SAINTS OF JULY: SAN ENRICO, BANAL NA LALAKI
HULYO 13
SAN ENRICO, BANAL NA LALAKI
A. KUWENTO NG BUHAY
Bihira ngayon ang mga namumuno sa mga bansa na hinahangaan sa kanilang kabanalang ng buhay. Si San Enrico ay isang magaling na lider ng kaniyang kaharian subalit lalo siyang matapat na lingkod ng Kaharian ng Diyos.
Isinilang si Enrico II sa Bavaria (nasa bansang Germany) noong taong 973. Naging Duke ng Bavaria siya nang mamatay ang kanyang ama. Hindi nagtagal, naatasan siya bilang emperador.
Nagpakita ng galing sa pamamahala ng kaharian si San Enrico. Magaling din siyang lider militar. Puno ng karunungan ang kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang bayan at sa ibang mga bansa.
Subalit lalong kilala si San Enrico bilang isang Kristiyano. Itinaguyod niya ang reporma ng simbahan at sinuportahan din niya ang paglago ng gawaing misyonero sa iba’t-ibang lugar.
Napangasawa ni San Enrico si Reyna Kunegunda ng Luxemburg na tinanghal din sa kabutihan at kabanalan. Sa pagkamatay ng emperador, si Reyna Kunegunda ay pumasok sa monastery upang maging isang monghang Benedictine. Walang naging anak ang mag-asawa.
May isang alamat na nagsasabing may kasunduan ang mag-asawa na mananatiling malinis sa puso at isip at mananatiling kapwa birhen sa kanilang buong buhay. Ito ay upang lalo nilang mapaglingkuran ang kadakilaan ng Diyos.
Ang pamilya ni San Enrico, tulad niya ay malapit sa Diyos at naglingkod sa simbahan. Ang kapatid niyang si Bruno ay naging obispo ng Augsburg. Ang kapatid na si Gisella ay naging kabiyak ng puso ni San Esteban ng Hungary. At ang kapatid niyang si Brigida ay naging pinuno ng mga mongha sa monasteryo sa Regensburg. Isang pamilyang banal ang lahi ni San Enrico.
Nag-aral si San Enrico sa monasteryo at doon naipunla ang kanyang edukasyong Kristiyano. Lumago ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa simbahan. Masipag siyang tumulong upang maitayo ang mga monasteryo, mga katedral, at mga simbahan. Naniwala siya na ang mga monasteryo ay mahahalagang lugar kung saan ang mga tao ay matututo ng paglago ng isip at puso.
Namatay si San Enrico nang taong 1024.
B. HAMON SA BUHAY
Alalahanin natin ang mga lider ng ating bayan at ipagdasal na mapuspos sila ng Espiritu Santo upang maging magigiting na lingkod ng Diyos at ng mga tao.
K. KATAGA NG BUHAY
Mik 6: 8
Tao, nasabi na sa iyo kung ano ang mabuti at kung ano ang gusto ni Yawe: maging makatarungan, maawain, at pakumbabang lumakad kasama ng iyong Diyos.
(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
Comments