SAINTS OF JULY: SAN SHARBEL MAHLEEF PARI

 

HULYO 24

 

SAN SHARBEL MAHLEEF

PARI

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Isa ang Lebanon sa mga bansang pinupuntahan ng mga Pilipino sa Middle East upang magtrabaho. Maraming mga Pilipino sa Lebanon ang naghahanap-buhay sa mga pamilya doon na nangangailangan ng katuwang sa pag-aaruga ng mga bata at pagpapanatili ng kaayusan ng mga tahanan. Kaya buhay na buhay din ang pananampalataya ng mga Pilipinong manggagawa na nagtitipon doon para magsimba at magdasal na magkakasama.

 

Dating Kristiyanong bansa ang Lebanon subalit dahil sa migration at sa dahilang pulitikal, ngayon ay halos mas marami ang mga Muslim kaysa sa mga Kristiyano. Ito ang katayuan ng modernong bansang Lebanon kung saan nagmula ang ating santo sa araw na ito.

 

Ipinanganak noong 1828 si Youseff sa Biqa-Kafra sa Lebanon. Nagmula siya sa isang Kristiyanong pamilyang Maronite. Mahirap lamang ang kanilang pamilya. Dahil maagang namatay ang kanyang ama, inampon si Youssef ng kaniyang tiyuhin na siyang nagpalaki sa kanya.

 

Ang mga Maronite ay mga Katolikong nagsasabuhay ng tradisyong Kristiyano na sinimulan ni San Maron. Sila ay isa sa mga sangay na bumubuo sa pamilya ng simbahang Katoliko sa buong mundo. Kung tayo ay Roman Catholic, karamihan sa mga Lebanese Christians naman ay Maronite Catholic. Iba ang tradisyon at rito ng pagsamba subalit parehong Katoliko. Ang patriarka ng mga Maronite sa Lebanon ay karaniwang hinihirang bilang isang Kardinal ng simbahang Katoliko.

 

Paglaki ni Youssef ay pumasok siya sa Monastery of Our Lady of Lebanon at pagkatapos na maganap niya ang kanyang mga panata ng poverty, chastity at obedience,  ay pinalitan ang kanyang pangalan bilang Sharbel.

 

Mapalad si Sharbel na maturuan at magabayan ni San Hardini, isa ring santo ng mga Maronite. Pagkatapos niyang mag-aral ng pilosopiya at teyolohiya at maordinahan bilang pari, si Fr. Sharbel ay ibinalik sa St. Maron Monastery kung saan nakilala siya bilang isang monghe na puno ng diwa ng kabanalan. Ginawa niya ang kanyang mga tungkulin na may ganap na pagtatalaga ng sarili sa Diyos .

 

Hiniling niyang mamuhay bilang isang ermitanyo at siya ay pinayagan. Ang isang ermitanyo ay isang namanata na namumuhay mag-isa sa katahimikan at pagdarasal at pagsasakripisyo.  Dalawamput-tatlong taon siyang nanatili sa ganitong buhay kung saan ipinakita niya ang kanyang lubos na pagsuko sa Diyos.

 

Kahit na malayo siya sa mga tao, kumalat ang balita tungkol sa kanyang kabanalan at maraming mga tao ang lumapit sa kanya upang humingi ng bendisyon at ng kanyang mga panalangin. Pinagbigyan niya ang mga ito.

 

Palaging nag-aayuno si San Sharbel at malalim ang kanyang debosyon kay Kristo sa Banal na Sakramento.  Namatay si San Sharbel noong 1898, sa bisperas ng Pasko. Itinanghal siyang santo noong 1977.

 

Isa sa mga himalang ginawa ng Diyos pagkatapos ng kamatayan ni San Sharbel ay ang pananatiling buo ng kanyang katawan hanggang sa kasalukuyan, mahigit isang-daang taon na ang nakalilipas. Maraming kuwento ng paggaling sa karamdaman at iba pang mga sagot sa panalangin ang naitala ng kanyang mga deboto.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Hindi kinakailangang laging nakalublob sa mundo upang maging bahagi ng mundo. Maging ang mga ermitanyo ay bahagi ng mundo dahil sa kanilang puso, mahal nila ang lahat ng tao at ipinagdarasal nila tayo.   Kung may mga pagkakataon na hindi tayo makakatulong nang pisikal sa iba, gamitin natin ang dasal bilang kasangkapan ng ating pagpapakita ng kalinga at pagmamahal sa ating kapwa tulad ng mga ermitanyo.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Jn 10: 10

 

Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.

 

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS