SAINTS OF JULY: SAN AGUSTIN ZHAO, PARI AT MARTIR AT MGA KASAMA, MGA MARTIR

 

HULYO 9

SAN AGUSTIN ZHAO, PARI AT MARTIR

AT MGA KASAMA, MGA MARTIR

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Mula pa noong unang panahon ay malaking pagsubok na ang hinaharap ng mga Kristiyano sa bansang China.  Ilang beses na naitanim ang pananampalataya sa iba’t-ibang dako ng napakalaking bansang ito.  At ilang beses din na nakipaglaban ang mga Kristiyano para maging malaya silang sumamba at sumunod sa Panginoon.

 

Hanggang ngayon, maraming balakid sa malayang pagpapahayag ng relihiyon para sa mga Kristiyano ng China, maging Katoliko o Protestante man.  Gayundin ang karanasan ng ilang mga lokal na relihiyon ng bansa. Patuloy nating ipagdasal ang ating mga kapatid sa bansang China.

 

Dumating sa China ang Kristiyanismo mula sa Syria bandang taong 600. Ang paglago ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ay depende kung may magandang relasyon ang China sa ibang mga bansa ng daigdig.

 

Kapag maayos ang relasyon, malaya ding nakakasamba ang mga Kristiyano. Kapag naging maalon ang ugnayan, biglang napipilitang magtago at sumamba nang palihim ang mga mananampalataya.

 

Ang mga martir sa araw na ito ay bahagi ng isangdaan at dalawampung mga martir na namatay sa pagitan ng taong 1648 at 1930. Karamihan (87) sa kanila ay ipinanganak sa China.

 

Kabilang dito ang mga martir na mga bata, mga magulang, mga katekista o mga manggagawa.  Mula siyam na taong gulang hanggang pitumpu’t-dalawang taong gulang ang mga santong nabanggit.  Kasama sa grupong ito ang apat na paring Chinese na bahagi ng isang diocese.  Ang mga martir na Chinese ay pinagbintangang nakikipagsabwatan sa mga kalaban ng China na mga Kristiyanong bansa.

 

Kasama rin sa grupo ng mga martir ng China ang tatlumpu’t-tatlong mga dayuhan. Karamihan sa kanila ay mga misyonerong pari at mga madre. Nagmula ang mga ito sa Dominicans, Paris Foreign Mission Society, mga Heswita, mga pari ni Don Bosco, mga Franciscans at mga madre mula sa Franciscan Missionaries of Mary.  Naging sanhi ng kanilang kamatayan ang maituring na mga “Westerners” at dahil doon ay “anti-Chinese.”

 

Si San Agustin ay isang dating sundalo na naging kasama ni Bishop John Gabriel Taurin Dufresse, na isang misyonerong French, nang ito ay maging martir sa Beijing. Naakit sa pananampalataya si Agustin at nagpabinyag. Hindi tumagal at naging isa siyang paring diyosesano.  Naging martir din siya noong 1815.

 

Hindi sabay-sabay ang naging beatification process ng mga santong ito, subalit pinagsama sa isang selebrasyon ang kanilang canonization noong Oktubre 1, 2000.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Nangangailangan ng panalangin ang mga kapatid nating Kristiyano na hindi malaya sa pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. Lagi nating alalahanin sila at ipagdasal. Pahalagahan din natin at pasalamatan ang kalayaang tinatamasa natin ngayon sa pagiging Kristiyano sa ating bansa.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

 

MT 10: 39

 

Ang nakakatagpo ng buhay niya ang mawawalan nito at ang nawawalan ng buhay niya alang-alang sa akin ang makakatagpo nito.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS