SAINTS OF JUNE: MGA UNANG MARTIR NG ROMA

 

HUNYO 30

 

MGA UNANG MARTIR NG ROMA

 


 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Sama-samang inaalala ngayon ang mga sinaunang mga martir ng lungsod ng Roma.  Ito ang unang pag-uusig laban sa simbahan sa Roma. Naganap ito noong kapanahunan ni emperador Nero, taong 64.

 

Paano makakalimutan ng mga Kristiyao noon ang malaking sunog sa Roma noong Hulyo 16, taong 64. Bagamat kagagawan ito ng emperador, ibinintang niya ang sunog sa mga Kristiyano upang magalit ang mga tao sa kanila.  Naging dahilan ito ng pagdakip sa mga Kristiyano.

 

Ayon sa mga saksing nagsulat ng kuwento, ang mga Kristiyano ay dinakip, pinahirapan at saka pinatay. Iba’t-iba ang uri ng pagpatay na ginawa sa kanila.

 

Nariyan ang sunugin ang mga tao upang gawing sulo na magbibigay liwanag sa lansangang.  Ang iba naman ay ipinakain sa mga mababangis na hayop tulad ng nakikita natin sa mga pelikula tungkol sa ugaling paglilibang ng mga tao sa Roma noon.  Ang Colosseum sa Roma ang isang saksi sa pagdanak ng dugo  ng  maraming Kristiyano para sa pananampalataya.

 

Isinulat ng paganong manunulat na si Tacitus sa kanyang Annales (15, 44) ang pangyayaring ito. Siya din ang naglarawan ng paraan ng pagpapahirap at pagpatay sa mg Kristiyano.

 

Si San Clemente na obispo ng Roma ay nagbanggit din ng tagpong ito sa kanyang Liham sa mga taga-Corinto, kabanata 5-6.  Bagamat hindi alam kung gaano karami ang namatay, ang Jerome Martyrology ay nagsabing may 979 na martir ang nagbuwis ng buhay.

 

Bagamat hindi natin alam ang pangalan ng mga martir na ito, sama-samang inaalala natin sila sa araw na ito. Hindi natin nais na makalimutan ang kanilang kagitingan. Gusto nating manatili sa ating puso at isip ang kanilang mabuting halimbawa at ang bunga ng kanilang paghihirap sa langit at kaluwalhatian sa langit.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Tandaan natin na ang mabubuting gawa ay hindi nakakalimutan at sa halip ay nagiging pampalakas ng loob ng ibang tao.  Hindi kailangang makilala tayo ng kapwa. Ang mahalaga ay makapag-iwan ng mabuting halimbawa.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Mt 24: 9

 

At  huhulihin naman nila kayo at pahihirapan at papatayin. Kamumuhian kayo ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS