IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



‘YAN ANG TRADISYON





Lahat ng pamayanan ay may mga tradisyon. May tradisyong pampamilya na nag-uugnay sa magkakamag-anak. May tradisyon sa inyong eskuwelahan na nagpapatingkad ng kaibahan nito sa katabing paaralan. Nakikiisa tayo at ipinagmamalaki natin ang tradisyong kinagisnan sa ating pinanggalingan. Ang mga tradisyon ay bahagi ng buhay sa pamayanan at may halaga ito sa atin.



Binira ng Panginoong Hesus ang kaplastikan ng mga Pariseo at eskriba na nais sumunod ang mga alagad sa kanilang tradisyon. Bagamat hindi maiiwasan ang mga tradisyon, ang puso, ayon sa Panginoong Hesus, ang higit na mahalaga kaysa pagsasagawa ng mga minana at kinaugaliang mga kilos. Ang pagsunod sa Diyos ang dapat una sa lahat.



Unawain nga po natin ang kahulugan ng Banal na Tradisyon (masdan na malaking letrang T ang gamit). Kung sa mga Katoliko, kambal ang pinagmumulan ng pagbubunyag ng Diyos – Kasulatan at Tradisyon – maraming ibang Kristiyano ang nagsasabing Bibliya lang ang tanging dapat pagkunan ng aral. Ang lahat ng paniniwala, kinaugalian, at turo na hindi tahasang binabanggit dito ay pawang mga walang kuwentang kilos, pamahiin at dagdag lamang (ito ang pagkakaunawa nila ng tradisyon) sa orihinal at purong pananampalataya.



Tandaan nating hindi tinuligsa ng Panginoon lahat ng tradisyon ng mga tao; kapag nagiging pangunahin ang mga ito sa pagsunod sa Diyos saka lamang ito nagiging mali. At isa pa, hindi tradisyong pang-tao ang tinutukoy ng simbahan kapag binabanggit ang Banal na Tradisyon. Kung gayon, ano ba talaga ang Banal na Tradisyon?



Ang nag-iisang Salita ng Diyos ay dumadaloy sa atin sa pamamagitan ng dalawang bukal – Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon. Kasulatan ang “nasusulat” na Salita ng Diyos at Tradisyon naman ang “nabubuhay” na pagsasalin ng Salitang ito sa ating pagsamba, doktrina, disiplina at pagpapakabanal. Kaya, hanggang ngayon pala ay aktibong dumadaloy pa din ang Salita ng Diyos. Ang Bibliya mismo ay resulta ng Tradisyon (bago isulat, isinalin ito sa tulong ng mga salita at kilos) at hindi ito ang hantungan ng buhay Kristiyano. Nagiging buhay at mabunga ang Bibliya kapag dinadala at ginagamit natin sa bawat kilos ng panalangin, pagdiriwang at pakikipag-ugnayan.



Walang binanggit ang Diyos (maging sa Bibliya) na isa lamang ang bukal ng pagbubunyag, ang nakasulat lang. Mahirap patunayan iyan sa nakasulat sa Bibliya. Ang malinaw doon ay maraming pahayag ang Diyos na hindi naman naisulat (Lk 1: 1-4; Jn 20: 30-31). Para sa mga Katoliko, ang ating panalangin at debosyon, ang pagkakawanggawa, ang pag-aaral ng Salita, ang kaayusan sa simbahan, at ang iba’t ibang paraan ng pagdiriwang ng pananampalataya sa buong mundo ay bahagi lahat ng buhay na pagsasalin ng pananampalataya – sa isang salita, Banal na Tradisyon.



Kaya po, higit pa ito sa mga ritwal, kaugalian, kinagisnang gawain na minsan sobra nating pinagtutuunan ng pansin at kahalagahan. Di ba minsan tama ang mga kritiko kapag sobra tayong aligaga sa mga seremonya, pista, pormalidad at gawaing bahagi ng mga “tradisyon” at hindi ng “Tradisyon?”



Ingatan nating laging hanapin ang kalooban ng Panginoon sa lahat ng bagay, tanggapin ang kanyang Salita sa Kasulatan at Tradisyon, at huwag mapako sa mga detalye at alituntunin ng mga tradisyong pantao lamang.




-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS