IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY K



MAIGSI PERO MATINDI





Matapos ang Linggo ng Pagkabuhay, ito yata ang ikalawang linggong magkasunod na maigsi lamang ang mabuting balita. Kapag mahaba ang pagbasa, tila solb tayo dyan kasi parang napapawi ang uhaw natin sa mensahe ng Panginoon na isang linggo nating pinaghandaan at hinintay. Pero pag maigsi? Tila kulang, bitin, katiting! Pero minsan, ang maigsing pagbasa ang may malakas na suntok. Hindi dahil lamang konti ang salita e konti na rin ang maiuuwing mensahe at hamon sa buhay.



Ang Juan 13: 31-35 ay nagsasaad ng "luwalhati" – isang salitang bihira nating gamitin sa karaniwang usapan, maliban sa relihyon, espiritualidad, sa Diyos. Niluwalhati daw si Hesus ng Ama. Naganap ito sa Pagkabuhay – doon siya ay itinaas, pinarangalan, inalayan ng papuri at pagsamba. Kung sa Jordan narinig – Ito ang aking minamahal na Anak – sa Pagkabuhay naman, ang malinaw na mensahe ay – Ito ang niluwalhati kong Anak!



Ang luwalhating ito ng Panginoon ay hindi madali. Tinanggap niya ito hindi dahil siya ay marunong, malikhain, o matagumpay. Tinanggap niya ito dahil sa pagyakap niya sa Krus na may pagsang-ayon at kababaang-loob, kalakip ang sakit, kahihiyan, kadiliman at kamatayan. Para sa kanya: Matapos ang Krus, Kaluwalhatian naman! Ito po ang kahulugan ng salitang “Panginoon” – ibig sabihin nito ay niluwalhati ng Ama, matapos ang pagsuko at pagtitiwala sa gitna ng krus.



Paano natin malalasap ang luwalhating ito? Ang Panginoon din nagbigay ng pormula, ang kanyang bagong utos: magmahalan kayo. Maigsi din ha, pero tila hindi madali, di ba?



Kung ang krus ni Hesus ay isang malaking bloke ng kahoy, ang krus natin ay ang hamon na magmahal. Maraming hirap madama ang luwalhati dahil hirap magmahal tulad ng sinasabi ng Panginoon. Kay dami kayang balakid sa pagmamahal. May mga taong hindi natin mapatawad. Mga taong nanakit sa atin nang matindi. Mga taong hindi tayo pinahalagahan, tinanggap o tinulungan sa ating paghihikahos.



Di ba totoo na minsan mula sa ating mga mahal sa buhay nararanasan natin ang pinakapangit na pagtrato? Para sa mga taong simbahan, di ba sa mga kinikilala nating mga kapatid daw lalo pa natin tinanggap ang pinakamalubhang mga sugat? Paano ka magmamahal? Magpapatawad? Maghihilom?



Iniaalay ng Panginoon ang kanyang tulong sa atin. Sabi niya: “kung paano ako nagmahal, gayun din kayo magmahalan.” Hindi natin kaya mag-isa. Kasama natin siya. Gagawin natin ito sa pamamagitan niya. Isasakatuparan natin ito sa pangalan niya. Ang luwalhati ay hindi magmumula sa ating mga pagsisikap. Magmumula ito sa pagtitiwala, pagtulad, at pakikiisa sa kanya na nagmahal nang lubos-lubos sa atin. Matapos ang Krus, tanggapin mo nawa ang Kaluwalhatian!





 (paki-share sa isang kaibigan para sa kaluwalhatian ng Diyos!)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS