LINGGO NG PENTEKOSTES K

 


ANG KALOOB NA ESPIRITU, KALOOB NA KAPAYAPAAN

JN 20: 19-23

 


 

 

Laking sindak at gulat ng mga alagad! Si Hesus na inakala nilang patay na, ngayon ay lumitaw sa harap nila. Natakot sila sa maaaring kahinatnan ng engkuwentrong ito. Bago siya mamatay, hindi pa naman nila kinayang Samahan siya sa pagdarasal sa Halamanan. Nagtakbuhan pa naman silang lahat nang dinakip siya ng mga kaaway. Sa Kalbaryo, ni isang hibla ng buhok nila ay hindi nakayang saksihan ang kanyang kamatayan. Takot sila, nahihiya sila, dahil iniwan nila siyang nag-iisa.

 

Handa na sila ngayon sa sasabihin niya. Kahit pa sumabog siya sa galit at sabihing: Nasaan kayo nang nagdurusa ako? Paano Ninyo natiis na pabayaan ako doon? Ni wala bang isa man sa inyo ang may tapang at lakas na manindigan para sa akin? Anong klase kayong mga alagad na hindi sumubok man lang na ipagtanggol ako?

 

Subalit narito si Hesus ngayon, paulit ulit sa iisang mensahe niya – Kapayapaan! Ang mukha ng pagdurusa noon ngayon ay payapang nagsasabi: kapayapaan. Ang nakabayubay sa krus noon, ngayon masiglang nagpapahayag ng kapayapaan. Ang pinunong iniwasan nilang Samahan sa kahihiyan, lakas loob ngayong nagbabagi ng kapayapaan. Hindi galit, hindi bintang, hindi paninisi. Ang tanging dala ni Hesus ay kapatawaran… at kapayapaan!

 

Umaapaw si Hesus sa kapayapaan dahil lubos niyang kaugnay ang Espiritu Santo, na nanatiling kapiling niya sa krus at libingan. Ngayong muling nabuhay, taglay niya ang kaganapan ng Espiritu. Kaya maaari na niyang ibahagi ang kapatawaran at kapayapaan bumubukal sa Espiritu. Ipinangako niya ang Espiritu na siyang magtuturo, magpapaalala at tutunaw ng mga puso… ngayon ipinakikilala niya ang Espiritu bilang saligan ng kanilang kapayapaan. 

 

Dahil sa pandemya, ilang beses na-postpone ang heart surgery ng isa kong kaibigan. Nang bumaba na ang Covid infection, pati tuloy ang doktor ay nangimi na ituloy ang operasyon. Subalit ang kaibigan ko ay kumbinsido na ito ang kalooban ng Diyos. Sa isip niya, walang alinlangan. Sa puso niya, naroon ang pagsuko. Tiyak siyang ginagabayan siya ng Espiritu Santo pati na din ang doktor sa paggawa ng nararapat. Namamayani ang kapayapaan sa kanyang puso.

 

Handog ng Panginoong Hesus sa atin ngayon ang kapayapaan, kung handa rin muna tayong tanggapin ang pinakadakilang Handog ng Pagkabuhay, ang Espiritu Santo. Bukas ba ang puso mo para sa kanya? Ang Diyos ng Israel ay nagpakilala bilang Ama, si Hesus naman ay nagpahayag bilang Anak. Ngayon, nagbubunyag ang Espiritu Santo ng sarili bilang matalik na kaibigan ng bawat pusong nananalig, ng bawat pusong naghahangad ng kapayapaan. Halina, Espiritu Santo at manahan ka sa akin!

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS