DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO K: CORPUS CHRISTI
GAANO BA KAHALAGA?
JN 9:11-17
Ang reklamo ng isang pari ay hindi na daw nagbalikan ang mga parokyano niya matapos ang mga paghihigpit sa Covid. Napansin din ito ng isang kaibigan kong choir member sa simbahan. At sa isang panayam, sabi ng dating obispo ng Brunei na si Cardinal Cornelius Sim maging sa kanila daw bumaba ang bilang ng nagsisimba kahit puwede na. Napag-isip daw siya kung matibay ba talaga ang pananampalataya ng mga tao o sapat ba ang kaalaman nila.
Sa mabuting balita, nabasa natin ang pagpaparami ng tinapay. Gutom napawi, pangangailangan naibigay, pag-aasam natupad. Ganito ang pagmamahal ng Panginoong Hesus sa mga umaasa sa kanya. Sukdulang ipapakita niya ang kapangyarihan, hindi lamang sa tinapay at isda, kundi ang kapangyarihan niyang maglingkod sa lahat. Kung kinakailangan, gagawa siya ng himala ng pag-ibig para sa kanila.
Pero higit pa sa pagpuno ng pangangailangan ng mga tao, may inihahandog si Hesus na mas malalim, makabuluhan, at magtatagal. Alay niya ang kanyang pakikipag-kaibigan, pakikipag-ugnayan, at pakikiisa. Kay Hesus, ninanais ng Ama na yakapin tayong lahat. Kay Hesus, ninanais ng Espiritu Santo na marating ang ating mga puso. Sa Katawan at Dugo ng Panginoon na inialay sa huling hapunan, sa krus at ngayon sa Eukaristiya o Misa, nag-aalay ang Diyos ng pagkain ng pakikipag-ugnayan, ng inumin ng pakikipag-isa sa atin magpasawalang hanggan.
Hindi naman ito naunawaan ng mga tao sa paligid ni Hesus. Tinapay lang at isda ang nakita nila at gusto pa nila ng marami pa nito. Ngayon kaya nauunawaan natin ang Panginoon? O baka nakikita natin sapat na ang Misa sa tv, youtube o facebook para masabing bahagi tayo ng buhay na Katawan ni Kristo, ang ating Simbahan? O baka din mas angkop sa atin ang manood ng Misa habang nagluluto, kumakain o nakahiga sa ating kama?
Nakakapagtaka lang na ang dali nating isantabi ang pagpunta sa simbahan para tanggapin ang Katawan ni Kristo at makiisa sa ating kapwa Kristiyano. Ganito din ba kadali natin tinatanggihan ang pagkakataong maglibang sa mall, o dumalo sa klase sa paaralan, o pumasok sa opisina o pabrika para kumita ng pera?
Sa huli, isang bagay ang babagsakan nito – buong pang-unawa at pagkakilala sa kung ano ang ating pinaniniwalaan, kung Sino ang ating pinananaligan. Tinanong ko din ang sarili ko. Ano ba ang Misa o Eukaristiya para sa akin ngayon? Seremonya lang? Tungkulin lang? Maaaring kaligtaan? O ito ba mismo si Hesus, ang Panginoong nag-aanyaya sa isang ugnayan? Marami tayong dapat itanong sa sarili natin ngayon…
Comments