ANG KAYAMANAN NG CALABA, SAN ISIDRO, NUEVA ECIJA
NUESTRA SEÑORA DEL ROSARIO DE CALABA
Sa isang munting dako ng San
Isidro, Nueva Ecija, matatagpuan ang isang maliit ngunit buhay na buhay na
parokya kung saan may matimyas na pagmamahal ang mga tao sa kanilang
katangi-tanging Ina, Reyna at Patrona – ang Mahal ng Birhen ng Santo Rosaryo ng
Calaba.
Dati raw na ang baryo Calaba ay
kabilang sa bayan ng Gapan, at ito daw ay natatag noong 1833 ayon sa talaang
pangkasaysayan ng bayan. Sa kalaunan, ang baryo ay nalipat sa teritoryo ng
bayan ng San Isidro.
Sinasabing sa simula ang lugar na
ito ay masukal at magubat kung kaya’t kayraming sumulpot ditong malalaki,
mayayabong at matataas na puno at iba’t-ibang klaseng mga halaman. Inakala
tuloy ng marami na nakakatakot ang lugar dahil sa makapal na kagubatan nito na
halos hindi nasisikatan ng araw ang sahig ng lupa.
Tulad ng ibang mga kagubatan,
naakit mamugad ang mga kulisap na mula sa sari-saring anyo, hugis at uri. Isa
sa mga madalas makitang naninirahan sa kagubatan ng Calaba ay ang mga bubuyog
(sa Ingles ay bees) na siyang
gumagawa ng pulot (o honey). Ang mga
bubuyog na ito ay tinatawag ding pukyot o pukyutan (sa Ingles ay honeybee) kung kaya’t ang kanilang
nagagawang pulot ay tinatawag naman pulot-pukyutan.
Nagpapausok ang mga tao upang
palayasin ang mga bubuyog sa tindi ng asap at pagkatapos ay siyang aakyatin at
aanihin ang mala-gintong likido na siyang ipinagbunying pagkain at gamot sa
iba’t-ibang mga karamdaman.
Kakaiba ang uri ng pulot na dulot
ng mga insektong ito kaya inaani ng mga tao mula pa noong una ang mahalagang
handog na ito ng kalikasan para sa mga naninirahan sa lugar. Ang lugar kung
saan nangunguha ng pulot ang mga tao ay kinilalang “calaba.”
Ayon sa pangkasalukuyang kura
paroko, si Fr. Reynold Oliveros, ang pagkakamit ng tanging pangalan ng
kagubatang ito ay kaugnay ng kasaysayan ng debosyon ng mga tao sa Mahal na
Birhen ng Santo Rosaryo.
Batay sa matandang kuwento, ilang
mga tao ang pumasok sa kagubatan at sa laking gulat nila ay nakita nila sa
tuktok ng isang puno ang imahen ng Birhen. Sa paanan ng Birhen ay may isang
puting bagay na napagtanto nilang apog (lime
sa Ingles). Ibinaba nila ang magandang imahen at natuklasan nilang ang apog ay
bumabalot sa isang pulot-pukyutan.
Ang apog ay “cal” sa wikang
Kastila at ang mga tao ay napahiyaw: Cal – aba! Sa tuwing makikita ang
namumuting apog, natitiiyak ng mga taong ang pulot ay handa na upang anihin.
Ang pulot na natagpuan sa punong
kinatuntungan ng Birhen ay nagpalakas sa mga nanghinina, nagpagaling sa mga
maysakit at nagpasigla sa mga nanlulupaypay. Pinasalamatan ng mga tao ang Diyos
sa kaloob na regalong ito na nakilala nila bilang isa ring handog ng kanilang
Ina sa langit.
Ang Mahal na Birhen sa Calaba ay
tinatayang 200 taong gulang na, matapos na ito ay ipasuri ni Fr. Oliveros. Bago
ang kanyang pamamahala, ang imahen ay dinamitan upang magmukhang katulad ng
Birhen ng Rosaryo ng Manaoag o ng La Naval.
Subalit nang magpasyang tanggalin ang naturang kasuotan, tumambad ang
isang imahen na detalyado ang pagkaka-ukit at napakaganda ng anyo. Iyon nga
lamang at ilang beses na pininturahan ang imahen kayat nagpatung-patong ang
kulay at hindi na makilatis ang orihinal nitong kalagayan. Nang tanggalin ang
halos pitong patong ng mga pintura, doon nakita ang orihinal na kulay ng
imahen. Ang Birhen ay nakadamit ng rosas na may balabal na bughaw. Ang Batang
Hesus ay nakabaro naman ng puti.
Tuwing Mayo ipinagdiriwang ng
Calaba ang pista ng kanilang mahal na patron. Nagsisiuwi ang mga tao mula sa
mga lungsod kung saan sila naghahanap-buhay o nag-aaral upang sariwain ang mga
pagpapala ng Diyos sa pamayanan at ipagbunyi ang pangangalaga sa kanila ng
Mahal na Birhen.
PALAGIANG PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN NG CALABA
O Maria, Reyna ng
Kabanal-banalang Rosaryo, pinararangalan ka naming – ikaw ang Birheng aming
pintakasi. Kaisa ng iyong Anak na si Hesus, lubong kaming nagpapasalamat sa
pagkupkop mo sa amin bilang iyong mga abang anak. Kaisa mo, ituro mo sa amin
kung paanong sumampalataya nang ganap, sumunod nang may kababaang-loob at
maglingkod nang tapat kay Kristo.
O Maria, Ina ng awa, kalingain mo
kaming mga makasalanan. Alalahanin mo kaming iyong mga anak lalo na sa gitna ng
aming mga kahinaan, kalumbayan at paghihirap. Sa ‘yong maka-Inang pagkakandili,
ingatan mo kami sa kasamaan at ilahad kay Kristo ang aming mga dalangin:
(tahimik na banggitin ang natatanging kahilingan)…
O Maria, tahanan ng Diyos,
balutin mo kami ng iyong matimyas na pag-ibig. Sa iyong maalab na pagmamahal,
inihatid mo si Kristo sa mundo sa kanyang pagsilang at nanatili kang kasama niya
hanggang kamatayan. Samahan mo kami sa aming paglalakbay dito sa lupa, huwag
mong ipahintulot na kami’y makalimot tumawag sa iyo at tanglawan mo kami
pabalik sa tahanan ng Ama, sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu
Santo magpasawalang hanggan. Amen.
1 Ama Namin, 1 Aba Ginoong Maria,
1 Luwalhati
MAHAL NA BIRHEN NG SANTO ROSARIO
DE CALABA, ipanalangin mo kami.
AWIT SA MAHAL NA BIRHEN NG CALABA
MAGALAK BAWAT PAMILYA
PUSOY UMINDAK SA SAYA
SA HARAP NG REYNAT INA
PATRONG GILIW NG CALABA
1.
HAWAK KO ANG ROSARYO MO
UMAGA HANGGANG GABI
TAGUMPAY AT PANATAG KO
SA MATIMYAS MONG KANDILI
2.
ANG TANAN AY NAGBUBUNYI
SA PAGPAPALANG DUMAMPI
ANG NAYON NAMING PINILI
SA LUGOD MO NAWIWILI
3.
KAY HESUS KAMI NAY DALHIN
PUSO NAMIN PAG-ALABIN
ANG KAPWA NAMAN LINGAPIN
UPANG LANGIT AY SAPITIN
himig: Dra. Beth Lacuna/ titik: fr. rrm
himig: Dra. Beth Lacuna/ titik: fr. rrm
photos from FB page of parish and from Fr. Reynold Oliveros
(paki-share po natin ito para sa paglaganap ng debosyon sa Mahal na Birhen. salamat po.)