DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES K
"bonus" edition
REFLECTION 1
ANG MAHALAGANG REGALO
Ang hilig nating mga Pinoy sa
regalo. Pati ang mga pauwi galing sa malayong lugar ay inaasahan nating may
dalang regalo sa naghihintay sa kanila. Ang tawag natin dito ay “pasalubong” di
ba? Pero isipin ninyo at tila mali. Bakit ang dumarating ang dapat magdala ng
pasalubong e tayo naman ang sumasalubong sa kanila? Baka dapat ang tawag diyan
ay “padating”? Pero mahirap makipagbuno sa kinaugalian na! Sa Bulakan ang tawag
dito dati ay palagay ko mas angkop – “uwi” – ibig sabihin ito ang dala o uwi ng
isang taong bagong dating sa biyahe para sa naghihintay sa kanya. Parang souvenir,
ala-ala o patikim mula sa lugar na pinanggalingan.
Ngayon ang pagdiriwang ng huling
regalo sa atin ni Hesus. Hindi ito pasalubong. Hindi rin uwi. Sa halip, ito ay
isang regalo ng pamamaalam niya – isang iiwan, isang paalala, isang pamana! Ang
Espiritu Santo ang pamana ng Panginoong Ipinako at Muling Nabuhay.
Sa puso ng Diyos, nag-uumapaw ang
pagnanais niyang makaniig ang daigdig, lalo na ang mga taong kanyang nilalang
at inangking mga anak. Kaya umusbong ang dalawang misyon o pagsusugo sa kanyang
puso. Una, ang misyon ng Anak, ang ating Panginoong Hesus. Kay Hesus, nakita
natin ang Diyos na hindi nakikita. Nahawakan siya at hinawakan niya tayo. Nagsalita
siya at kinausap natin siya. Naglakad siya sa tabi natin at nalasap natin kung
paano makilakbay sa kanya. Si Hesus ang mukha ng Diyos na isang kapatid,
kaibigan, tagapag-adya, at tagapagligtas ng lahat.
Nang magtapos ang misyon ni
Hesus, isinagawa ng Ama ang ikalawang misyon – ang pagsusugo ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ay mula sa Ama sa pamamagitan ng kamatayan at Pagkabuhay ni
Hesus. Galing siya sa puso ng Ama. At galing din siya sa puso ng Anak. At kung si
Hesus ay naranasan natin sa panlabas (nakita, nahipo, narinig, nadama), ngayon ang
Espiritu ay nararanasan natin sa panloob... sa kaibuturan.
Si Hesus ang mukha ng Diyos na
nakilakbay sa atin. Ang Espiritu Santo ang presensya ng Diyos na namamalagi sa
loob natin, sa kaibuturan ng ating puso. Sobrang lapit, sobrang kaugnay,
sobrang konektado siya sa atin dahil tayo ang kanyang tirahan, ang kanyang templo, ang kanyang altar.
Hindi natin nakikita ang Ama na
nasa langit. Hindi na natin namamasdan si Hesus tulad noong nasa lupa pa siya. Kailangan
nating maghintay hanggang makarating sa langit. Subalit ang Diyos ay kapiling
pa rin natin – makapangyarihan, totoo, mapagmahal – sa pamamagitan ng Espiritu
Santo sa ating mga puso.
Sino ang maysabi na ang Diyos ay
nasa banal na lugar, o nasa banal na ritwal o nasa banal na mga aklat lamang? Saanman at anuman,
kipkip natin ang Diyos sa ating puso! Magpasalamat tayo sa Panginoon para sa
kaloob niyang Espiritu Santo.
Madalas nating malimutan pero ito ang totoo, ang Diyos, ang Espiritu Santo, ay nasa ating puso! Yoohoo!
“Tinatanggap kita O Espiritu
Santo bilang natatanging pamana sa akin ng Ama at ni Hesus. Halina at manatili
ka sa puso ko magpakaylanman.”
REFLECTION 2
ISUGO MO NA ANG ESPIRITU
NGAYON!
Sa kabila ng kapangyarihan ng
modernong agham at teknolohiya, ang mundo natin ay nahuhumaling pa rin sa mga
espiritu. Niyayakap natin ang maraming espiritu. Sinusundan natin ang mga
espiritung gumagala sa mundo ngayon.
Ngayon, nariyan ang "espiritu ng
galit at poot." Hindi ba sa mundo ngayon, ang tindi ng galit – sa pagitan ng mga
bansa, relihyon, lahi at klase ng mga tao. Maraming nabubuhay bawat araw na
puno ng poot sa nangyari sa kanilang buhay o sa inaakala nilang kagagawan ng
iba. Tayo rin, ang daling magalit para manalo sa usapan, makakuha ng atensyon,
magapi ang kalaban o magpakita ng lakas. Maaaring ngayon, galit ka sa ilang tao
at ilang pangyayari sa iyong buhay. Hindi ka makapagpatawad.
Ngayon, nariyan din ang "espiritu
ng pagkakawatak-watak." Mahirap laban sa mayaman. Konserbatibo at liberal. Banal
at makasalanan. Naghaharing uri at inaapi. Mapang-api at biktima. Kay lungkot
na maging sa ating mga pamilya, simbahan, at grupong nagtataguyod ng pagkakaisa, may
malalalim na hidwaan din na nagbubunga ng paghihirap sa maraming tao.
Ngayon, panatag tayo sa "espiritu
ng himutok at sama ng loob." Kahit may sapat na tayo, hindi pa rin tayo
kuntento. Gusto natin mas marami. Iniisip natin dapat bigyan pa tayo. Nakatingin
tayo sa iba at namamatay tayo sa inggit. Kayraming malungkot dahil ang ugat
nito ay ang sama ng loob laban sa mundo, mga tao at sa nakaraan na nagkait sa
atin ng mabuting bagay o kasaganaang akala natin ay dapat lamang sa atin.
Ngayon, sa buhay natin lutang ang "espiritu
kawalang-pakialam." Bakit ako mababahala? Ano ang pakialam ko sa diyan o sa
inyo? May pamilya ako at buhay na inaasikaso. Nasasalubong natin ang mga tao
araw-araw na hindi natin mabatuhan ng ngiti, pagbati, pakikiugnay. Masaya na
tayo sa munti nating mundo kung saan tahimik na tayo. Mas mabuti na ang walang
pakialam kaysa sa nakikialam. Mas ligtas tayo dito di ba?
Ngayong Pentekostes, sugo sa atin
ni Hesus ang "Espiritu ng pag-ibig" upang tapatan ang ating poot. Ang Espiritu
Santo ay mula sa puso ng Ama at sa puso ni Hesus kaya siya ay pag-ibig. Kung tatanggapin
natin siya, ituturo niya sa ating mas mabuti kaysa sa sama ng loob ang mabuhay
sa pang-unawa, pagtanggap, pagpapatawad at pakikipag-diyalogo sa kapwa. Kung ang
puso ay puno ng pag-ibig, kasunod nito ay kapayapaan.
Ngayong Pentekostes, padala ni
Hesus ang "Espiritu ng pagkakaisa at ugnayan" upang lupigin ang pagkakawatak-watak. Ang Espiritu Santo ang namamagitan
sa Ama at Anak bilang tanikala ng kanilang pakikipagkaisa at pagbubuklod. Kung tatanggapin
natin siya, tuturuan niya tayong mas pahalagahan, hindi ang mga naghihiwalay sa
atin, kundi ang nagiging landas ng pagkakatulad natin sa isa’t isa. Maghihilom ang
mga sugat ng mundo kung haharapin natin ang mga suliranin nito na sama-sama,
bilang magkakapatid.
Ngayong Pentekostes, inuunat ng Diyos ang bawat puso sa
"Espiritu ng pasasalamat" upang wasakin ang espiritu ng sama ng loob. Ano kaya kung paggising sa umaga at sa
buong maghapon, mas pagtuunan ng pansin ang mga bagay na dapat nating
ipagpasalamat maging maliit na bagay o mga simpleng tao sa ating paligid? Sa halip
na isumpa ang mga bagay na wala sa atin, bakit hindi hayaan na sa tulong ng
Espiritu Santo, magkalat tayo sa mundo ng diwa ng galak, papuri, kabutihan at
pasasalamat?
Ngayong Pentekostes, dumarating ang Espiritu Santo bilang "Espiritu
ng pagtatalaga" ng sarili laban sa kawalang pakialam natin sa kapwa at sa daigdig. Sinasabi sa atin ng Espiritu Santo na hindi tayo nabubuhay para sa
sarili lamang kundi para sa iba at kasama ng iba. Kung hahayaan natin siya,
madarama natin ang sakit at dusa ng kapwa, at magiging abala tayo upang hilumin
ang mga sugat sa paligid natin. Sa gayong paraan, magiging kamay tayo ng Diyos,
at kasangkapan at templo ng Espiritu.
Mas gusto mo bang manatili sa mga
espiritu ng mundo? O handa ka bang salubungin na ang Espiritu Santo na sugo ng
Ama sa pamamagitan ni Kristo?
Halina, Espiritu Santo,
kinakailangan kita!
(ugaliing i-share sa iba ang post na ito)
(ugaliing i-share sa iba ang post na ito)