na inililibing noon nang
biglang sumalakay ang mga Moabita. Upang makaalis agad, inihagid ng mga naglilibing
ang bangkay sa puntod ni Eliseo. Subalit nang madampi ito sa mga buto ng
propeta, ang bangkay ay muling nabuhay at tumayo (2 Hari 13: 20-21). Sanhi ito
ng mga “banal na relic o labi” at hindi ng pananalig ng mga naglilibing.
Ang prinsipyo dito ay:
pinababanal ng isang bagay ang isa pang bagay. Ang mga relic o labi ni Eliseo
ay pinabanal ng kanyang buhay. Sinabi ng Panginoon na ang Templo ng Jerusalem ang
nagpabanal sag into sa kaban (Mt. 23:17) at ang altar ng Templo ang nagpabanal
sa mga kaloob na iniaalay (Mt 23:19). Ganito rin kay San Pablo: “Kahit panyo o
damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga
ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila” (Gawa 19:12).
Pinabanal ng buhay ni Pablo ang kanyang mga kasuotan.
Higit sa lahat, isa ang masasabi
sa buhay ng Mahal na Birhen; na siya ay puno ng kabanalan, at lahat ng
salinlahi ay tatawagin siyang pinagpala (Lk 1: 48). Kung may mga relic o labi
ng katawan ni Maria sa mundo ngayon, tiyak na ito ang magiging pinakamahalaga
at pinakapararangalan sa lahat.
-----
-----
Sa mga Katoliko, ang pista ay
tinatawag na Pag-aakyat sa Langit kay Maria o Assumption at sa Orthodox (at maging sa mga Simbahang Katoliko sa
Silangan) ito ay ang pista ng Pagkahimlay ng Ina ng Diyos (Falling asleep of the Mother of God) at may 14 na araw ng ayuno o
fasting bilang paghahanda dito. Sa Orthodox (at mga Kristiyano sa Silangan) si
Maria ay dumanas ng natural na kamatayan at binuhay mag-uli ang kanyang katawan
matapos ang 3 araw at saka siya iniakyat sa langit kaluluwa at katawan bilang
malakas na hudyat ng pagkabuhay ng mga sumasampalataya. Natagpuang walang laman
ang kanyang puntod matapos ang 3 araw.
Maraming Katoliko din ang naniniwalang
namatay muna si Maria bago ang Pag-aakyat sa langit pero mayroon ding
naniniwala na iniakyat siya na hindi kailangang dumanas ng kamatayan pa. Hindi
ito binigyang-diin ng turong Katoliko, kaya’t anuman sa dalawang pang-unawa ay
maaaring paniwalaan ng mga Katoliko.
Ang Assumption ay isang
pinagtibay at ipinahayag na doktrina (dogma) sa mga Katoliko, at sa Orthodox
naman ay mas higit na ipinahahayag hindi sa doktrina kundi sa liturhiya at
buhay panalangin.
(sariling salin sa Tagalog ng ourparishpriest blog)