ANG MGA KAKAIBANG PANAUHIN NI CARDINAL SIN
Sa isang pagtitipon, may nagtanong sa yumaong Cardinal Jaime Sin kung totoong nakakakita siya ng mga espiritu ng mga yumao.
Hindi nagsayang ng oras ang Cardinal sa pagku-kuwento tungkol sa kanyang mga karanasan. Aniya, noong nasa pilgrimage siya sa Holy Land taong 1975, iniwan niya bilang administrator ng Archdiocese of Manila ang katuwang na obispo na si Bishop Hernando Antiporda, na halos kasisimula pa lamang ng appointment bilang parish priest ng Quiapo Church.
Nasa Holy Land na si Cardinal Sin nang nagulat siya na biglang pumasok sa hotel room niya si Bishop Antiporda. Ang unang reaksyon ng Cardinal ay magalit at tanungin ito kung bakit sumunod sa pilgrimage gayong siya ang inaasahan niyang tagapamahala ng archdiocese habang wala siya.
Nagpaliwanag si Bishop Antiporda na nais lang niyang ipabatid kay Cardinal Sin na pumanaw na siya noong araw na iyon. At bigla itong naglaho. Nagulat ang Cardinal na hindi pala isang tao ang kausap niya kundi isang espiritu.
Maya-maya, may dumating na isang urgent call mula sa Maynila at sinasabing pinatay sa kumbento ng Quiapo si Bishop Antiporda at si Fr. Raymundo Costales na assistant priest doon, ng isang hinihinalang magnanakaw na empleyado ng simbahan. December 13, 1975 noon. Totoo ang sinabi ng pangitaing nagpakita sa Cardinal.
Matapos daw ang ilang taon, ang sakristan na pumatay sa obispo at pari ay pinayagan ni Cardinal Sin na makalaya at mabigyan ng parole. Nagbago ito sa loob ng kulungan at naging isang lay minister sa kanyang parokyang kinabibilangan.
Isa pang salaysay ng Cardinal…
Magkaibigan ang dalawang Cardinal ng Pilipinas noon na sina Cardinal Sin at si Cardinal Julio Rosales ng Cebu. Nagbiro daw si Cardinal Julio Rosales na kapag nauna siyang mamatay ay gusto niyang si Cardinal Sin ang magbibigay ng homily sa libing niya.
At dahil ang dalawang ito ay kapwa produkto ng paghubog ng mga paring Kastila noong panahon nila sa seminaryo, at parehong matatas sa wikang Espanyol, sinabi pa ni Cardinal Julio Rosales na nais niyang ang homily ay ibibigay sa perfect Spanish, hindi sa wikang Ingles.
Isang araw, habang nasa kuwarto si Cardinal Sin sa kanyang tirahan sa Villa San Miguel sa Mandaluyong, kasama niyang naghahanda sa gawain ang kanyang butler na si Roger. Biglang pumasok sa kuwarto si Cardinal Julio Rosales ng Cebu kaya nagulat si Cardinal Sin at nagtanong kung bakit bigla-bigla naman itong napadalaw.
Sinabi ng Cardinal ng Cebu na dumaan lang siya upang ipaalam na namatay na siya at ipaalala ang pangako ng Cardinal Sin na siya ang magbibigay ng Spanish homily sa libing niya. Pagkatapos ay naglaho sa harapan ni Cardinal Sin ang pangitain.
Tinanong ni Roger si Cardinal Sin kung sino ang kausap nito gayung silang dalawa lang naman ang nandoon sa kuwarto noong oras na iyon. Hindi nakita ni Roger ang kausap ng Cardinal.
Kasunod nito ang isang tawag mula sa Cebu na nagpatunay na kamamatay lamang ng minamahal na Cardinal Julio Rosales ng Cebu.
Pabirong sinabi ni Cardinal Sin na bigla siyang pumunta sa banyo para mag-cold shower!
Pagkatapos nito, dali-dali niyang isinulat ang homily na ibibigay niya para sa libing ng butihing arsobispo ng Cebu. Matagal na itinago ni Cardinal Sin ang kopya ng homily na ito na nakasulat sa lumang-luma nang yellow paper… in perfect Spanish!!!
Naganap siguro ang mga karanasang ito dahil sa lalim ng pananampalataya ng Cardinal at ng kanyang dalisay na kaugnayan sa mga yumao na nagpakita sa kanya. Pinagkatiwalaan siya ng Panginoon ng kakayahang makita, makausap at ipagdasal ang mga kaluluwa ng yumao niyang mga kaibigan.
Huwag kalilimutang ipanalangin palagi ang kaluluwa ng ating mga yumaong minamahal, kahit hindi Nobyembre. (6/5/22)
Comments