SAINT OF JUNE: SAN LUIS GONZAGA, NAMANATA SA DIYOS

 

HUNYO 21

 

SAN LUIS GONZAGA, NAMANATA SA DIYOS

 


 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Isang napakabuting modelo para sa mga kabataan ang santong si San Luis Gonzaga.  Itinuturing siya na tila isang anghel sa lupa dahil sa kabanalan, kadalisayan, at kalinisan ng kanyang puso at isipan.

 

Ipinanganak sa isang pamilya ng mga prinsipe si Luis sa Castiglione, isang lugar sa rehiyon ng Lombardy sa bansang Italy.  Ang Italy ay may halos 20 rehiyon.  Malaking impluwensya ng kanyang mga magulang sa kanyang paglago sa buhay pananampalataya.

 

Ang ina ni San Luis ang siyang nagturo sa kanya ng panalangin at tunay na pamimintuho sa Diyos.  kaya nga bata pa siya at nagpakita na siya ng pagkiling sa buhay relihyoso o pagiging isang taong namamanata sa Diyos. sinasabing siyam na taon pa lamang siya ay namanata na siya na mananatiling isang binata at walang asawa para maialay ang buhay sa kaluwalhatian ng Diyos lamang.

 

Nais ng ama ni San Luis na siya ay maging isang sundalo subalit hindi ito sumagi sa isip ng santo.  Tumanggap siya ng kanyang First Communion noong labing-dalawang taong gulang siya mula sa mga kamay ng isa pang santo, si San Carlos Borromeo.

 

Naglingkod nang sandaling panahon ang binatilyong si San Luis kasama ang kapatid na si Ridolfo sa palasyo ng Duke ng Mantua at sa palasyo ng prinsipe ng Asturias sa Espanya.  Subalit pagbalik sa Italy, lalong lumakas ang pagnanasa niya na maging lingkod ng Diyos.

 

Labing-anim na taong gulang siya nang magpasyang pumasok sa seminaryo ng mga Heswita.  Anumang pamana na matatanggap niya sa kanyang mga magulang ay isinalin niya sa pangalan ng kanyang kapatid na lalaki upang maging mas malaya siya sa pagpasok sa buhay ng pamamanata sa Diyos.

 

Bilang isang seminarista ng mga Heswita, namukod tangi siya sa kanyang mga sakripisyo at pasakit sa sarili.  Para sa mga nakapaligid sa kanya, naging isang tunay na modelo siya ng kalinisan ng puso at pagiging inosente sa mga bagay na makamundo.  Sa seminaryo ng Heswita sa Roma nanalagi si San Luis sa loob ng anim na taon.  Naging tagahubog niya ang isa pang banal na Heswita, si San Roberto Bellarmino.

 

Tinanggap ni San Luis ang tinatawag noon na “minor orders” sa Basilica ng San Juan Laterano. Patuloy niyang inihanda ang sarili upang maging pari at maging isang misyonero sa malalayong bansa. Pangarap din niyang mamatay bilang isang martir para kay Hesus.

 

Subalit noong 1591, nagkaroon ng isang peste sa Roma at masigasig na nag-alaga ng mga maysakit si San Luis.  Katulad ng ibang mga Heswita, nahawa siya ng sakit sa inaalagaan niya. Hindi na siya nakabawi upang tuluyang gumaling. Sa halip, namatay nang hatinggabi ng Hunyo 20-21, 1591, si San Luis. 

 

Sa kanyang mga labi ay isa lamang ang kanyang paulit-ulit na sinambit hanggang maputol ang kanyang hininga – ang matamis na pangalan ni Hesus. Siya ay patron ng mga kabataan ngayon.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Napakaraming matututunan sa mga kabataang maganda ang pangarap at mabuti ang pagsasabuhay ng kanilang mga prinsipyo sa buhay.  Tulungan natin ang mga kabataan na laging maging malapit sa Diyos at mapagmahal sa kapwa-tao.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Mt 22: 37-40

 

Sumagot si Hesus: Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS