IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
SA KATAPUSAN O SA WALANG HANGGAN?
Isang trahedya ang nagiging uso
ngayon. Matapos pagtaksilan ng nobya, nagbigti ang isang kabataang lalaki sa
beranda ng bahay. Dala ng panlulumo, tumalon sa isang gusali ng paaralan ang isang
mag-aaral na high school pa lamang. Ang sikat na chef na si Anthony Bourdain na
tumalakay ng sarap ng pagkain ng buong mundo ang tumikim ng pait ng
pagpapatiwakal sa loob ng isang kuwarto sa hotel.
Nagtuturo sa atin ang Panginoon
ngayon tungkol sa buhay na walang hanggan na mula sa pagtanggap ng Tinapay ng
buhay, ang kanyang Katawan, ang kanyang Sakramento sa simbahan at sa mundo. Pero
sino ang nag-iisip ng buhay na iyan? Itinatakwil na ng ilan ang sariling buhay.
Takot gumising ang iba dahil mas mainit sa sikat ng araw ang nakapapasong
hinagpis ng buhay. May epekto ba ang mga salita ni Hesus kung gayong ang buhay
ay isang pasanin sa halip na ginhawa, isang sumpa sa halip na pagpapala?
Alam ng Panginoon na nasa
pinakapuso ng bawat nilalang ay ang kagustuhang mabuhay. Matapos isilang hindi
lamang tayo nagsisikap makaligtas o makalampas sa araw-araw. Nais natin ay
buhay… buhay na walang hanggan! Paano nga ba ito matatamo?
May naniniwalang ang mahabang
buhay ang magbibigay ng mas maraming panahon para habulin ang mga pangarap,
makilahok sa mga pangyayari, at maglakbay at tumuklas ng iba’t-ibang lupalop. May
umaasa ding ang matagumpay na buhay ang tutulong upang mag-iwan ng bakas at
impluwensya sa mundo upang hangaan, makilala at purihin kahit matapos man ang lahat.
Subalit ang mahabang buhay ay
hindi katumbas ng buhay na walang hanggan. Ang matagumpay na buhay ay hindi rin
hudyat ng buhay na walang wakas. Ang makilala si Hesus, tanggapin siya at
manatili sa kanya ang susi sa buhay na walang hanggan – buhay na may kahulugan
at layunin, panloob na kapayapaan at galak, at makabuluhang mga ugnayan. Habang
may nagsasabing ang buhay na walang hanggan ay magsisimula pa lang matapos
mamatay, may naniniwala namang ang buhay na walang hanggan ay isang
panlilinlang at kalokohan. Sa pananampalatayang Kristiyano ang buhay ay isang
pagpapatuloy mula sa kinaroroonan natin ngayon at mananatili sa kabilan ibayo
sa gitna ng pagkawasak ng materyal nating daigdig.
Ang nagbubukas ng puso sa Panginoon
ay dumaranas ng buhay na tadtad ng sigalot, pait at paghihirap na siyang hamon
para lumago sa kalayaan at yumabong sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Ang
tumatanggi naman sa Panginoon ay humaharap sa mga lubak ng buhay sa pamamagitan
ng galit, poot, at panimdim. Ang buhay ay sadyang markado ng pagdurusa subalit ang
Kristiyano ay nagbibilang ng mga araw papalayo sa pait ng buhay. Kalakbay niya
si Hesus tungo sa walang wakas na buhay na nagsisimula ngayon (kahit maraming
hamon) at nagkakaroon ng kaganapan sa isang kinabukasang ipinapangako ng
Panginoon (na yayakapin naman sap ag-asa).
Ipanalangin natin ang mga taong
walang masumpungang kahulugan sa buhay, kahit pa sa buhay na walang hanggan. Para
naman sa atin, buksan nawa natin ang ating mga puso kay Kristo na siyang buhay,
pag-asa at gantimpala at ibahagi natin siya sa kapwa-tao.