IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MGA ARAL SA PANALANGIN
LK 11: 1-13
Isang tao ang nagsulat sa diyaryo tungkol sa pagka-dismaya niya sa nakaraang halalan. Nabanggit din niya ang kanyang kalungkutan sa palakad ng gobyerno. Noong bata daw siya, tinuruan siyang tanging mabuti lamang ang gusto ng Diyos para sa mga tao. Subalit tila ang mga pangyayari ay nagpapakitang taliwas ito sa sinasabing hangarin ng Diyos. Sa dulo ng sulat, sinabi niya na suko na siya, hindi na siya naniniwala sa Diyos.
Ang panalangin ang ating komunikasyon sa Diyos, totoo iyon. Subalit ang panalangin ay hindi lamang pagkakataong humingi ng ating pangangailangan o ninanais, na sa ating tingin ay tunay na mabuti at makatutulong sa atin. Higit doon, ang panalangin ay kailangang may kaugnay na relasyon sa Panginoon – tiwala, pag-asa, pagmamahal sa Diyos na tiyak na nakikinig sa bawat hikbi ng ating puso.
Ibinabahagi ng Panginoong Hesus ang mahahalagang aral tungkol sa panalangin sa mabuting balita ngayon na may tatlong bahagi. Unang aral, ang dinadasalan natin ay hindi manlilikha, pinuno, guro o hari. Siya ay Ama natin – Ama ni Hesus na ngayo’y ating Ama din. Ang Amang hindi nang-iiwan, laging nagpapatawad, at nag-aakay sa landas ng katuwiran. Bilang ating Ama, lumalapit tayong may ganap na tiwala, tulad ng batang mahigpit ang taban sa kamay ng tatay niya.
Ikalawang aral, kailangang magpunyagi sa panalangin. Minsan nagtatanong tayo kung bakit kailangan pang magdasal e alam naman ng Diyos lahat ng kailangan natin di ba? Gusto kasi ng Diyos na sa atin magmula ito. At kailangan din nating linawin sa sarili natin kung ano ang talagang ninanais natin. Mahalagang tumawag sa Panginoon. At sabi ni Hesus, hindi sobrang abala ang Ama na wala siyang panahong makinig at pumansin sa pusong nagdarasal.
Ikatlong aral, tinutugon ng Ama ang ating mga panalangin. Tatanggap ka, makakatagpo ka, mabubuksan para sa iyo, oo! Subalit ang unang kaloob niya ay ang Espiritu. Sa tulong ng Espiritu Santo mauunawaan nating minsan, tumutugon ang Diyos sa paraang hindi natin inaasahan. Hiling natin ang mabuti, pero may nakalaan pa lang higit na mabuti. Minsan hindi ang inaasam natin ang ibinibigay kundi ang kailangan natin para maging matatag, matapang, matiyaga at mabuting tao tayo.
Lakas loob at palagi tayong manalangin at magtiwala sa Amang nagdudulot ng higit na mabuti!
Comments