SAINTS OF JULY: SANTA KATERI TEKAKWITHA, DALAGA (USA)
HULYO 14
SANTA KATERI TEKAKWITHA
DALAGA (USA)
A. KUWENTO NG BUHAY
Mas bantog ang mga American Indians sa mga pelikula at libro tungkol sa kanilang katapangan at pakikidigma. Sino ba ang hindi nag-eenjoy sa mga kuwento ng labanan ng mga Indians at mga Amerikanong cowboys kung saan halos palaging talunan ang mga Indians dahil sa kakulangan sa mga modernong armas.
Pero isang ipinagmamalaki ng lahi ng mga American Indians ay ang kanilang kontribusyon sa larangan ng kabanalan at tunay na buhay-Kristiyano. Ito ay masasalamin sa kasaysayan ng isang dalaga na siyang bukal ng pag-asa sa pananampalataya ng mga American Indians at isang tunay na handog para sa buong simbahan.
Isinilang sa New York sa United States of America noong 1656 si Kateri. Ang kanyang mga magulang ay nasa mataas na antas ng lipunan sa tribo ng mga Indians. Ang kanyang ama ay isang pinuno ng tribong kung tawagin ay Mohawk. Bagamat hindi siya Kristiyano, naging mabuting ama siya para kay Kateri.
Ang ina ni Kateri ay isang Kristiyanong mula sa tribong Indian na tinatawag na Algonquin. Tulad ng lahat ng mga ina na mabubuting Kristiyano, tiyak na sa kanya nagmula ang punla ng matatag na pananampalataya na namulaklak sa buhay ng batang si Kateri. Nakatitiyak tayong ito ang pinakamahalagang pamana ng ina sa kanyang maganda at matalinong anak na babae.
Nang labing-apat na taong gulang si Kateri ay naging ulilang lubos siya dahilan sa pagkamatay ng kanyang mga magulang. Tila napakabata pa niya upang harapin nang mag-isa ang mundo. Napakamura pa ng kanyang isip at puso upang mawalay sa kanyang sandigan at lakas, ang kanyang mga magulang.
Noong 1676, nagpasiya si Kateri na yakapin ang pananampalatayang Kristiyano na dala ng mga misyonero. Kahanga-hanga ang pagiging seryoso niya sa kanyang pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa Diyos bilang isang Katoliko. Namulaklak ang kabutihan at kabanalan sa kanyang murang-murang puso at isip. Matatag niyang inilaan ang buong sarili para sa Diyos. Dito niya natagpuan ang malalim na kahulugan ng buhay at ang bagong misyon na nais niyang tahakin.
Sinasabi na inilaan ni Kateri ang nalalabing panahon ng kanyang buhay sa walang tigil na panalangin. Naging masidhi ang kanyang pagnanasa na mag-alay ng sakripisyo sa Diyos sa pamamagitan ng iba’t-ibang penitensya. Nadama din ng ibang tao ang kanyang kabutihan dahil naging masipag na tagapag-lingkod ng mga maysakit at mga matatanda itong si Kateri.
Sa gulang na dalawampu’t-apat, binawian ng buhay si Kateri. Bagamat maigsi lamang ang buhay na inilagi niya sa mundo, nanatili ang kanyang ala-ala sa mga taong nakakilala sa kanya at nakasaksi ng kanyang paglago sa kabanalan.
Kinilala ng simbahan ang kanyang katang-tanging kabanalan at kadalisayan ng puso nang itanghal siya bilang santa at huwaran ng mga kabataan hindi lamang para sa America o para sa mga Indians, kundi para sa buong daigdig.
B. HAMON SA BUHAY
Totoo nga na uhaw ang puso ng mga kabataan sa pag-ibig ng Diyos. Maging masigasig tayo sa pagtuturo ng landas ni Kristo sa mga kabataan ngayon.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 10:42
Isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.
(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
Comments