SAINTS OF JULY: SAN BENITO, ABAD

 

HULYO 11 

SAN BENITO, ABAD


 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Napakalaking impluwensya ng taong ito sa kasaysayan ng simbahan at gayundin ng buong Europa.  Tinatawag siyang Ama ng monastisimo sa Kanlurang bahagi ng daigdig.  Ang mga monasteryong taglay ang kanyang pangalan at sumusunod sa kanyang diwa ay matatagpuan ngayon sa halos karamihan ng mga bansa sa buong daigdig.

 

Nagmul sa Nursia sa rehiyon ng Umbria sa Italy si San Benito. Isinilang siya noong taong 480.  Nag-aral siya sa Roma at nang matapos ang pag-aaral, halos 20 taong gulang pa lamang, nilisan niya ang daigdig upang mamuhay na nakatalagang lubusan para sa Diyos, sa pamamagitan ng panalangin at sakripisyo.

 

Una siyang nanirahan sa lugar na kung tawagin ay Subiaco bilang isang ermitanyo. Marami ang naakit sa kanyang pamumuhay at sumunod doon upang maranasan ang kanyang gawaing sinimulan.

 

Napilitan siyang umalis sa Subiaco dahil sa inggit ng isang pari doon at lumipat siya sa Monte Cassino.  Nagtayo siya dito ng isang monasteryo kung saan namumuhay na magkakasama ang mga monghe.  Tanyag na tanyag sa buong mundo ang monasteryong ito ni San Benito.

 

Sumulat ng isang aklat ng mga alituntunin ng buhay sa monasteryo si San Benito. Tinatawag ito ngayon na Rule of St. Benedict. Unti-unting ginamit din ito ng iba pang mga monasteryo bilang panuntunan ng kanilang buhay.  Dahil sa kasikatan ng aklat na ito sa buong Europa, itinuring si San Benito na Ama ng monastisismo.

 

Mahalaga kay San Benito ang dalawang gawain ng mga monghe: Ora et Labora. Ibig sabihin nito ay Panalangin at Paggawa. Ito ang balanse ng buhay sa loob ng monasteryo.

 

Ang espiritwalidad ni San Benito ay nakatuon kay Kristo. Kailangang maisabuhay ng isang monghe ang personal na pagmamahal na nadarama niya para sa Panginoon. Ang mga monghe ay laging nagtuturo sa mga tao na gawing sentro ng kanilang pagdedebosyon ang isang buhay na ugnayan sa Panginoon.

 

Namatay noong taong 547 si San Benito at nakalibing siya sa monasteryo ng Monte Cassino. Katabi ng kanyang libingan ang libingan naman ng kanyang kakambal na kapatid na si Santa Escolastica, na isang mongha.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Ora et labora: panalangin at paggawa. Hindi lamang ito susi ng buhay ng mga monghe. Ito rin ay maaaring maging sikreto ng ating pagkakamit ng isang balanseng buhay Kristiyano. Laging magdasal. At laging ialay sa Diyos anumang ating gawain araw-araw.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Prov 3:1

 

Anak ko, huwag mong lilimutin ang aking turo; isapuso ang aking mga kautusan pagkat mahahabang araw at mga taon ng buhay at ginhawa ang hatid sa iyo ng mga ito.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS