IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY K
BANAL NA PAKIRAMDAM
Isang kasama sa bukid ang dumalaw
sa mga pananim isang umaga at nagulat siya na nagkalat sa lupa ang mga Banal na
Ostia. Kinilabutan siya at isa-isang pinulot at tinipon ang mga ito. Natagpuan niya
ang tabernakulo ng simbahan na itinambak doon ng mga magnanakaw. Ayon sa
magsasakang ito, nadama daw niya na sa mga Ostia na nakakalat sa lupa, naroon ang Diyos.
Isa sa mga turo ng simbahan ang doktrinang
sensus fidei (pakiramdam sa pananampalataya). Ibig sabihin, bawat Kristiyano ay
taglay ang pananampalataya sa puso, at sa tulong ng Diyos, nalalaman niya kung
ano ang bahagi ng pananampalataya at kung ano ang hindi bahagi nito. Kahit ang pinakasimple,
dukha at mababang tao ay may angking pagpapahalaga sa mga katotohanan ng kanyang
panananampalataya. Ang pag-unawa sa pananampalataya ay hindi lamang para sa mga
eksperto at mga dalubhasa.
Sa mabuting balita ngayon,
pinararangalan ng Panginoong Hesus na Mabuting Pastol ang kanyang mga tupa. Sabi
niya, naririnig nila ang kanyang tinig at sumusunod sila sa kanya (Jn 10:
27-30). Kilala ng Panginoon ang kawan at sila naman ay naaakit at lumalapit sa
kanya. Kay gandang mensahe nito. Bilang mga alagad ni Hesus, hindi tayo mga
walang utak na taga-ayon lamang kundi mga aktibong mga taga-sunod na tumutugon at
kumikilos ayon sa Salita ng Panginoon, sa tulong ng Espiritu Santo na
nagbibigay sa atin ng kaloob na pananampalataya.
Kung determinado ang ating
pananalig, kung umaasa tayo sa kanyang mga pangako, at kung tapat nating
ninanais na mahalin ang Diyos at kapwa araw-araw, ang Espiritu Santo ang umaakay
sa atin sa kayamanan ng pananampalataya kahit na hindi natin ito lubos na
nauunawaan. Hindi kailangang maging perpekto upang madama, igalang at tanggapin ang mga hiwaga ng Diyos.
Subalit kung ang pananampalataya
ay manghina, ang tiwala ay mabawasan, at ang pag-ibig ay mamanglaw, ang
kaloob ng Diyos ay nanlalambot din at dahil dito madali tayong maliko sa kamalian,
kadiliman, at pag-aalinlangan. Sa Germany daw noong World War II, nang
tinutuligsa ang ilang mga paring lumalaban sa Nazi, ilang mga Katoliko din naman ang
matapang na nagtanggol sa kanilang mga pari dahil ayaw nilang makilala bilang
bansa na pumapatay ng kanilang mga pari. Tumahimik ang ibang Katoliko subalit may mga
natira pa na matapang na isinabuhay ang hamon ng Panginoon.
Sa linggong ito, magpasalamat sa
kaloob na pananampalataya mula kay Kristong Muling Nabuhay. Dadalhin tayo nito sa
pagtuklas at pagpapahalaga sa presensya ng Panginoon maging sa mumunti at
pangkaraniwang mga bagay at pangyayari sa paligid natin. Itangi bilang yaman ang pananampalatayang ito
upang matulungan tayo nito na mangibabaw sa gitna ng mga pagsubok at suliranin. Kilala tayo
ng ating Pastol… at kilala natin siya!