IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B




UPANG MAKAPAGBIGAY-BUHAY


 si Chiara at ang kanyang bunso



Kayraming tao ngayon ang parokyano ng mga templo ng kagandahan at kalusugan. Nasa gym para sa magpapayat, magka-masel, magpa-sexy. Nasa spa para sa masahe, waxing at facial. Nasa clinic para magpabawas, magpadagdag at magpabago ng anuman sa katawan. Titiisin ang hirap para maging maganda, kaaya-aya at kahali-halina sa lipunan.



Walang masamang mahalin ang katawan. Regalo ng Diyos ito na pananagutan natin alagaan at ingatan. Pero di ba sa maraming tao, tila nauwi na ito sa pagkahumaling. Maganda na nga subalit hindi pa masaya, hindi pa sapat, hindi pa kumpleto ang pakiramdam. Ito ay dahil ang paniniwala nila’y ang perpektong katawan ang pinakasentro at pinakamahalagang bagay sa buhay.



Ilang linggo na nating naririnig ang aral tungkol sa Katawan ni Kristo mula kay Juan. Ipinapaliwanag ng Panginoon kung paanong sa matimyas na pagmamahal ng Ama, ipinadala niya para sa ating kaligtasan ang kanyang Anak. Ang Anak naman, nagkaloob ng Sarili niya, ng kanyang Katawan at Dugo, para sa ating katubusan. Sa ebanghelyo ngayon, nililinaw ng Panginoong Hesus ang dahilan ng kaniyang pagbabahagi ng sarili: para sa buhay ng sanlibutan.



Walang bakas ng kasakiman sa mga salita ni Hesus, walang pansariling kaligayahan o pakay. Ang ganitong kabutihan at pagmamalasakit ay tila bihira na sa mundo ngayon dahil mas ninanais nating iligtas muna ang sarili bago muna tulungan ang iba. Para sa mga sumusunod sa Panginoon, ibinibigay niya ang tunay na kahulugan ng katawan, ang halaga nito bilang kaloob at handog ng pagmamahal.



Natuklasan ko ang buhay ni Chiara Corbello Petrillo. Ang unang dalawang pagbubuntis niya ay nauwi sa maagang pagkamatay ng kanyang mga sanggol dahil sa depekto. Nang magbuntis siya sa ikatlo, natagpuang may malalang kanser pala siya. Pero tumangging magpagamot si Chiara hanggang hindi nailuluwal ang sanggol dahil ayaw niyang manganib ang buhay ng bata. Nang maisilang na ang kanyang bunsong lalaki, lumubha ang kalagayan ni Chiara. Edad 28, namatay siyang payapa at panatag na ang anak ay ligtas at malusog. Kahanga-hangang asawa at ina, si Chiara ay nasa hanay ngayon ng mga tatanghaling  santa ng simbahan.



Tulad ni Chiara na naunawaan ang aral ni Kristo tungkol sa kanyang Katawan, manalangin tayong makaiwas sa sakim na pagkahumaling sa sarili, at sa halip, matamo natin ang tunay na kahulugan ng taos-pusong pagmamahal at pagbibigay ng buhay.

 wedding photo ni Chiara at Enrico
-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS