SAINTS OF JUNE: SAN NORBERTO, OBISPO

 

HUNYO 6

 

SAN NORBERTO, OBISPO

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Napakagandang halimbawa kapag ang isang tao ay kusang-loob na nagbago at nagbalik sa ugat ng kanyang pananampalataya.  Lalong nagiging maningning at marubdob ang kanyang pagtatalaga ng buhay sa Panginoon. 

 

Ganyan ang naganap sa ating mabunying santo sa araw na ito. Naging haligi siya ng pagbabago sa simbahan noong panahon niya. Naging tagapagtatag din siya ng isang bagong grupong relihyoso. Subalit ang simula ng kanyang buhay ay hindi puno ng maalab na pagmamahal sa Diyos.

 

Si San Norberto ay tubong Germany at isinilang siya bandang 1080.  Ang kaniyang pamilya ay kinikilala dahil sa marangal nitong pamumuhay at estado. Bata pa lamang si Norberto noon pero kaakibat na ng kanyang buhay ang simbahan at pananampalataya.

 

Sinasabing siya ay isang naging isang canon (isang pari na bahagi ng munting pamayanan ng mga paring naglilingkod sa katedral ng isang diyosesis) ng simbahan ng Xanten. Sa gulang na 30 siya ay naging isang subdeacon.  Nagkaroon din siya ng natatanginn gampanin bilang tagalimos sa mga mahihirap sa ngalan ng emperador.

 

Subalit sa kabila ng lahat ng ito, masasabing wala sa puso ni Norberto ang malalim na pananalig sa Diyos.  kung tutuusin, siya ay isang napaka-makamundong tao, na ang hilig ay layaw ng kanyang katawan at sariling kalooban.   Ang tanging nais niya ay pagbigyan ang kagustuhan ng kanyang sarili at bigyang laya ang pagahahanap sa sarap ng buhay.

 

Isang pangyayari ang nagdulot ng malaking aral sa buhay ni Norberto. Muntik na siyang mamatay sa gitna ng isang napakalakas na bagyo. Dahil dito tila natauhan si Norberto at unti-unti siyang nagbalik-loob sa Panginoon.

 

Sa kanyang pagbabagong-buhay, inasam niyang maging isang pari at na-ordenan siya noong 1115. Ipinamigay niya lahat ng kanyang mga pag-aari at lumayo sa mundo. Nakarating siya sa kapatagan ng Premontre sa France at doon nagsimulang mabuo ang isang grupo ng mga namamanata sa Diyos.

 

1121 nang kasama ang apatnapung iba pa, nagpahayag ng panata sa Diyos ang grupo ni San Norberto na tinawag na Premonstratensians o Canons of Premontre. Tinatawag din ito ngayong Norbertines, dahil sa tagapagtatag ng grupo.

 

Nais ni San Norberto na mabuhay lamang para manalangin at mag-sakripisyo dahil na rin sa kanyang pakikipag-ugnayan kay San Bernardo na isang mongheng Cistercian.  Higit pa dito ay ang impluwensya ng mga Benedictines at ng mga ermitanyo na nagiging mas kilala at iginagalang noong panahong iyon.

 

Subalit si San Norberto ay nahirang na arsobispo ng Magdeburg. Kinakailangan na niyang pag-ugnayin ang buhay relihyoso at buhay aktibo para maganap ang kanyang tungkulin. Katuwang ang kanyang mga kasama, nagsikap silang panibaguhin ang buhay Kristiyano at ikalat ang Mabuting Balita sa mga karatig pang lugar.

 

Namatay siya sa kanyang diyosesis noong 1134. Isang malaking pamana niya ay ang kanyang pagtuturo sa mga pari na magdasal maging nag-iisa man o magkasama para sa ikapagtatagumpay ng kanilang misyon sa simbahan.

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Tulad ni San Norberto, marami sa atin ang isinilang at lumaki na miyembro ng simbahan. At tulad niya, marami din sa atin ang nabubuhay na walang sigla at sigasig ang pananampalataya. Ipagdasal natin na tulad din ni San Norberto ay gumawa ang Diyos ng paraan upang mapalalim at mapatibay ang ating pananampalataya.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Ezek 34: 12

 

Kung paanong nagbabantay ang pastol nang nasa piling siya ng kanyang nangalat na kawan, gayon din ako magbabantay sa aking mga tupa at titipunin ko sila buhat sa lahat ng lugar na pinangalatan nila sa panahon ng dagim at ulop.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS