IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

HUWARAN NATING LAHAT

LK 10: 25-37

 


 

 

Sa huling panayam ni San Papa Pablo VI sa pagtatapos ng Second Vatican Council, binanggit niya ang mabuting balita ngayon, ang Mabuting Samaritano, bilang modelo ng simbahan sa makabagong mundo. Pangarap niyang ang simbahan ay humayo na may habag, paglalaan ng sarili at pagiging handang lumingap sa mga dukha at naghihirap. Malaking hamon, subalit hindi niya ito likhang-isip lang. Bumubukal ito sa puso ni Hesus.

 

Madalas nating isipin na ang talinghaga ng Alibughang Anak ang ebanghelyo ng awa. Subalit ang talinghaga ng Mabuting Samaritano ay isa ding makapangyarihang paglalahad ng Panginoong Hesus kung paano dapat mamuhay ang mga alagad na may kabutihan, kababaan at awa para sa lahat. Ipinapakita nito ang sariling pananaw at halimbawa ng Panginoon, gayundin ang kanyang inaasam na gampanin ng mga nagmamahal sa kanya.

 

Sugatan, takot at naghihikahos ang mundo ngayon. Kaydaming nadali ng pandemya. Kaydaming naapektuhan sa materyal at pinansyal na paraan. At higit na marami ang dumadaan sa panloob, sa di nakikitang pagdurusa na nakaapekto sa pag-iisip o mental health nila. Nagdurugo ang puso, isip, saloobin, at damdamin ng maraming tao sa paligid natin.

 

Ayon sa Panginoong Hesus, hindi sapat na nasa puso mo ang Diyos. Hindi sapat na nasa labi mo ang Diyos. Hindi sapat na nasa isip mo ang Diyos. Dapat nating dalhin ang Panginoon sa ating kilos tungo sa ating kapwa. Iyong mga unang dumaan at nakakita sa taong nakahandusay sa daan ay hindi naman masasamang tao. Baka nga may dahilan kung bakit nagmamadali sila at hindi nakahinto. Tulad ng ibang Hudyo, mahal nila at nananalig sila sa Diyos.

 

Pero ang Samaritano lamang ang naglagay ng kanyang pag-ibig sa Diyos sa kanyang kamay. Hindi siya nangaral. Hindi din nagturo. Basta ipinahayag niya ang kanyang pananampalataya sa pag-aaruga at awa sa kapwa. Patunay ito na totoo ang pag-ibig niya, aktibo at mabisa. Tulad ng pagmamahal ng Diyos sa mundo, ng pag-aalay ni Hesus ng sarili para sa ating katubusan.

 

Sabi ni San Francisco de Sales: “Napakalaking kasamaan ang hindi gumawa ng mabuti.” Bawat araw, may pagkakataon tayong magpahayag ng pagmamahal. Ang iba ginagawa ito sa pamamagitan ng dasal. Ang iba, sa pamamagitan ng mabuting hangarin. Ang iba nagbibigay ng konting limos. Pero higit na masaya ang tumutulad sa Diyos sa kanyang kabutihan at pagmamahal sa mga gawain ng pagtulong at paglingap sa nagdurusa. Ikaw, paano mo ipinapakita ang pagmamahal mo sa Diyos?

 

Comments

ma kikz said…
Salamat po sa pagpapaliwanag sa salita ng Diyos . Nakapagbibigay inspirasyon ang iyong pagninilay.
ma kikz said…
Salamat po sa pagpapaliwanag sa salita ng Diyos . Nakapagbibigay inspirasyon ang iyong pagninilay.
ma kikz said…
Salamat po sa pagpapaliwanag sa salita ng Diyos . Nakapagbibigay inspirasyon ang iyong pagninilay.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS