SAINTS OF JULY: SAN PEDRO CRISOLOGO OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

 

HULYO 30

SAN PEDRO CRISOLOGO

OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Ilang araw lamang ang nakalilipas, nabanggit na natin ang lungsod ng Ravenna sa Italy. Ito ay may kinalaman sa kapistahan ni San Apolinario, alagad ni San Pedro Apostol, na isinugo upang maging misyonero at obispo ng Ravenna.

 

Ngayon isa pang naging obispo ng Ravenna ang ating kinikilala. Siya ay si San Pedro Crisologo. Isa siyang magiting na obispo at marunong na pantas ng simbahan na nakaugat sa kasaysayan ng dakila at mapalad na lungsod. Sa tuwing nagiging mahalaga ang isang lugar sa imperyo o nasasakupan ng Roma, nagiging mahalaga din ang simbahan sa lugar na iyon. Nagkakaroon ng mataas na status.

 

Mahalaga ang Ravenna noong unang panahon dahil isa ito sa mga piniling sentro ng emperador para sa buong kaharian niya. Dahil dito, may natatanging karangalan ang lugar dahil itinuturing itong isa sa mga tirahan ng emperador ng ng Roma na noon ay napalaki ng saklaw na teritoryo.

 

Ipinanganak noong bandang 380 si San Pedro Crisologo sa lugar na tinatawag na Imola sa lungsod ng Emilia. Nang lumaki ang bata, naisipan niyang ialay ang buhay bilang isang pari.  At naging mabuting lingkod nga siya ng mga tao nang dumating ang panahon na naganap na ang pangarap niyang ito.

 

Noong taong 424, nahalal bilang obispo ng Ravenna si San Pedro Crisologo.  Buong-puso niyang inakay ang bayan ng Diyos at ninais na dalhin sila sa bukal ng kabanalan. Isa sa mga bagay na ginawa niyang programa ng kanyang panahon bilang obispo doon ay ang walang-sawang pagtuturo sa mga tao tungkol sa Salita ng Diyos at sa mga aral ng simbahan.

 

Noong panahong iyon, pangangaral o preaching ang paraan ng pagtuturo sa mga tao. Dito sumikat ang katauhan ni San Pedro Crisologo. Magaling talaga siyang mangaral. Nahikayat niya ang mga tao na makinig at matuto sa mga paliwanag at aral na ibinigay niya sa kanila.

 

Ang salitang “Crisologo” ay hindi apelyido ng santong ito. Ang kahulugan ng salitang ito ay “ginintuang pananalita.” Ito ang itinawag ng mga tao sa kanya bilang pagkilala sa kahali-halina niyang pagpapahayag ng aral Kristiyano.  Napakagaling magsalita at mahusay makipagtalastasan si San Pedro Crisologo.

 

Marami ding mga naisulat na akda ang ating santo. Ang mga isinulat niya ay dagdag na tulong upang lalong maakay sa katotohanan ang mga taong kanyang pinaglingkuran.

 

Namatay noong bandang taong 450 si San Pedro Crisologo, bilang minamahal na obispo ng Ravenna. Pinagpala nga ang lugar na ito na naging tahanan ng mga banal na pastol ng simbahan tulad ni San Pedro.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Magaling magsalita si San Pedro Crisologo at ginamit niya ang talentong ito upang lalong mapalapit ang mga tao sa Diyos. Dahil dito hanggang ngayon ay taglay niya ang bansag na “ginintuang pananalita.”  Paano ba tayo magsalita?  Nakapagpapalakas ba tayo ng loob at nakapagpapabuhay ng pananampalataya ng kapwa natin? O baka naman dahil sa ating mga salita, marami ang nawawalan ng gana na subukan ang buhay Kristiyano?

 

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Efes 3: 12

 

Sa kanya (Jesus), may lakas tayo ng loob na lumapit sa Diyos nang may tiwala sa pamamagitan ng pananampalataya.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS