DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO - K



HALINA, UPANG MABUHAY!





May nagaganap sa mga kapatid natin sa mga evangelical churches.



Dati, panay praise and worship lang sila… at magagaling na preaching.



Pero ngayon marami sa kanila ang nakatagpo ng isang tradisyon na pamilyar sa ating mga Katoliko.



Meron na silang Communion Service, minsan hindi regular, pero sa iba ay lingguhan na. I check mo sa internet para maniwala ka.



Bakit kaya? Siguro para sa iba, pang-PR, pang-akit ng marami pa.



Mas maraming magaganyak kung bukod sa praise and worship meron ding tradisyunal na ritwal.



Sa iba naman, tila bunsod ito ng lumalagong pananampalataya.



Nadama nilang may pagkauhaw, hindi sa pastor na magaling mag-preach, kundi sa mismong dapat nasa gitna ng bawat worship – ang ating Panginoong Hesukristo!



Naunawaan nilang si Hesus ay nasa kanyang Salita, tama, pero naroon din siya sa isa pang paraan, sa kanyang Sakramento – sa kanyang Katawan at Dugo.



Gusto na kasi ng tao ngayon pag nag-worship, merong konting katahimikan, paggalang, presensya, pakikiniig (ito ang kahulugan ng communion e) sa misteryo ng Diyos…



Hindi ba ang ganda ng natutuklasang ito ng mga kapatid nating Protestante?



Nakakalungkot lang… kung ano ang nadidiskubre nila, iyon naman ang ibinabasura nating mga Katoliko.



Ilan sa mga Katoliko ang mas gustong maupo sa bahay pag Linggo para sa computer games at movie marathon?



Ilan ang mas trip mag-malling o mag-biyahero trip?

Ilan din ang iniiwan ang Misa para makinig lang sa preaching ng iba... (although hindi nakakagulat kung tuyot at patay ang sermon ng pari sa parokya nila!!!)



At sa gitna ng mga ito, ni hindi sumasagi sa isip ang sentro ng kanilang pananampalataya!



Hindi nami-miss ang Salita ng Diyos.



Hindi nami-miss ang Katawan ni Kristo.



Ispesyal nga ang Linggo, pero hindi para sa Panginoon, kundi pampamilya, pang barkada at pansarili lamang.



Alam nyo ba ang kuwento ng mga unang Kristiyano sa Abitene (ngayon nasa Tunisia) noong taong 303?



Ipinagbawal ng lider Romano na magbasa ng Bible at magdiwang ng Misa kapag Linggo pero patuloy nila itong ginawa nang palihim.



Nang mahuli sila, ipinapasuko sa kanila ang kanilang Bible pero ang sabi nila wala silang dalang Bible kasi nakatago na ang Salita ng Diyos sa kanilang mga puso.



Nang sinabihan silang tigilan ang Lingguhang pagtitipon para sa Eukaristiya o Misa, sinabi ng isa sa kanila, si Emerito: “Kung wala ang Linggo, hindi kami mabubuhay!”



Sa mga pananalitang ito, pinarangalan nila ang Lingguhang Eukaristiya o Misa at inialay nila ang sarili hanggang kamatayan.



Ngayon ay kapistahan ng Katawan at Duso ni Kristo sa Eukaristiya, na sinasariwa natin tuwina, at lalo pa tuwing Linggo.



Inilalarawan ng mabuting balita ni San Juan kung gaano kasabik at mapagmahal na ninanais ni Hesus na alagaan tayo sa pagpapakain sa atin ng tinapay na nagmumula sa kanya.



Sa bandang huli, malalaman natin sa Huling Hapunan, na ang pagkaing ito ay ang kanyang Katawan at Dugo, na ibinubo para sa kaligtasan sa kasalanan at kamatayan.



Ilang sa atin ang makapagsasabi ngayon:



 “Kung hindi ako makapakikinig ng Salita ng Diyos na ipinahayag at ipinaliwanag ng aming pari, hindi ako mabubuhay!”



 “Kung hindi ako makakatanggap ng Komunyon tuwing Linggo, hindi ako mabubuhay!”



Hindi naman kailangang ma-drama.



Pero di ba dama din natin na parang may kulang kapag hindi tayo naki-konek sa Panginoon sa pagdiriwang ng kanyang Salita at pagtanggap ng kanyang Katawan?



May pagkagutom ang puso na Diyos lang ang makapagbubusog.



May pagkauhaw ng kaluluwa na ang Panginoong lang ang makapapawi.



Naghihintay si Hesus na yakapin ka, tanggapin ka, basbasan ka, pakainin ka… sa sakramento ng kanyang Katawan at Dugo.



Lumapit ka, at mabuhay ngayon at kailanman!

(paki-share po para makatulong tayo sa kapwa. salamat)


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS