PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUKRISTO K



ANG HULING PAMANA





Nakakagulat ang kuwento ng buhay ni Ginang Margaret Ball ng Ireland. Noong panahon ng pagtuligsa sa mga Katoliko doon, ang kanyang anak ay nag-convert sa Protestantismo upang gumanda ang estado ng buhay. Nang ang anak na ito ay ma-promote bilang mayor at chairman ng usaping panrelihyon, ipinakulong niya ang sariling ina dahil sa pagdalo sa Misa. Si Margaret ay nanatili sa isang madilim, basa, at malamig na kulungan hanggang sa mamatay. At kahit may isa pa siyang anak na nanatiling Katoliko at sumuporta sa kanya, sa kanyang kamatayan, ipinamana ni Margaret ang lahat sa anak niyang Protestante.



Kahanga-hanga sa isang matandang babae na tanggapin ang paghihirap para sa pananampalataya. Kagulat-gulat na tinanggap niya ito sa kamay ng sarili niyang anak. At lalo pa, na sa dulo ng kanyang buhay, walang bakas ng galit o paghihiganti sa kanyang puso habang pinili niyang lalong biyayaan pa ng lahat niyang pamana ang anak niyang walang-puso. Ngayon siya ay kilala na bilang si Blessed Margaret Ball, isang hakbang na lamang sa pagiging ganap na santa sa ating simbahan.



Bilang siyang tumanggap ng di malirip na kahihiyan at kaparusahan, karapatan ni Hesus matapos siyang muling mabuhay na balikan at gantihan ang mga nagdala sa kanya sa pagdurusa at kamatayan. Subalit binago ni Hesus ang kasangkapan ng kamatayan tungo sa salamin ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang Pagkabuhay na Muli ay hindi paraan ng Diyos upang sindakin ang kanyang mga kaaway. Sa halip, ito ang lubusang pagbubunyag niya ng walang kapantay na awa ng pag-ibig niya sa ating lahat.



Wala nang higit na malinaw na patunay nito kaysa sa tagpo ng Pag-akyat sa langit. Kinausap ni Hesus ang mga alagad at inalala ang kanyang mga paghihirap na dinanas. Subalit sa halip na magpakita ng panghihinayang sa mundong tumanggi sa kanya, lalo pa niyang ibinuhos ang kanyang pagmamahal. Dahil sa Pagkabuhay, magkakaroon ng ibayo pang pagsisisi, pagpapatawad at pangako ng padating na Espiritu. Binasbasan pa niya ang lahat habang umaakyat siya sa langit. Sa Pag-akyat niya, nilinaw ng Panginoon na hindi siya sumusuko sa mundo, kundi lalo pang mas marami nag dahilan upang magbigay pag-asa at paghilom.



Sa panahong ito, may isang malaking pagbabago. Hindi na si Hesus mismo ang magpapatuloy ng pangarap ng Diyos sa mundo. Ang mga alagad, na saksi sa mga halimbawa ni Hesus at pinalakas ng Espiritu, ang siyang magpapatuloy ng pagtataguyod ng gawain ng kagalakan, ng krusada ng pag-ibig at ng paghahangad para sa pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob. Ang pagdurusa at kamatayan ang nagpatibay kay Hesus upang magpasyang patuloy na magmahal, magpatawad, at tumanggap sa lahat ng tao. Bilang mga Kristiyano, dapat nating matutunan na tularan at ipagdasal na maging ganito rin ang ating desisyon sa pang-araw-araw na buhay natin.



Sandali mong isipin. Kung darating na ang oras na ikaw na ang lilisan sa mundong ito, anong pamana ang iiwan mo sa mga tao sa paligid mo? Sana tulad ito ng pamana ni Hesus at ni Blessed Margaret – pagpapala ng pagmamahal, pagpapatawad at pag-asa.

(paki-share sa isang kaibigan...)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS