ANG CARDINAL AT ANG KALOOB NA BAGONG BUHAY

 



Sa isang munting pagtitipon, nagkaroon ng sharing. Naroon si Cardinal Gaudencio Rosales ng Maynila.

 

Nagkuwento ang Cardinal ng kanyang karanasan noong siya ay dati pang katuwang na obispo ng Maynila at naka-assign sa Antipolo Church (hindi pa ito katedral noon). Kilala pa siya noon bilang Bishop Rosales.

 

Minsan daw na nagmamadali sila ng kanyang tsuper (driver) na bumalik sa Antipolo ay sinabihan niya itong magmadali sa pagmamaneho para huwag mahuli sa appointment. Walang anu-ano ay may isang maliit na batang babae na bigla na lamang tumawid ng kalsada na hindi napansin ng tsuper.

 

Kitang-kita ni Bishop Rosales at ng driver niya kung paanong nabangga ng kotse ang bata at humagis sa ere bago bumagsak sa lupa. May mga nakasaksi at naglapitan ang mga tao. Dumating din ang mga magulang ng batang babae.

 

Dali-daling pinulot nila ang bata at isinakay sa kotse ni Bishop Rosales upang ihatid sa ospital. Sa emergency room, sinabi ng mga doktor na patay na ang bata, dead on arrival. Nag-iyakan ang mga magulang nito.

 

Humiling ang noon-ay-Bishop Rosales ng ilang sandali na mag-isa kasama ang bata sa silid sa ospital. Nagdasal siyang taimtim para sa bata.

 

Matapos ito, nang pumasok ang mga doktor, napansin nilang buhay muli ang bata, kumikilos at takot na hinahanap ang mga magulang. Natagpuan din matapos ang pagsusuri na walang baling buto o anumang major injury sa katawan ang bata. Tuwang-tuwa ang mga magulang sa pangyayari. Ganoon din si Bishop Rosales.

 

Subalit pinagbilinan niya ang lahat ng nakasaksi na huwag ikukuwento ang pangyayari upang hindi magdulot ng anumang usapin o kontrobersya.

 

Sa kababaang-loob ng Cardinal, sinabi niya sa sharing niya na baka daw may kinalaman ang patalun-talong takbo ng bata na nang mabangga ng kotse ay parang bolang tumalbog ang katawan nito kaya hindi nagkaroon ng malalang sugat o kapansanan. Maaari daw ito ang paliwanag sa naganap.

 

Subalit paano naman ang deklarasyon ng mga doktor na patay na ang bata, at nagpakita ito muli ng buhay matapos pagdasalan ng butihing Cardinal Gaudencio Rosales. May scientific explanation ba talaga ito o bunga ng matinding pananampalataya ng Cardinal sa kanyang taimtim na panalangin sa Panginoong Hesukristo para sa kaligtasan ng bata at kabutihan ng mga magulang nito? Tulad ng sinabi ni San Carlos de Foucauld, “Si Hesus ang Panginoong ng Imposible!” (6/5/22)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS