SAINTS OF JULY: SANTA MARTA
HULYO 29
SANTA MARTA
A. KUWENTO NG BUHAY
Kung ang huling mga santo na ating ipinagdiwang, ang mag-asawang Joaquin at Ana, ay halaw mula sa tradisyon ng simbahan at ng mga unang Kristiyano, ang santa sa araw na ito ay matibay naman ang pagkaka-ugat sa mismong Salita ng Diyos o sa Bibliya.
Sino ang hindi makakakilala kay Santa Marta? Si Santa Marta ay isa sa tatlong magkakapatid na naging malapit sa puso ni Jesus bilang mga matatalik niyang kaibigan. “Mahal ni Jesus si Marta at ang kapatid nitong babae at si Lazaro” (Jn 11:5).
Ang kanyang kapatid na babae na si Maria (ng Betania, hindi si Maria Magdalena tulad ng inisip ng ilan) ay may malalim na pagmamahal at paghanga sa Panginoon. Itinuon ni Maria ang kanyang oras at pansin sa pakikinig kay Jesus. At ang kapatid na lalaki niya na si Lazaro ang binuhay ng Panginoon mula sa kamatayan.
Sinasabing madalas na takbuhan at pahingahan ni Jesus ang tahanan ng magkakapatid na ito sa Betania kapag siya ay napapagod sa kanyang misyon ng pangangaral. Sa isang pagdalaw ni Jesus, naganap ang tagpo kung saan nagtalo si Marta at Maria tungkol sa tamang paraan ng pag-aasikaso sa kanilang marangal na panauhin.
Si Marta ang nag-asikaso ng todo-todo sa pamamagitan ng paghahanda ng pagkain at iba pang kailangan ni Jesus at ng mga kasama niya. Si Maria naman, tulad ng nabanggit, ay matamang nakinig sa mga kuwento at aral ng Panginoon. Isinumbong ni Marta kay Jesus ang kanyang kapatid na tila walang ginagawa upang tumulong.
Itinuwid ng Panginoon ang pananaw ni Marta na hindi dapat laging abala sa gawain kundi dapat may panahon din sa pakikiniig sa Panginoon. “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya” (Lk 10: 41-42).
Si Santa Marta din ang unang lumapit kay Jesus pagkatapos ng kamatayan ng kapatid na si Lazaro. “Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay” (Jn 11:20). Hiningi ni Marta sa Panginoon na buhayin ang kanyang kapatid mula sa pagkakahimlay sa kamatayan.
Sa kanyang mga labi din nagmula ang pahayag ng pananampalataya tungkol kay Jesus bilang Anak ng Diyos na buhay. “Oo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikawa ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo” (Jn 11: 27). Nagpakita rin ito ng pananampalataya kay Jesus bilang bukal ng pag-asa at lubag ng kalooban sa panahon ng mga kapighatian at paghihirap.
Magandang isipin na ang pistang ito ni Santa Marta ay nakalaan sa isang kaibigang babae ng Panginoon, sa paglilingkod sa Panginoon at sa malalim na pananalig sa kapangyarihan ng Panginoong Jesus.
B. HAMON SA BUHAY
Si Marta ay naging abala sa maraming bagay na kung tutuusin ay mahahalaga din naman sa mata ng Diyos at ng ating kapwa. Subalit tinanggap niya ang pagtutuwid ng Panginoon na bigyang puwang din ang lalong mahalaga – ang makinig sa Salita ng Diyos. Minsan sa ating pagka-abala, ay maglaan din tayo ng quality time para sa panalangin at pagninilay nang tahimik sa harap ni Jesus.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 11: 27
OO, Panginoon. nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na duamarating sa mundo.
(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)
Comments