SAINTS OF JULY: SANTA ISABEL NA TAGA-PORTUGAL BANAL NA BABAENG NAGKAWANGGAWA
HULYO 4
SANTA ISABEL NA TAGA-PORTUGAL
BANAL NA BABAENG NAGKAWANGGAWA
A. KUWENTO NG BUHAY
Isang biyaya ng Diyos sa marangal na pamilya ni Haring Pedro III ng Aragon, si Santa Isabel. Isinilang siya noong 1271 sa Saragossa sa Espanya. Isinunod ang kanyang pangalan sa kanyang kamag-anak na si Santa Isabel ng Hungary. Ang kanyang tadhana ay magaganap sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin sa ibang kaharian.
Maagang ipinangako na maikasal si Isabel sa Hari ng Portugal na si Haring Dionisio. Nang maganap ang kasal, naging mabuti siyang reyna at maybahay ng hari. Nagkaroon sila ng dalawang anak, si Constancia na magiging reyna ng Castile at si Alfonso na magiging tagapagmana ng trono ng Portugal.
Matapang na hinarap ni Santa Isabel ang anumang pagsubok at kaguluhang bumabalot sa buhay ng isang babaeng may sensitibong gampanin sa kaharian. Ang kanyang asawa ay hindi tapat sa kanilang pagmamahalan. Subalit tinulungan at inaruga pa ni Santa Isabel ang mga anak sa labas ng kanyang asawa. Naging panatag ang kanyang loob sa pamamagitan ng mga panalangin at mga gawaing pang-kawanggawa.
Matapos ang kamatayan ng hari, ipinamigay ni Isabel ang kanyang mga ari-arian sa mga mahihirap. Hiningi niyang mapabilang sa Third Order Franciscans, isang grupo ng mga layko na sumusunod sa espirituwalidad ni San Francisco ng Assisi kahit hindi sila nagiging ganap na pari o madre. Karaniwan ay patuloy silang nakatira sa kanilang sariling tahanan. Doon nila ginagampanan ang kanilang misyon bilang Franciscano.
Bilang isang miyembro, sinasabi na minabuti ni Santa Isabel na noong bandang huli, ay manirahan malapit sa isang kumbento ng mga mongha ni Santa Clara ng Assisi. Doon ay namuhay siya tulad ng isang mongha.
Buong buhay niya ay naging tapat siya sa mga pagkakataon ng panalangin. Ang kanyang pagtulong sa mga mahihirap ay nakita sa kanyang pagtatayo ng isang ospital, isang tahanan para sa mga babaeng naliligaw ng landas, at ampunan para sa mga sanggol. Nagtayo din siya ng isang monasteryo para sa mga mongha ni Santa Clara.
Nagkaroon ng isang malaking alitan ang kanyang anak at ang kanyang manugang na lalaki. Sinikap ni Santa Isabel na mamagitan upang matapos ang away na ito at magkaroon ng kapayapaan. Sa wakas, namayani ang pagkakasundo.
Namatay si Santa Isabel noong taong 1336 at inilibing sa monasteryo.
B. HAMON SA BUHAY
Maraming tao ang hindi masaya sa kanilang pamilya dahil sa kataksilan ng asawa, sa katigasan ng puso ng anak, sa pagmamalupit ng magulang, o sa pakikialam ng mga kamag-anak. Naranasan ito ni Santa Isabel at panalangin ang kanyang naging lakas at takbuhan. Ipanalangin natin ngayon sa Panginoon ang anumang kaganapan sa ating mga pamilya.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 13: 35
Sa ganito makikilala ng lahat na mga alagad ko kayo. Kung may pagmamahal kayo sa isa’t-isa.
(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
Comments