IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAGSANAY NA MAG-MISYON
LK 10: 1-12, 17-20
Kamakailan ay may nakilala akong isang babaeng nagsabi na siya ay isang missionary. Sabik daw siyang magpunta sa ibang mga lugar at maghayag ng Mabuting Balita sa kapwa. Pero nilinaw niya din na hindi siya Katoliko.
Ang misyon ay hindi bahagi ng kamulatan nating mga Katoliko. Pag misyon, iyan ay pang-pari, madre at mga misyonero lang, hindi para sa Katolikong may asawa, may trabaho, nag-aaral, at karaniwang nagsisimba lamang. Dahil dito, ang pagsaksi natin ay mahina. Bihirang marinig ng mga tao ang ligaya ng pagiging Katoliko sa kanilang mga kakilalang Katoliko.
Sa Mabuting Balita, nagsugo ang Panginoong Hesus ng 72 alagad, bukod pa sa naunang pinili na 12 apostoles. Paalala ito na lahat tayo ay misyonero, maging sa karaniwang sitwasyon natin sa bahay, paaralan, trabaho o kapitbahayan. Nais mo bang higit na makiisa sa misyon ni Hesus kahit sa simple at tahimik na paraan? Narito ang 3 hakbang:
Una, manalangin sa Espiritu Santo. Hingin ang biyaya at pagkakataon na magbahagi ng Salita ng Diyos, ng galak ng pananampalataya at ng pag-ibig ni Hesus. Kung gagawin ito, tiyak maglalagay ang Diyos sa iyong landas ng mga taong nangangailangan ng kanyang presensya – iyong mga nalulumbay, nangungulila, o kailangan ng inspirasyon at kadamay. Anyayahan mo ang Espiritu Santo na dalhin ka sa mga taong ito sa paligid mo at sa kanilang mga situwasyong pinagdadaanan.
Ikalawa, maging bukas sa kapwa. Hindi na kailangang mangibang-bansa, umakyat ng bundok o pumunta pa sa mga isla. Ang misyon mo ay kung nasaan ka ngayon. Kaya huwag matakot na lapitan ang kapwa o magsimula ng kuwentuhan. Buksan ang puso sa kanila na may ngiti upang ipakilalang handa kang makinig, makisalo sa kainan, o manatiling katabi nila. Ang misyonero ay naghahanap ng nawawalang tupa. Ang tupa natin ay hindi masyadong malayo sa ating ginagalawan. Salubungin sila, tanggapin sila, maglaan ng panahon para sa kanila.
Panghuli, sa katapusan ng maghapon, ipagdasal ang karanasan. Pasalamatan ang Diyos sa mga taong nakasalamuha mo, sa pagkakataong makibahagi sa kanila, sa biyaya na maghasik ng Mabuting Balita sa salita man o gawa. Ipagdasal din ang mga taong ito, na sana ang karanasan nila sa iyo ay maging kaaya-aya at hindi malilimutan. Patuloy na hingin ang biyaya na maging misyonero ulit sa susunod na araw.
Comments