SAINTS OF JULY: SANTA MARIA MAGDALENA
HULYO 22
SANTA MARIA MAGDALENA
A. KUWENTO NG BUHAY
Maraming mga haka-haka tungkol kay Santa Maria Magdalena mula pa noong mga unang taon ng Kristiyanismo hanggang ngayon. Nariyan na pagbintangan siya bilang isang masamang babae bago siya naging tagasunod ng Panginoong Jesus. Ito ay bunga ng maling paliwanag sa pagpapalayas ng pitong demonyo mula sa kanya (tingnan ang Lk 8:2). Maaaring ang tinutukoy dito ay ibang uri ng pagka-alipin, hindi sa imoral na buhay, kundi pagka-alipin sa karamdaman at iba pang bumabagabag sa kanyang isip at puso.
May mga nagsasabing siya ay naging kasintahan at asawa ng Panginoong Jesus. May mga naniniwala na nagkaroon pa sila ng anak at nakarating siya sa France upang mangaral doon. Bunga naman ito ng mga pagbabasa ng mga sulat na apocryphal (mga akda na hindi tinanggap bilang bahagi ng Bibliya dahil sa kaduda-dudang mga pahayag at mga aral na taliwas sa mensaheng Kristiyano). Nakalulungkot lang na muling lumaganap ang mga kaisipang ito dahil sa mga pelikula at mga pagsasadula at gayundin ng mga aklat na kathang-isip na naging matagumpay sa mass media.
May mga naniniwala na si Maria Magdalena at si Maria ng Betania ay iisang tao lamang. Mayroon namang tumatanggi at nagpapaliwanag na magkaibang babae ang tinutukoy ng dalawang pangalang ito.
Ang nakatitiyak tayo na pagkatao ni Maria Magdalena ay bilang isa sa mga masisipag at matatapat na babae na handang sumunod sa yapak ng Panginoon. Kaya binabanggit ang kanyang ngalan sa listahan ng mga babeng naging malapit kay Jesus sa panahon ng kanyang pangangaral (Lk. 8:2; Mk. 15:47; Mt. 27:56).
Dahil sa kanyang katapatan, naroon siya sa paanan ng krus sa Kalbaryo kahit na ang mga lalaking alagad ay nagtakbuhan at nagtago dahil sa takot sa mga lider ng mga Hudyo (Jn 19:25). Saksi si Maria Magdalena sa pagkamatay ng Panginoon sa krus. Ayon sa tradisyon ng mga simbahan sa Silangan, pagkatapos ng Pentekostes, kasama si Maria Magdalena sa paglipat ng Mahal na Birheng Maria, ina ni Hesus, at ni San Juan na alagad, sa lungsod ng Efeso, kung saan si Maria Magdalena ay namatay at nailibing.
Ang luningning ng pagkatao ni Maria Magdalena ay lalong nabunyag nang banggitin sa Mabuting Balita na siya ang unang dumalaw sa puntod ni Jesus kinabukasan pagkatapos ng kanyag kamatayan (Jn 20). Nang hindi niya makita ang bangkay, ibinalita niya ito kay San Pedro at sa mga alagad.
Habang umiiyak siya dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ni Jesus, nagpakita at kinausap ni Jesus si Maria Magdalena upang patunayan na siya ay muling nabuhay. Nang mabuksan ang kanyang isip sa tunay na mga pangyayari, siya ang inutusan ng Panginoon na ibalita sa iba pang mga alagad ang magandang balita na nagtagumpay mula sa kamatayan ang Panginoon. Dahil dito, binansagan siya bilang “the apostle to the apostles.”
Lumaganap ang debosyon sa santang ito noong ika-12th century.
B. HAMON SA BUHAY
Huwaran ng pananampalataya si Maria Magdalena para sa mga babae at lalaki maging sa ating panahon. Sinubaybayan niya ang buhay ni Jesus mula sa pagsunod sa pangangaral hanggang sa pagkamatay sa krus at humantong sa pagkabuhay na muli. Tunay na walang patid ang kanyang pag-ibig sa Panginoon. Ganito rin ba ang tatag ng ating pagmamahal sa Panginoon?
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 20; 11-18
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” at sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.
(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
Comments