CATHOLIC CHURCH SA CHINA, KAILANGAN NG DASAL
PATULOY ANG PAG-UUSIG O PERSECUTION SA MGA KATOLIKO SA CHINA, AT GAYUNDIN SA IBANG MGA KRISTIYANO AT MGA RELIHYON DOON, NG KOMUNISTANG GOBYERNO SA PAMUMUNO NI XI JINPING. IPAGDASAL NATIN SA MAHAL NA BIRHENG MARIA LALO NA SA MAYO 24, 2022 (KAPISTAHAN NG MARY HELP OF CHRISTIANS), ANG KALAGAYAN NG MGA KAPATID NATING KATOLIKO.
NARITO ANG ILANG
MGA LIDER KRISTIYANO NA PINAG-UUSIG NG GOBYERNONG KOMUNISTA NG CHINA:
CARDINAL JOSEPH ZEN
Si Cardinal Zen ay ang retired bishop ng Hongkong, tagapagtaguyod ng kalayaan ng pananampalataya, karapatang pantao at demokrasya.
Inaresto at kinasuhan dahil sa kanyang suporta sa kilusang demokratiko. Nakalaya dahil sa piyansa, siya ay nakatakdang haharap sa korte sa Mayo 24 at tila mapapatawan ng sentensya ng habang buhay na pagka-bilanggo.
BISHOP JAMES SU ZHIMIN
Si Bishop Su ay isa sa pinakamatagal na naging political prisoner sa buong mundo; siya ang obispo ng Baoding diocese sa Hebei province. Sa kalagitnaan ng isang prusisyon noong 1996, dinakip siya ng mga pulis at hindi na muling nakita pa. Sa panahon ni Mao Zedong, 26 taon din siyang ikinulong at pinarusahan ng torture.
BISHOP VINCENT GUO XIJIN
Dating obispo ng isang diocese, si Bishop Vincent ay ginawang katuwang na obispo ng isang obispo na pinili ng gobyerno. Pinaalis siya sa kanyang tirahan noong 2019 at napilitang matulog sa hagdanan ng gusali ng kanyang opisina. Dahil sa international pressure, ibinalik sa kanya ang kanyang tirahan subalit inalisan ito ng lahat ng serbisyo tulad ng tubig at kuryente. Palagi siyang minanmanan ng gobyerno kaya hindi niya magampanan ang kanyang tungkulin, hanggang napilitan na siyang umuwi sa kanyang pamilya noong 2020.
BISHOP AUGUSTINE CUI TAI
Obispo ng Xuanhua diocese sa Hebei province, ang 70 taong gulang na obispong ito ay nakulong na walang legal na basehan nang 13 taon. Noong 2020, matapos ang maikling paglaya, muli siyang dinakip ng awtoridad.
FR. LU GENJUN
Siya ang Vicar General ng Baoding diocese na dinakip at ikinulong nang palihim noong 2020. Paulit-ulit na siyang nakulong, tulad ng 8 taong niyang pagkabilanggo mula 2006 hanggang 2014.
PASTOR JOHN CAO
Si Pastor Cao ay isang Amerikanong naninirahan sa China. Nahatulan siya ng 7 taong pagkabilanggo dahil sa pagtawid niya sa border ng China patungong Myanmar upang magdala ng tulong doon.
PASTOR WANG YI
Si Pastor Yi ay isang batiking tinig ng mga Kristiyano sa China at founder ng lihim na simbahan na Early Rain Covenant Church sa Chengdu. Hinatulan siya noong 2019 ng 9 na taong pagkabilanggo.
GAO ZHISHENG
Isang sikat na human rights lawyer, si Gao Zhisheng ay matagal nang pinag-uusig, halos 16 taon na mula nang punahin niya ang Komunistang gobyerno sa kanilang pagtrato sa mga religious minorities, lalo na ang mga Falun Gong members. Inaresto siya noong 2005, tinorture at palihim na ibinilanggo. Nakatakas siya noong 2017 subalit muling nadakip at wala nang narinig pa sa kanyang kalagayan o kinaroroonan.
JIMMY LAI
Si Jimmy Lai ay isang mayamang negosyante at maka-demokrasyang mamamayan ng Hongkong. Isa siyang Katoliko. Ikinulong siya nang 14 buwan noong 2019 dahil sa pagsama sa protesta. Marami pa siyang hinaharap na akusasyon ng gobyerno dahil sa kanyang ipinaglalabang mga prinsipyo.
DALAWIN ANG WEBSITE NA ITO: https://globalprayerforchina.org/ PARA SA IBA PANG IMPORMASYON AT MGA PANALANGIN PARA SA MGA KRISTIYANO NG CHINA
Comments