SAINTS OF JULY: KAPISTAHAN NI APOSTOL SANTIAGO

 

HULYO 25

 

KAPISTAHAN NI APOSTOL SANTIAGO *

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Maraming mga Kristiyano, lalo na ang mga Katoliko, ay gumagawa ng tinatawag na pilgrimage o paglalakbay sa mga banal na lugar upang magdasal at magnilay tungkol sa kanilang kaugnayan sa Panginoon.  Ang mga pangunahing pilgrimage sites ay ang Holy Land sa Israel, ang lungsod ng Rome sa Italy at ang Santiago de Compostela sa Spain.

 

Maganda ng kaugalian sa Santiago de Compostela dahil karaniwang naglalakad mula sa malalayong lugar ang mga pilgrims para lamang makarating sa destinasyon. Ang paglalakad ay inaabot ng ilang linggo depende sa bilis ng paglalakbay at lakas ng katawan ng isang tao. Pagdating sa Compostela, isang katibayan (dokumento at kabibe) ang ibinibigay sa sinumang naka-kumpleto ng matagumpay na paglalakad.

 

Ano ang pakay ng mga pilgrims sa Compostela?  Ito ay ang sinasabing pinaglalagakan ng mga labi o relics ni Apostol Santiago, ang itinuturing na apostol na nagpahayag ng Mabuting Balita sa bansang Spain.  May isang magandang bagong pelikula tungkol sa mga karanasan ng mga pilgrims sa Compostela. Pinamagatan itong “The Way” at isa sa gumanap dito ay ang sikat na Amerikanong Katolikong aktor na si Martin Sheen.

 

Si Apostol Santiago ay kapatid ni Apostol San Juan, at silang dalawa ay mga anak ng amang si Zebedeo at ng ina na si Salome (Mk 15:40; Mt. 27:59). Nagmula sila sa Betsaida.

 

Sa Ingles, karaniwang tawag sa kanya ay James “the Greater” o sa ating wika, Santiago “na Malaki.” May isa pa kasing Santiago na apostol din subalit nauna ang Santiago na ating ipinagdiriwang ngayon sa pagtugon sa tawag ng Panginoon na maging alagad. Kaya si siya ang “Malaki” (the Greater) at ang isa pang Santiago ang “Maliit” (the Less). Walang kinalaman ito sa kahalagahan nila sa mata ng Diyos o sa laki ng kanilang kontribusyon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Pantay ang kanilang karangalan bilang mga apostol ni Kristo.

 

Sa Mabuting Balita kasama ang Santiago na ito sa tatlong higit na pinagkatiwalaan na makapiling ni Jesus sa mga mahahalagang oras ng kanyang paglilingkod. Si Pedro, Santiago at Juan ay ang palaging mga kasama ng Panginoon sa kanyang mga himala, halimbawa, sa pagpapagaling sa biyenang babae ni San Pedro (Mt. 1: 29-31). Naroon din siya noong binuhay ni Jesus ang anak na babae ni Jairo (Mk. 5: 37-43).

 

Nasaksihan din niya ang pagbabagong anyo ng Panginoon sa bundok (Mk 9: 2-8). Pati ang pananalangin ni Jesus sa halamanan ng Getsemani ay nakita ng kanyang mga mata (Mt 26: 37).

 

Ipinapatay si Santiago Apostol ni Haring Herodes Agrippa I noong taong 42 o 44 (Gawa 12: 2-3). Siya ang unang apostol na nagbuwis ng buhay para sa Panginoong Jesus.

 

Ayon sa tradisyon ng mga Kristiyano, pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Jesukristo, dinala ni Santiago ang Mabuting Balita sa Samaria, Judea at hanggang sa bansang Spain. Kaya may tanging debosyon ang mga Espanyol sa kanya. Sinasabi din na ang mga relics o labi niya ay nasa basilica sa Compostela ngayon, dahil inilipat ito doon mula sa Jerusalem noong taong 830.

 

* Isang paglilinaw sa pangalan ng santo:

 

Si Santiago ay hindi tinatawag sa Pilipino na “San Santiago.” Ito ay isang malaking pagkakamali.  Ayon sa turo ni Msgr. Sabino Vengco, ang Santiago ay sapat na dahil ito ay galing sa mga salitang San Tiago o San Iago, (halaw sa Iacomo, katumbas ng pangalan ng apostol sa Latin). Bagamat sa Bibliya ng Sambayanang Pilipino ang tawag sa alagad na Santiago ay “Jaime,” ang sinusunod na pangalan sa mga seryeng ito ay galing sa Aklat ng Pagmimisa sa Roma, na Santiago ang ginagamit at hindi “San” Santiago o Jaime. Ito ang mas tama at mas kilala ng mga mananampalatayang Pilipino.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Isang tunay na saksi si Santiago Apostol sa mga dakilang ginawa ng Panginoon. subalit kalakip nito ay ang pagiging saksi din niya sa harap ng ibang tao tungkol sa kabutihan at kapangyarihan ni Jesus. Bilang mga Kristiyano, tayo din ay mga saksi sa patuloy na pag-ibig ng Diyos sa mundo. Handa ba tayong ipakita at ipadama sa lahat ang pag-ibig na ito?

 

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

 

2 Cor 4: 14

 

Alam naming ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa aming kasama ni Jesus at dadalhin niya kaming kasama ninyo sa kanyang harap.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS