SAINTS OF JULY: SAN BUENAVENTURA OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN
HULYO 15
SAN BUENAVENTURA
OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Hanga tayo kapag nakakita tayo ng isang taong tunay na iskolar. At may mga tao talaga na ganoon ang hilig na linya sa kanilang buhay – magsunog ng kilay sa pag-aaral at pagpapaka-dalubhasa sa kaalaman. Ganito ang ating santo sa araw na ito, si San Buenaventura.
Ipinanganak si San Buenaventura sa bayan ng Bagnoregio sa probinsya ng Viterbo sa rehiyon ng Tuscany sa Italy noong taong 1218. Sa kanyang paglaki ay nakilala niya ang grupo ng mga Franciscans, na itinatag ni San Francisco ng Asisi. Pumasok siya bilang kasapi ng grupo at naging isang pari.
Malaking bahagi ng buhay ni San Buenaventura ang pag-aaral. Doon sa Paris, nagpakadalubhasa siya sa Pilosopiya at Teolohiya. Noong panahong iyon, ito ang mga sikat na courses, na ngayon sa panahon natin ay tila katumbas ng Information Technology at Nursing. Naging Doktor si San Buenaventura sa mga larangang ito.
Matapos ang kanyang pag-aaral, nagturo siya sa Unibersidad ng Paris. Dito ay nakilala niya ang isa pang santo na iskolar din, si Santo Tomas Aquino, isang paring Dominican.
Pinaglingkuran din ni San Buenaventura ang kanyang mga kapatid na Franciscans sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Naging matagumpay siya sa kanyang misyong ito dahil nagbunga ito ng magagandang bagay para sa kanyang mga kapatid sa pananampalataya.
Si San Buenaventura ang kinilalang pinakamagaling na tagapagsulong ng Mystical Theology sa panahon niya. Dahil sa kanyang katalinuhan at kabanalan ay tinawag siya na “Seraphic Doctor.” Noong unang panahon, ugali ng mga tao na ihalintulad sa mga anghel ang isang taong banal at matalino.
Ang kahulugan ng titulong ito ay si San Buenaventura daw ay matalinong dalubhasa (doctor) na may kabanalan tulad ng isang “seraphim” o serapin. Ang “seraphim” ayon sa Bibliya ang mga anghel na laging matatagpuang nakatayo sa harap ng Diyos umaga at gabi at nagpupuri sa Diyos. (Ang mga “cherubim” o kerubin naman ang mga anghel na siyang nagsisilbi bilang taga-buhat o tuntungan ng Diyos. Ang mga salitang ito ay paraan ng Bibliya upang ipaliwanag sa mga tao ang mga bagay na banal na hindi madaling maunawaan kaya kailangan ng pagsasalarawan. Laging magkatambal na banggiting ang cherubim at seraphim sa Bibliya.)
Nahalal bilang pangkalahatang pinuno o Minister General ng mga Franciscans si San Buenaventura. Bilang lider ng kanyang religious order, naging mabuti siyang lingkod at ang kanyang mga balak, pasya at kilos ay palaging puno ng karunungan at kagalingan.
Itinanghal din bilang obispo at Kardinal ng Albano ang santong ito, isang posisyon na ginanap niya nang may katulad ding pagmamalasakit at pagtatalaga ng sarili para sa kanyang mga nasasakupan. Habang dumadalo siya sa Council of Lyons noong 1274, namatay si San Buenaventura. Ang mga naiwan niyang mga naisulat na aral ang naging gabay ng marami sa pagsasaliksik sa Teolohiya at Pilosopiya.
B. HAMON SA BUHAY
Bagamat hindi lahat sa atin ay may pagkahilig sa pag-aaral, dapat din nating bigyan ng pansin ang ating paglago sa kaalaman tungkol sa ating buhay, sa ating daigdig at higit sa lahat, tungkol sa pananampalataya.
K. KATAGA NG BUHAY
Ephes 3: 17
Manahan nawa si Kristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang pag-ibig naman ang maging ugat at saligan ng inyong buhay.
(mula sa aklat na "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)
Comments