SAINTS OF JUNE: SAN PAULINO NG NOLA, OBISPO

 

HUNYO 22

 

SAN PAULINO NG NOLA, OBISPO

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Kakaiba ang kuwento ng buhay ni San Paulino ng Nola.  Tila isang tele-novela ang mga sorpresang naranasan niya sa buhay.

 

Mula sa Bordeaux, France si Paulino at isinilang siya noong taong 355. Ang kanyang pamilya ay mula sa angkang may kaugnayan sa pulitika dahil pamilya sila ng mga senador ng Roma.  Dahil dito naging bihasa si Paulino sa sining ng pagtatalumpati at sa pagiging makata. 

 

Halos dalawampung taon din siyang naging isang  pulitiko. Sa panahong ito, nalibot niya ang Espanya, France at Italy. Nahalal siya bilang consul o parang gobernador ng Campania, isang lalawigan malapit sa Naples, Italy.

 

Nagkaroon ng maganda at mabuting asawa si Paulino, sa katauhan ng Espanyolang si Ginang Teresia.  Kapwa sila naghangad na mamuhay ayon sa mga turo at aral ng ating Panginoong Hesukristo. Naging bahagi ng buhay nila ang sumunod sa isang buhay ng sakripisyo at pag-aalay sa Diyos.

 

Nakilala ni Paulino at ng kanyang asawa ang mga banal na tao ng panahon nila. Kabilang sa  mga ito ay sina San Martin ng Tours at si San Ambrosio. Tiyak na naging malaking impluwensya sa buhay nila ang mga bagong kaibigang ito.

 

Nabinyagan si Paulino noong taong 389 bilang isang Kristiyano at lumipat sila sa Espanya. Nang mamatay ang kanyang anak na si Celso, ipinamigay niya ang kanyang mga ari-arian at lalong naghangad ng buhay na payak at nakatalaga sa panalangin.

 

Paano naman ang kanyang asawang si Teresia?  Ayon sa kasaysayan ng kanilang buhay, nagkasundo si San Paulino at si Teresia na mamuhay na parang magkapatid na lamang upang kapwa nila mapaglingkuran nang buong-buo ang Panginoon.  nagtayo silang mag-asawa ng isang ospital para sa mga mahihirap na maysakit at nag-alaga sila doon ng mga taong may karamdaman.  Bukas din ang lugar na ito para sa mga debotong dumadayo sa dambana ni San Felix.

 

Sa kagustuhan ng mga tao, napilitan si San Paulino na maging isang pari.  Nagtayo siya ng isang maliit na pamayanan ng mga monghe sa Nola, malapit sa dambana ni San Felix.  Sa dambanang ito, maraming biyaya ang tinanggap ni San Paulino.

 

Si San Felix ay isang dating obispo na mahal na mahal ng mga taga-Nola.  Naging malapit din ang santong ito sa puso ni San Paulino. Itinaguyod niya ang debosyon ng mga tao para kay San Felix.  Nang lumaon, si San Paulino ay napili na maging bagong obispo ng Nola. Naglingkod siya bilang obispo na may banal na karunungan at pagiging bukas-palad.

 

Bukod sa buhay kabanalan at sakripisyo, nakilala si San Paulino sa kawanggawa sa mga mahihirap, sa pagsusulat ng magagandang tula, at sa pagigign isang mapag-kaibigang tao.  Marami siyang naisulat na liham sa kanyang mga kaibigan, tulad ni San Agustin, obispo ng Hippo.

 

Matapos ang mahabang paglilingkod bilang obispo, namatay si San Paulino noong taong 431.

 

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Hindi madali magbago ng buhay bilang isang pulitiko, asawa, at ama at pagkatapos ay maging pari, monghe at obispo. Subalit dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, naging maayos ang lahat.  Matuto din tayong ipagkatiwala sa kamay ng Diyos ang mga pagbabago sa ating buhay ngayon.  San Paulino, akayin mo kami sa mga pagkakataon ng pagbabago.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

2 Cor 8: 9

 

Alam ninyo ang kagandahang-loob ni Hesukristo na ating Panginoon; bagamat mayaman, nagpakadukha siya para sa inyo upang yumaman kayo sa kanyag karukhaan.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS