SAINTS OF JUNE: DAKILANG KAPISTAHAN NINA APOSTOL SAN PEDRO AT SAN PABLO

 

HUNYO 29

 

DAKILANG KAPISTAHAN NINA

APOSTOL SAN PEDRO AT SAN PABLO

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Malaking kapistahan sa Roma ang araw na ito. Ayon na rin sa turo ng mga Ama ng simbahan, nagkakaisa sila sa pagtanggap sa katotohanan na ang simbahan sa Roma ay natayo sa pamamagitan ng pagpupunyagi ng dalawang magigiting na apostol, sina San Pedro at San Pablo.

 

Subalit sa pagdiriwang, halos ang lahat ng atensyon ay laging nakatuon kay San Pedro, ang unang obispo ng Roma. 

 

Pagkatapos tanggapin ang Espiritu Santo noong Pentekostes, si San Pedro ay nangaral sa Judea (tingan sa Gawa, kabanata 1 at 2).  Dahil sa kanyang bagong angking tapang, siya ay itinapon sa piitan ni Haring Herodes. Ayon sa Bibliya, isang anghel ang nagpakawala sa kanya mula sa kulungan (Gawa 12).

 

Nakarating si San Pedro sa Antioquia kung saan itinatag niya ang simbahan at siya ang unang naging obispo ng mga Kristiyano doon. Pagkatapos nagpunta naman si San Pedro sa Roma.

 

Ang pagiging tagapagtatag ng simbahan sa Roma at ang pagiging obispo niya dito ay madiing itinuturo ng walang patid na tradisyon ng simbahan.  Makikita rin ito sa mga sulat ni San Pedro.  Nakatala din ito sa mga petsang natagpuan sa mga katakumba o mga sinaunang libingan at mga sinaunang simbahan sa Roma.

 

Ayon sa tradisyon, namatay si San Pedro sa panahon ni Nero (bandang 64-68). Ipinako siya sa krus pero patiwarik o pabaligtad dahil hindi niya maisip na karapat-dapat siyang mamatay sa paraang katulad ng kanyang Panginoon.

 

Ang libingan ni San Pedro ay nasa ilalim ng Basilica ni San Pedro sa Vatican ngayon.

 

Nakarating din si San Pablo sa Roma at dito ay naging tagapagpatibay ng pananampalatay ng mga unang Kristiyano. Ayon sa tradisyon ay pinugutan ng ulo si San Pablo sa ilalim din ng malagim na pag-uusig ng mga Kristiyano.

 

May isang lugar sa Roma, ang Tre Fontane, kung saan sinasabi na pinugutan siyang ulo at sa lugar na iyon ay nagkaroon ng tatlong bukal ng tubig o fountains kung saan bumagsak ang kanyang ulo.

 

Nakalibing si San Pablo sa Basilica na tinatawag na St. Pauls-outside-the-walls.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Ang ating pananampalatayang Katoliko ay nakaugat sa pananalig, pangangaral at pag-aalay ng buhay ng mga apostol. Magpasalamat tayo sa Diyos dahil ibinigay sa atin ang mahalagang pundasyong ito ng ating buhay espiritwal.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Gal 1: 11-12

 

Talagang gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi ebanghelyo ng tao ang ebanghelyong ipinangaral ko. Hindi ko nga ito tinanggap mula sa tao, o natutuhan sa tao kundi sa pagbubunyag ni Hesukristo.

 

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS