IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MGA DAHILAN NG
PAGTALIKOD
Nakakatagpo natin si Hesus sa mga
aral niya tungkol sa Tinapay ng Buhay, ang turo niya tungkol sa kanyang Katawan
at Dugo. Makapangyarihang mensahe ito tungkol sa Eukaristiyo o Misa ayon sa
pang-unawa ni Hesus at gayundin sa pang-unawang nais niyag taglayin ng kanyang
mga alagad. Ang nakapagtataka ay kung bakit sa kabila ng pagsisikap ni Hesus na
patunayang ang pagbabahagi niya ng kanyang Katawan ay bumubukal sa puso ng
Diyos, hindi iilan kundi “marami sa kanyang mga alagad” ang umalis na at
tumigil nang makilakbay sa kanya. Hindi nila naunawaan ang mga salita ng
Panginoon. Mahirap lunukin. Mas mahirap tunawin.
Kung tutuusin, marami namang
tagumpay ang Eukaristiya ngayon. Maraming Katoliko, bagamat hindi lahat, ang nagsisimba
pa tuwing Linggo at mga tanging araw ng kanilang buhay. Mayroon din mga hindi
Katoliko na nagsisimulang lumapit sa simbahan dahil sa pagkauhaw sa buhay-sakramental
na sa Misa matatagpuan ang kaganapan.
Subalit tulad noong araw na
magturo ang Panginoon, malungkot nating nasasaksihan ang prusisyon ng mga tao
papalabas ng ating mga simbahan at tungo sa mga komunidad na walang Eukaristiya.
Tila para sa kanila, hindi mahirap na kalimutan na lamang ang Misa. Sanay na
nga tayo sa mga kapamilyang hindi nagsisimba at sa mga kaibigang bigla na lang
lumipat ng simbahan, fellowship o sekta kahit lumaking Katoliko. Minsan itinuturing
natin itong bahagi ng kalayaang pumili ng bawat tao. Kalimitan sinasabi na lang
natin na okey lang ang lumipat basta’t masaya sila.
Magandang tunghayan ang mga
dahilan ng paglayo ng mga tao sa Eukaristiya at sa simbahan. Sa marami, hindi
ito tungkol sa doktrina. Bagamat hindi lubhang maintindihan, natatanggap naman ang
mga ito. Napakaganda kaya at napaka-kaakit-akit ng doktrina ng Eukaristiya:
Narito ang Diyos; Ibinibigay niya ang sarili; Binubuo niya ang simbahan.
Ang paraan ng pagsasagawa ng
Eukaristiya, na siyang pagiging malapit ng Diyos, ang siyang naglalayo sa mga
tao dito. Ang mga pangaral, minsan sobrang pormal at minsan walang kuwenta, ay
tiyak na pampatulog sa madla. Sunud-sunuran lamang sa mga kilos at galaw. Hindi
mo kilala ang katabi mo; walang mainit na pagtanggap; walang pakiramdam na
bahagi ka ng kalipunan. Nasaan ang pamayanan kung kanya-kanya at pribado ang pagdarasal
at pagsamba. Ang mga pinuno naman ay tila nagtataboy sa mga tao papalayo sa
kanilang ugaling walang pakialam at walang malasakit habang sikap nilang
sinusungkit ang mga wallet, tseke at donasyon ng mga tao.
Ito at iba pang mga kahinaan ang nagtutulak
sa mga taong maglunsad ng sarili nilang paghahanap sa Diyos, kahit na magdala
ito sa kanila sa labas ng bakuran ng ating simbahan. Doon nila nararanasan ang hamon,
ang pagkalinga, ang pag-ibig, at ang pagiging bahagi at mahalaga. Hindi sila
umaalis dahil tumatanggi sila sa paliwanag o pang-unawa sa Eukaristiya. Umaalis
sila dahil sa pagnanasang makasumpong ng lugar na nagpapayabong sa kapaligirang
inilalarawan at ipinapangako ng Eukaristiya. Kapag umalis ang mga tao, huwag
agad nating husgahan. Sa halip, manahimik, manalangin at magnilay kung paano
nga ba natin minamahal at isinasabuhay ang Eukaristiya sa ating buhay.