PARANGAL NI SAN BERNARDO SA MAHAL NA BIRHENG MARIA - 1
Narinig mo, O Mahal na Birhen, na maglilihi ka at
manganganak ng isang sanggol na lalaki; narinig mong hindi ito sa pamamagitan
ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Naghihintay ang anghel ng tugon;
panahon na para bumalik siya sa Diyos na nagsugo sa kanya. Kami din ay
naghihintay, O Ginang, sa iyong salita ng awa; ang pasya ng pagkakahatol ay
mabigat sa amin.
Ang kabayaran ng kaligtasan ay inialay sa iyo. Maliligtas
kami sa sandaling sumang-ayon ka. Sa walang hanggang Salita ng Diyos lahat kami
ay nalikha, at masdan, kami ay mamamatay. Sa iyong munting tugon, kami ay
malilikhang muli upang tawaging mabuhay muli.
Ang luhaang si Adan kasama ang namimighating
niyang pamilya ay naninikluhod sa iyo, O mapagmahal na Birhen, sa kanilang
pagkakatapon mula sa Paraiso. Humihiling sa iyo si Abraham, humihingi sa iyo si
David. Ang lahat na iba pang mga banal na patriarka, ang iyong mga inuno, ay
himihingi sa iyo, habang naninirahan sa bayang balot sa anino ng kamatayan. Ito
ang hinihintay ng buong daigdig, na naninikluhod sa iyong paanan. Tama lamang,
dahil sa iyong salita nakasalalay ang lugod ng namimighati, kabayaran ng
dinakip, kalayaan ng hinatulan, sa isang salita, kaligtasan ng lahat ng mga
anak ni Adan, ng buo mong lahi.
Daglian kang sumagot, O Mahal na Birhen. Mabilis
na tumugon sa anghel, o kaya sa pamamagitan ng anghel ng Panginoon. Sagutin ng
salita, tanggapin ang Salita ng Diyos. Umusal ng sarili mong salita, maglihi ng
Salitang mabathala.
sa isang pangitain, hiniling ni San Bernardo na madama niya ang
maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birhen at
umagos ang gatas mula sa dibdib ng Birhen tungo sa bibig ng nagdarasal na santo.
Bakit naaantala? Bakit natatakot? Maniwala,
magpuri, tumanggap. Ang pagpapakumbaba maging matapang, ang kababaan mag-lakas
loob. Hindi ito ang panahon para ang kapayakan ay makalimot sa marunong na
pagkilos. Sa pagkakataong ito man lamang, O butihing Birhen, huwag matakot na
mangahas. Kahit ang mababang-loob na katahimikan ay kaaya-aya, ang masunuring
pagsasalita ngayon ay kinakailangan. Buksan ang iyong puso sa pananampalataya,
O Mahal na Birhen, ang iyong mga labi sa papuri, ang iyong sinapupunan sa
Manlilikha.
Masdan, ang itinitibok ng mga bansa ay nasa iyong pintuan, kumakatok
upang makapasok. Kung lalampas siya dahil sa iyong pagka-antala, sa kapighatian
muli mo siyang hahanapin, Siyang minamahal ng iyong kaluluwa. Tumindig,
magmadali, magbukas. Tumindig sa pananampalataya, magmadali sa pamimintuho,
buksan sa papuri at pasasalamat. Narito ang alipin ng Panginoon, sabi niya,
maganap nawa sa akin ayon sa iyong salita.
(sariling salin sa Tagalog ng ourparishpriest blog)
(sariling salin sa Tagalog ng ourparishpriest blog)
-->