PARANGAL NI SAN BERNARDO SA MAHAL NA BIRHENG MARIA -2
Siya,
sinasabi ko, ang maliwanag at maningning na tala, lubhang kinakailangan,
inilagay sa ibabaw ng malaki at malawak na dagat ng buhay, kumikinang sa
kahalagahan, nagliliwanag sa halimbawang ating tutularan. O, sinuman sa inyong
nadaramang siya, dini sa makamundong buhay, ay tila palutang-lutang sa
mapanganib na mga tubig, at nasa kamay ng mga buhawi at alon, sa halip na
naglalakad sa matatag na lupa, huwag nawang alisin ang mga mata mula sa kaluwalhatian
nitong talang gabay, maliban kung nais ninyong ilubog ng unos!
Kung
dumating ang mga bagyo ng tukso sa iyo, kung nakikita mong inaanod ka sa mga
batuhan ng pagsubok, tumingin sa tala, tumawag kay Maria.
Kung
sinasalanta ng usok ng pagkahambog, o ambisyon, o pagkamuhi, o inggit, tumingin
sa tala, tumawag kay Maria.
Kung
ang galit, o pagkagahaman, o pagnanasang makalaman ay nagnanasang salakayin ang
lalagyan ng iyong kaluluwa, tumingin sa tala, tumawag kay Maria.
Kung
nababagabag ng kasuklam-suklam mong mga kasalanan, nanlulumo sa karumihan
ng iyong budhi, at nasisindak sa
inaalalang malupit na hatol na darating, ikaw ay nagsisimulang lumubog sa
walang hanggang bangin ng kalungkutan at lulunin sa lalim ng kasiphayuan,
isipin si Maria.
Sa mga
panganib, sa pag-aalinlangan, sa mga kahirapan, isipin si Maria, tumawag kay
Maria. Huwag nawang mawala sa mga labi ang kanyang ngalan, huwag pabayaang
mawalay sa iyong puso.
At upang
higit na makamtan ang pagtulong ng kanyang panalangin, sikapin na tumahak sa
kanyang mga yapak.
Kasama
siya bilang gabay, hindi ka maliligaw; habang tumatawag sa kanya, hindi ka
panghihinaan ng puso; habang siya ay nasa isipan, hindi ka malilinlang; habang
hawak niya ang iyong kamay, hindi ka babagsak; sa ilalim ng kanyang
pangangalaga, walang kang ikatatakot; kung nauuna siya sa iyong paglakad, hindi
ka mapapagod; kung kalulugdan ka niya, mararating mo ang siyang pakay.
(sariling salin ng
ourparishpriest blog)
(congratulations, sis josie castillo)