SAINTS OF JUNE: SAN JOSEMARIA ESCRIVA PARI

 

HUNYO 26

 

SAN JOSEMARIA ESCRIVA

PARI

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Mahal sa puso ng maraming mga Katoliko, lalo na ang mga layko, ang ating santo ngayon. Ang kanyang buhay ay naging instrumento upang akayin ang maraming mga tao sa landas ng pagpapakabanal na kakaiba ang konsepto: maaaring maging banal ang isang tao sa paggawa ng kanyang ordinaryong gampanin araw-araw. Iyan ang tanging pamana ni San Josemaria.

 

Si Josemaria Escriva de Balaguer ay mula sa pamilya nina Jose at Dolores Escriva ng Barbastro sa bansang Espanya. Ipinagkaloob siya ng Diyos sa pamilyang ito noong Enero 9, 1902.  Anim na magkakapatid sina Josemaria.

 

Bata pa lamang si Josemaria ay nadama na niya ang bokasyon sa pagpapari. Alam niyang dito siya nais ng Diyos na maglaan ng kanyang buong buhay. Pumasok sa seminaryo si Josemaria at tapat na hinanap na paglingkuran ang Diyos.

 

Naging isang ganap na pari siya at naglingkod muna sa isang maliit na parokya sa probinsya. Pagkatapos, nanirahan siya sa Madrid habang nag-aaral ng Law.  Dito ay kasama niya ang kanyang ina at mga kapatid. Namatay na noon ang kanyang ama at siya ang nagtataguyod ng kaniyang pamilya.

 

Dahil hindi naman sila mayaman, kailangang magbuhos ng oras si Josemaria sa pagtuturo sa kapwa mga estudyante niya upang magkaroon ng dagdag na pantustos sa mga pangangailangan. Patuloy din siyang naglingkod sa mga parokya at simbahang nangangailangan ng pari.

 

Bunga ng isang spiritual retreat, nabuo sa isip at puso ni Josemaria ang kalooban ng Diyos para sa kaniya.  Nabatid niya na ang kanyang misyon ay itatag ang Opus Dei, isang institusyon sa simbahan na nakatalagang tulungan ang mga binyagang Katoliko upang sundin ang yapak ni Kristo at lumago sa kabanalan sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

 

Sinumulan niya ang pangarap na ito at naging mabunga ang kanyang misyon. Itinuro ni San Josemaria na ang mga babae at lalaki at parehong tinatawag ng Diyos upang maglingkod sa lipunan at sa simbahan.  Ang magandang tinatahak ng Opus Dei ay nahadlangan ng magulong kabanata ng pag-uusig sa simbahang Katoliko noong panahon ng digmaang sibil sa Espanya, 1936-39.

 

Pagkatapos ng giyera, muling itinaguyod ni San Josemaria ang kanyang misyon. Nagsulat siya ng mga aklat ng pagninilay, at ang naging pinakasikat sa mga ito ay ang The Way. Itinatag din niya ang Priestly Society of the Holy Cross, kung saan ang mga kasapi ng Opus Dei na may nadaramang bokasyon ay maaaring maging mga ganap na pari.  nagkaroon ng magandang ugnayan ang mga layko at mga pari sa pananaw ng Opus Dei.  Lumaganap ito sa buong daigdig.

 

Nagtatag ang Opus Dei ng maraming institusyong pang-edukasyon, pang-kabuhayan, pang-kalusugan at iba pa, na lahat ay bukas sa sinuman kahit ano pa ang lahi, relihyon at katayuan sa buhay.  Sa ganitong paraan, maraming natulungan ang Opus Dei sa paglago ng buong pagkatao.  Malaking bahagi rin ng kaisipan ni San Josemaria ang naibahagi niya sa mga eksperto at mga obispong dumalo sa Second Vatican Council.

 

Namatay sa Roma si San Josemaria noong 1975 at itinanghal na santo matapos ang 27 taon mula sa kanyang pagpanaw.

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Sa tulong ng mga panalangin ni San Josemaria, ialay natin sa Diyos ang ating ordinaryong gawain araw-araw upang maging daan ng ating paglapit sa kanya at ng pagiging banal.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Juan 15: 14-15

 

Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang mga iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon.

 

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS