IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY K



PANANABIK AT PAGGALANG





Nakakaramdam ka pa ba ng pananabik? Minsan tinagpo ko ang mga pamangkin ko para kumain sa labas. Sobrang aga nila umalis ng bahay nila na sarado pa ang restawran nang dumating kami doon. Sila (at ako din syempre) ay tunay na nanabik para sa oras ng pagkukuwentuhan at pagsasalo!



Sa mabuting balita ngayon, eto na naman si Pedro at ang kanyang kakaibang kilos. Marami nang nasabi sa ugali at timpla ni Pedro na minsan ay padalus-dalos, hindi nag-iiisip, at mainipin. Ngayon nangingisda siya muli kasama ng ibang mga alagad. Nang marinig niyang naroon ang Panginoong muling Nabuhay, nagsuot siy ang extrang damit, tumalon sa tubig, at lumangoy patungo kay Hesus.



Kakatawa di ba? Naghuhubad ang lumalangoy. Si Pedro naman, nag extra damit pa bago lumangoy! Ito kalimitan ang ginagamit ng iba upang kutyain si Pedro sa kakulangan nitong mag-isip. Pero ano nga kaya ang dahilan ng kakaiba niyang ikinilos?



Una, masasabing excited talaga siya na makita muli ang Panginoon. Naguluhan si Pedro sa mga pangyayari mula sa pagkamatay ni Hesus. Ngayong kumbinsido na siyang buhay ito muli, hindi niya mapigil ang damdamin niya kaya kung ano na lang ang nagawa niya.



Ikalawa, tanda ito ng malalim na paggalang ni Pedro. Hindi siya handa sa pagkakataong ito. Hindi din niya nais na lumapit sa Panginoon na hindi maayos ang itsura kaya binalutan niya ang hubad niyang katawan. Ang pananabik at paggalang ang nagtulak kay Pedro at tiyak na ikinatuwa at tinanggap ito ng Panginoong Hesus.



Itong mga kilos at damdamin ni Pedro, nasasaatin din kaya tuwing lalapit tayo sa Panginoon? Sabik at masaya ba tayong dumadalo sa Misa at tumatanggap ng Komunyon? Magalang ba tayo sa piling ni Hesus kapag nagdarasal, nagbabasa ng Bible at naga-adoration? Sabik at magalang din ba tayo sa pakikipagtagpo sa kapwa tao na siyang larawan ng Diyos sa ating mga pang-araw araw na buhay, gawin at iskedyul?



 “Ang sandaling ito Panginoon, ay para sa iyo; lahat ng masaya, mahirap, nakapapagod at minsan ay nakatatamad na. Halina Espiritu Santo at tulungan akong gawin ang lahat ng makakaya ko, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”



(paki-share po para lalong makatulong sa iba at dumami ang magpuri sa Panginoon. thanks po!)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS