IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 


MAGLAAN NG PANAHON

LK 10; 38-42

 


 

 

Kung may isang napala tayo sa pandemya, ito ay ang aral na ang buhay ay lubhang mahalaga subalit maigsi at walang katiyakan. Kailangan nating lasapin ang bawat sandali, maglaan ng panahong masdan ang mundo na may pagkamangha at paghanga. Sa marami, ang pagkatuklas nito ang tulay na nagtawid sa kanila sa gitna ng hirap at pagsubok ng pandemya.

 

At kaya nagsimula tayong magmasid ng kapaligiran. Nagtanim ng mga hardin, nagmasid sa mga ibon, naki-ugnay sa nawawalang kapamilya at kaibigan. Sa pagnanasang mas mapahalagahan ang kalikasan, bumili ako ng largabista para magmasid sa mga ibong lilipad-lipad sa paligid. Pero akala ng mga kapitbahay ay minamanmanan ko sila kaya itinigil ko muna!

 

Mahal at mahalaga sa Panginoong Hesus ang magkapatid na Marta at Maria. Natuwa siya sa sipag ni Marta na talagang responsible, maaasahan, at masakripisyo sa pagbibigay lugod kay Hesus. Subalit napansin ng Panginoon na may kulang at natagpuan niya ito kay Maria. Ito iyong ugali ni Maria na sanay humanga at manatiling panatag habang tumatanggap, nakikinig, at basta nagsasayang makapiling ang Panginoon. Kapwa mahalaga ang ugali ng magkapatid subalit dapat laging magkatambal ang mga ugaling ito, hindi magkahiwalay.

 

Ang abalang pagkilos na walang pagninilay ay mapanganib. Kasi mas umaasa ka sa sariling sikap kaysa biyaya ng Diyos tungo sa pagkakamit ng kabanalan. Ang pagninilay naman na walang pagkilos ay makasariling pagtatago sa likod ng panalangin na hindi nakaugat sa totoong buhay.

 

Natuklasan ng mga santo ang kahalagahan ng balanseng ito. itinuro ni San Benito ang “ora et labora,” o panalangin at gawain bilang susi sa pagtuklas sa Diyos. Si Sta. Teresita naman ginawa ang lahat para maging banal hanggang sa huli naunawaan niyang dapat lang palang isuko ang sarili sa bisig ng Panginoon. Mismong ang Panginoong Hesus ang nagsabuhay ng pagsisikap tungo sa Kaharian na dumadaloy sa malalim na kaugnayan sa Ama at sa Espiritu Santo.

 

Sa buhay, gumawa daw na tila lahat ng bagay ay nakasalalay sa ating balikat. At tama naman. Subalit ang pagkilos o paggawa ay dapat umuusbong sa panalangin, sa sandaling ginugugol sa piling ng Panginoon, ng kanyang Salita, ng kanyang presensya, at ng pagsamba sa kanya. Dito magkakaroon ng balanse ang buhay; dito magkakaroon ng patuloy na batis ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan.

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS