SAINTS OF JULY: SAN ANTONIO MARIA ZACCARIA PARI

 

HULYO 5

SAN ANTONIO MARIA ZACCARIA

PARI

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Ang sanggol na binigyan ng pangalang Antonio ay isinilang noong 1502 sa Cremona sa rehiyon ng Lombardy sa Italy. Nag-iisa siyang anak ng kanyang mga magulang.

 

Ang ina ni Antonio ay naging masipag at matapat na tagapagturo sa kanya ng mga bagay tungkol sa pananampalatayang Kristiyano. Nang mamatay ang ama ni Antonio, inilaan ng kanyang ina ang kanyang buhay sa pag-aaruga sa kanyang minamahal na anak.

 

Bata pa lamang si Antonio, naging mulat na siya sa misyon na tatahakin ng kanyang buhay.  Nangako siya ng kalinisan ng buong sarili para sa Diyos upang ilaan ang buong pagkatao niya sa luwalhati ng Diyos. Tinanggihan na din niya ang anumang pamana na mapupunta sa kanya mula sa kanyang mga magulang.

 

Nag-aral siya ng medisina sa lungsod ng Padua. Nang makatapos ng pag-aaral, bumalik siya sa Cremona na may balak magsimula ng isang maunlad na propesyon bilang isang doktor doon.

 

Sa paggabay ng mga paring nakilala niya, nahikayat siya na maging isang pari.  Naging ganap na pari si San Antonio at nagpatuloy sa paghahangad ng higit na kabanalan at paglilingkod. Iniwan niyang tuluyan ang kanyang unang propesyon bilang isang doktor.

 

Naging tagapagtatag siya ng isang grupong relihyoso na tinatawag ngayong Order of Clerics Regular of St. Paul.  Tinatawag din itong Barnabites dahil ang unang sentro ng grupo ay nasa simbahan ni San Bernabe. 

 

Layunin ng grupong ito na makatulong upang mabigay ng maayos na paghubog ang pamumuhay ng mga pari at ng mga layko sa simbahan.  Dito sa Pilipinas, may seminaryo ang mga Barnabites at umaani ng tagumpay ang bokasyon para sa kanilang natatanging karisma o misyon.

 

Maagang namatay si San Antonio, sa taong 37 lamang.  Namatay siya noong 1539.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Tinalikuran ni San Antonio Maria Zaccaria ang kanyang unang propesyon upang sundin ang nais ng Diyos para sa kanyang buhay. Mayroon din bang ganitong kaganapan sa iyong sariling karanasan?

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Mk. 10: 21

 

Kaya tinitigan siya ni Hesus at minahal siya, at sinabi: Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang laht ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.

 

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS