SAINTS OF JULY: SANTA MARIA GORETTI, DALAGA AT MARTIR
HULYO 6
A. KUWENTO NG BUHAY
Sa panahon natin ngayon ay laganap maging sa mga kabataan ang paghahanap ng saya at layaw ng katawan. Maraming mga Kristiyano ang may maling pananaw sa sekswalidad at nagiging pabaya sa pamumuhay nang may kalinisan at kadalisayan ng puso at isipan.
Magandang paalala at paanyaya sa atin ang buhay ng batang santa na si Santa Maria Goretti. Nawa ang kanyang halimbawa at panalangin ay magdala sa atin sa tunay na pagbabago ng pananaw tungkol sa ating sarili at sa kaugnayan ng ating pagkatao sa Diyos.
Isinilang sa isang mahirap na pamilya sa Corinaldi sa Italy si Santa Maria Teresa Goretti. Taong 1890 nang ipagkaloob siya bilang panganay na anak sa mag-asawang napakasimple ang buhay.
Si Maria, tulad ng kanyan mga magulang, ay hindi nakapag-aral. Subalit napakabait niya sa kanyang apat na mga kapatid. Lagi niyang inaalagaan ang mga ito kung ang mga magulang nila ay nasa bukid para magtrabaho. Pati ang mga bata sa kapitbahay ay inaaruga niya kung wala ang mga magulang ng mga ito.
Maagang namatay ang ama ni Maria kaya’t malaking tulong ang kanyang kasipagan at kabaitan sa kanyang ina. Masipag siyang tumulong sa mga gawaing bahay. Nakilala din siya bilang isang madasalin at maka-Diyos na bata.
Isang binatang dating ka-trabaho ng kanyang ama ang nagkaroon ng interes sa batang babae. Ilang beses na pinilit ni Alexander Serenelli na akitin si Maria na makipag-relasyon sa kanya.
Nang minsang nag-iisa sa bahay si Maria, muling dumating si Alexander upang tuparin ang kanyang masamang intensyon. Subalit lalong naging madiin ang pagtanggi ng santa sa paghimok ng binata.
Nagbanta ang binata na papatayin si Maria. Minabuti pa ni Maria ang mamatay kaysa isakripisyo ang kanyang kalinisan. Labing-apat na beses na sinaksak ni Alexander ang munting katawan ni Maria, na naging sanhi ng kamatayan nito noong 1902.
Nang nasa ospital si Santa Maria, bago siya mamatay, ipinahayag niya ang kanyang pagpapatawad sa gumawa ng masama sa kanya. Nagpakita ng malalim na pananampalataya at pang-unawa sa kapwa ang batang babae dahil sa kanyang pagmamahal kay Hesus at sa Mahal na Birheng Maria.
Nakulong ang binata dahil sa salang pagpatay. Doon ay nagsimula ang kanyang pagbabagong-buhay. Nakita niya sa panaginip si Santa Maria na dumalaw sa kanya at may handog na isang kumpol ng bulaklak.
Nang tanghalin bilang santa si Santa Maria Goretti, magkasamang dumalo sa pagdiriwang ang kanyang ina at ang lalaki na pumatay sa kanya. Patuloy ang naging pagbabago ni Alexander na namatay bilang isang Third Order Franciscan noong 1970.
B. HAMON SA BUHAY
Pinahahalagahan mo ba ang kalinisan ng puso at isip bilang paghahandog ng sarili sa Diyos? Nilalabanan mo ba ang tukso ng daigdig upang maging kaaya-aya ang buhay mo sa Panginoon?
K. KATAGA NG BUHAY
1 Cor 6: 13k
Pero ang katawa’y hindi para sa kahalayan kundi para sa Panginoon; at para sa katawan ang Panginoon.
Comments